Archive for » February, 2007 «

Bowling

Kategorya: Pangyayari
Klase: Laro
Pangalan: Bowling

Image Hosted by ImageShack.us

Maraming sikat na laro dito sa Pinas. Nandiyan ang walang kamatayang basketball. Sikat na rin ang badminton at tennis. Pero marami ang nakakalimot sa ganda ng paglalaro ng bowling.

Akala ng karamihan na madali lang maglaro ng bowling. Para bang napaka-simple lang pagulungin ang bola nang diretso at tamaan ang sampung pins na magkakalapit ang agwat. Oo, madali lang… yan ay kung magaan lang ang bola at hindi tataas ang timbang ng 7lbs!

Kamakailan lang ay naglaro kami ng mga ka-opisina ko ng bowling dito sa malapit sa aming gusali. Kakaibang ligaya ang dulot nito sa amin dahil sa mga trash talk, mga taong di mo akalain eh magaling pala sa bowling (tulad ng aming guard na hanep kung maka-strike), at mga taong akala mo magaling pero di naman pala (tulad ko). Gaya ng saya na madarama mo sa paglalaro ng badminton, ang bowling ay halakhakan na walang humpay.

Ang masama lang talaga eh kapag puro na gutter ang tinatakbo ng bola mo. Nakakainis na pakiramdam dahil wala kang natataman na pin. Pero masarap din ang tunog kapag nadadale mo lahat ng pins sa isang tira lang. Para bang ang dali ng laro.

Ang kahihinatnan ng kakalaro ng bowling ay sakit ng braso… lalo na kung matagal kang hindi nagbubuhat ng mabibigat na gamit. Hanggang ngayon nga eh wasak pa rin ang kanan kong braso.

Nawa ay marami na sa atin ang makatuklas ng aliw sa paglalaro ng bowling. Magsawa na rin sana tayo sa puro lang badminton at basketball at subukan din natin ang pagpapatumba sa 10 pin!

Deyey’s Approval: 84%

Aquarium

Kategorya: Bagay
Klase: Dekorasyon
Pangalan: Aquarium

Image Hosted by ImageShack.us

Nakakatuwa talagang mag-alaga ng kahayupan. Sa probinsiya, ang mga normal na inaalagaan ay mga baka, kalabaw at manok. Puwede kasi itong ibenta bilang pagkain. Dito naman sa siyudad, ang madalas mong makikita ay mga aso, pusa, daga, ipis… at hindi mawawala ang mga isda na nakalagay sa aquarium!

Kagabi lang ay nagkaroon kami ng 50gal. aquarium sa bahay na kasalukuyang naka-display sa may garden ng bahay. Natuwa ako at napagtanto kong ito ang aking i-review sa entry kong ito.

Maraming klase ng aquariums. Merong sobrang laki na kahit yata pating eh kasya sa loob. Meron naman ding maliit na ang kayang alagaan lamang ay mga suso (snail… ang bastos ng isip mo ah!). Meron ding tama lang ang sukat na ang nagkakasya ay ang paborito ng lahat na goldfish.

Malaking bagay ang aquarium sa pag-aalaga ng mga isda. Kapag malaki ang aquarium mo at maliliit lang naman ang mga isda, mas marami silang magagalawan at mas makakalangoy sila. Mas marami rin ang espasyo para sa mga disenyo sa loob.

Depende rin sa klase ng isda kung anong klase ng aquarium ang kukunin mo. Siyempre, pag mamahaling isda ang nabili mo, matibay na klaseng “selda” ang bibilhin mo. Pero kung tsipipay lang ang isda mo, kahit yata supot ng ice candy lang pwede na sa isda mo.

Napakaraming bahay dito sa Pinas ang may aquarium. Tila ito yata ang pinaka-default na dekorasyon sa isang tahanan. Nakakaaliw din makakita ng mga isda na paikot-ikot sa sala. Malaking bagay talaga ang aquarium.

Deyey’s Approval: 77%

UP Fair

Kategorya: Pangyayari
Klase: Espesyal na Araw
Pangalan: UP Fair

Mga banda, iba’t-ibang pagkain at samu’t-saring bilihin… yan ang matatagpuan mo sa UP Fair!

