Archive for » May, 2007 «

Jollibee Burger Steak

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Jollibee Burger Steak

Image Hosted by ImageShack.us

Jollibee laban sa McDo. Sa Pinas, alam natin na panis na panis ang payaso dun sa bubuyog. Kuha kasi ng Jollibee ang tamang timplang Pinoy, kahit na gumamit pa sila ng mga sangkap na hindi naman talaga pang-Pinoy. Wala pa akong natitikman sa Jollibee na hindi pumatok sa panlasang Pilipino. At kahit ata anong kombinasyon ang ihain nila eh talaga namang click sa masa.

Naisipan din ng Jollibee na maglagay ng burger patties (na DAPAT ay nasa pagitan ng dalawang tinapay) sa isang rice meal at haluan ito ng Mushroom Sauce. Ito na ngayon ang tinatawag nilang “Burger Steak” at isa sa pinakakilalang meal sa restaurant.

Alam natin na maraming bata ang “takot” kumain ng gulay at mas trip ang karne. Napagtanto ng Jollibee na maghain ng isang “meat meal” na liban pa sa Chickenjoy (kung saan masaya ang manok bago siya ma-tepok). At nang magkaroon na nga ng “Burger Steak”, natuwa ang lahat ng taong hindi kumakain ng gulay. Siyempre, makakakain na sila ng karne na hindi naka-burger ang hitsura.

Hindi naman nagkulang sa lasa at timpla ang Jollibee nang gawin nila ang Burger Steak. Masarap naman talaga ang Mushroom Sauce na halo nila kaya naman binabalik-balikan na marami ang lasa nito. Minsan nga ay gumawa pa sila ng promo kung saan may iba’t-ibang sauce ang pwedeng ihalo sa patties. Astig din yun dahil nagkaroon ng choices ang mga mamimili.

Marahil ay magiging karaniwan na ang Burger Steak sa lahat ng restaurants ng Jollibee. Hinding-hindi na ito mawawala pa sa listahan dahil sa kasikatan nito. Maihahambing na siya sa level ng Regular Yum at French Fries -mga pagkaing kahit magunaw ang mundo at maging presidente ng Pilipinas si Manny Pacquiao eh hindi mawawala sa menu. Asahan na natin na lalong yayaman ang Jollibee dahil sa sarap at lasa ng kanilang Burger Steak.

Kaya kung ako sa McDo, gumawa na sila ng pantapat sa Burger Steak dahil napag-iiwanan na sila. Gumawa kaya sila ng “McBurger Steak”? Pangit noh? Buti pa tuloy na lang nila ang “McSisig”…

…yan ay kung mapangahas silang lalaban sa Jollibee Burger Steak na pwede nang maging “institusyon” sa pagkaing Pinoy!

Deyey’s Approval: 91%

Dopod 838 Pro

Kategorya: Bagay
Klase: Cellphone
Pangalan: Dopod 838 Pro

Image Hosted by ImageShack.us

Nung unang lumabas ang mga cellphone sa Pilipinas, namamayagpag ang kasikatan ng Nokia. Napakadali kasi nitong gamitin lalo na’t text at tawag lang ang madalas na ginagawa ng mga Pinoy. Kaya naman nang magsulputan na ang samu’t-saring brands, nabuang ang mga tao kung ano ang pipiliin nila na gagamitin na pang araw-araw, lalo na’t sa bawat oras eh paganda nang paganda ang kakayahan ng bawat telepono.

Tulad nila, nabuang din ako nang sabihin sa akin ng isang kaibigan ko na mag-rebyu ng isang telepono. Akala ko naman Nokia din (tulad ng pina-rebyu sa akin noon) o kung hindi man eh Sony-Ericsson o Samsung. Laking gulat ko nang ang ipakita niya sa akin ay isang “alien” phone. Isang brand na hindi ko kilala. Isang telepono na nagnga-ngalang Dopod 838 Pro.

Sa unang tingin ko sa Dopod 838 Pro, agad kong naisip na para itong halo ng Nokia N95 at O2 sa hitsura. Malaki din kasi ang screen at gumagamit ito ng stylus. Pero nang halungkatin ko na ang features ng teleponong ito eh napa-laway ako dahil ang astig ng functions nito.

Ang Dopod 838 Pro ay pinatatakbo ng Windows Mobile OS. Bale kung sanay kang gumamit ng WIndows sa iyong desktop PC eh malamang madali mo lang matututunan ang phone na ito. Siksik din sa features ang Dopod… meron itong 2MP camera, magandang speakers at mahusay na pagkaka-layout ng mga main buttons. At higit sa lahat, meron itong sliding QWERT keyboard na ubod talaga ng pogi. Lufet!

Medyo magaang ang timbang ng Dopod 838 Pro. Mas maiisip mo pa nga na laruan lang ito at hindi telepono. Pero pag hinanap mo ang presyo niya sa Internet, maiisip mo na hindi talaga ito laruan. Ano ba naman ang teleponong may P45,000 ang halaga di ba?

Hindi para sa mga beginners ang cellphone na ito. Mas naaakma pa ito sa mga taong business-minded at on-the-go lagi dahil tiyak na malulubos nila ang features nito. Halos lahat na ng magagandang features ng isang “smartphone” ay nandito. Mabangis kung sa mabangis… pati nga presyo mabangis!

Bigla tuloy tumaob ang Nokia N95 ko! Waah!

Deyey’s Approval: 95%

Uno Cards

Kategorya: Bagay
Klase: Laruan
Pangalan: Uno Cards

Image Hosted by ImageShack.us

Masarap magkaroon ng mga kaibigan. Alam mong dadamayan ka nila pag malungkot ka. Makikitawa sila sa iyo pag masaya ka. Handa silang ipagtanggol ka pag nasasaktan ka. Mga tunay na kaibigan na alam mong kahit na anong mangyari ay hindi masisira ang maganda niyong pagsasamahan…

…pero oras na maglaro kayo ng Uno Cards, lahat ng klase ng samahan ay nababasag. Talo-talo ang lahat at walang kaibi-kaibigan… lalo na kapag nalapatan ka na ng “Draw Four” na baraha!

Ang paglalaro ng Uno Cards ay parang “Crazy Eight” na isa sa mga kilalang laro sa pang-karaniwang baraha. Sa Uno Cards nga lang, mas madali ang pagtanda dahil imbes na “suit” eh mga kulay ang nasa ibabaw. At minsan, may mga “espesyal” pang baraha na nakakabago (at nakakabuang) sa takbo ng laro.

Nitong isang araw ay naglaro kami ng Uno Cards ng Honey ko pati mga kapatid niya (at ng boyfriend ng isang kapatid niya). Nung simula ay may kanya-kanyang isip kung paano didiskarte sa paglalaro ng kani-kanilang