Ang UP Fair ay isang linggong kasayahan na ginaganap sa Sunken Garden ng Unibersidad ng Pilipinas. Isang malaking bahagi ng lugar ang nililiban para gawing “fair area”, habang dun naman sa ibang parte na medyo madilim eh “tuloy ang ligaya”!

Ito ang kauna-unahang UP Fair na napuntahan ko. Yung mahal ko kasi eh sa UP nagtapos ng kolehiyo. Pero sa lahat ng aking mga naging kasintahan (kabuuan ay lima… tatlo dun taga-UP kasama na ang mahal ko), siya lang ang nagdala sa akin sa UP Fair. Kaya naman talagang masaya ang aming Valentines Day!

Nung umaga ay nakita ko na ang lugar. Para nga siyang “ghost town”… walang kabuhay-buhay. Kulang na lang eh may makita kang “tumbleweed” na gumulong-gulong. Pero pag gabi pala eh tila isa siyang bar…punung-puno ng tao na di magkanda-ugaga sa loob.

Iba’t-iba ang makikita mo sa loob. Siyempre, di na mawawala diyan ang mga stalls ng pagkain! Ang dami talaga! Pati mga kilalang kainan eh nandoon tulad ng Kenny Roger’s, Shakeys at Rodics (isang tanyag na kainan sa loob ng UP). Natuwa pa nga ako dahil may Smokeys hotdog sa loob! Matagal-tagal na akong hindi nakakakain dun kaya sobrang saya ko at yun na ang ginawa kong hapunan.

May mga stalls din ng abubot at damit. Iba’t-ibang klase ito at talaga namang mura at magaganda ang disenyo. May mga T-shirts na may mukha ni Robert de Niro sa pelikulang “Taxi Driver”. May “Guck the Fovernment” at ang nabili kong “TVJ” (with picture ng tatlong maestro sa komedya).

Siyempre, di mawawala ang mga banda! Ang mga nakatoka kahapon ay mga lokal UP bands at ilang sikat na banda tulad ng Blue Ketchup, Orange and Lemons, Jeepney Joyride, Sandwich, Kiko Machine, Radioactive Sago Project at marami pang iba. Sa kasamaang palad, di na kami nagtagal masyado ng mahal ko dahil may pasok pa kinabukasan. Hanggang sa Orange and Lemons lang kami pero masaya pa rin.

Sabi din ng mahal ko, ang pinakamasayang araw talaga sa UP Fair ay kapag Biyernes. Dito kasi dumadagsa ang malalaking banda. Kaso, ito rin ang pinakamagulo. Ito ang araw kung saan nagsasalpukan ang mga tunay na rockers at mga feeling rockers na jologs talaga.

Magandang event ang UP Fair. Para sa isang tulad kong unang salta pa lang doon, talagang natuwa ako at nais kong bumalik sa sunod na taon. Susubukan ko naman pumunta kapag Biyernes para maranasan ko ang kaguluhang nagagawa lamang ng nag-iisang Unibersidad ng Pilipinas!

Deyey’s Approval: 90%

Valentine’s Day

Kategorya: Pangyayari
Klase: Espesyal na Araw
Pangalan: Valentines Day (Araw ng mga Puso)

Image Hosted by ImageShack.us

Maligayang Araw ng mga Puso sa inyong lahat! Opo… ika-14 na naman ng Pebrero at ito ang panahon kung kailan marami kang makikitang mga taong may bitbit na mga bulaklak o kaya’y tsokolate. Para sa mga babae, ito ang araw na malaki ang tsansa nilang makatanggap ng samu’t-saring regalo. Para naman sa mga lalake, pagkakataon na nila itong mag-alay ng regalo sa mga matagal na nilang sinisinta pero wala silang lakas ng loob para lumapit.

Nakaka-aliw ang Araw ng mga Puso, lalo na sa pananamit. Marami sa atin ang nagsasadyang mag-suot ng kulay pula. Kung hindi naman, ang makikita mo ay mga naka-kulay itim. Di mo tuloy alam kung may rally na mangyayari. (Marami rin naman ang walang pakialam sa suot nila, tulad ng mahal ko na kasalukuyang naka-suot ng kulay asul.)

Bago naman dumating ang araw na ito, ang sarap ding maki-usyoso sa mga bookstores… dun sa section ng mga Valentines Day cards. Yun ang section kung saan madalas amoy putok bago dumating ang katorse. Nung isang araw ay nakisiksik din ako dito para bumili sana ng card. Kaso, ang haba ng pila sa counter at amoy putok talaga kaya nag-tap out na lang ako.

Lahat din ng mga bilihin ngayon eh may tema ng puso. May Valentines Day chocolates, Valentines-themed books, T-shirts, brief, attache case… lahat puso! Ano kaya ang tema ngayon sa Philippine Heart Center?

Ang araw na ito ay maaaring maging masaya o malungkot, depende sa sitwasyon mo ngayon sa Friendster (single, in a relationship, it’s complicated… etc). Masaklap ang araw na ito sa mga kaka-break lang nung Feb. 13 at 11:59pm. At napakasaya naman nito sa mga taong sinagot sa nabanggit ding oras.

Kakaiba talaga ang nagagawa ng Valentines Day sa sambayanang Pilipino. Kahit saan ka tumingin, konektado sa Puso. Hayy… basta ako, masaya ngayong araw na ito. Kaya naman dapat pula ang suot ko (at hindi orange!).

Deyey’s Approval: 95%

Magneato

Kategorya: Bagay
Klase: Laruan
Pangalan: Magneato

Image Hosted by ImageShack.us

Lego. Brick game. Magic Spring. At ngayon naman heto… ang Magneato!

Ang Magneato ay gawa sa mga magnet at ang pangunahing layunin nito ay makabuo ka ng mga bagay-bagay gamit ang mga piyesang matatagpuan sa kahon nito. Kumbaga, para itong Lego kaya lang dikit-dikit talaga.

Binubuo ang Magneato ng mga magnet na pahaba na iba-iba ang kulay tsaka mga magnet na hugis bilog. Sa pamamagitan ng mga ito, maaari ka nang makabuo ng iba’t-ibang kombinasyon. Nakakaaliw talaga!


Una ko siyang nakita sa mesa ng boss kong Australyano na nagdala nito isang araw makaraang mang-galing sa isang meeting. Nang siya’y umalis ng bansa panandalian, nagkaroon ako ng pagkakataon na laruin ang Magneato. Naaliw talaga ako dahil sobrang magnetic nito. Hindi siya yung tsipipay na magnet tulad ng ginagamit sa mga note holders para sa pridgyider. Ito’y matibay na klaseng magnet… sinubukan ko nga siyang isabit sa isang bakal na bagay at talagang matibay ang pagkakakapit.

Maraming bagay ang puwedeng mabuo gamit ang Magneato. Kung talagang masipag ka, maaari kang makabuo ng Eiffel Tower o kaya’y ang skeleton na pinag-basehan ng mga inhinyero para mabuo ang SM Mall of Asia…

Ang masaklap lang sa laruang ito ay madaling mawala ang mga piyesa nito. Tulad ng Lego, maliliit lang ang mga piyesa at madaling maiwan sa kung saan-saang parte ng kabahayan. Nakakainis pa naman kapag kulang ang magandang klaseng laruan.

Hindi rin puwede ang laruang ito para sa mga sobrang bata… lalo na sa mga sanggol. Dahil sa kaliitan ng mga piyesa, maaaring isubo ito ng kung sinong bata at malunok ito. Baka magulat pa ang mga magulang niya kapag lahat ng kasangkapan nilang gawa sa bakal eh dumikit sa kanya.

Sa kabuuan, mahusay na laruan ang Magneato. Talagang mapapaisip ka sa mga maaari mong gawin at buohin sa mga piyesang meron ka. Kaya kung frustrated engineer ka, dito mo paghusayan ang talento mo at balang-araw tiyak na makakamit mo ang tagumpay… salamat sa Magneato!

Deyey’s Approval: 88%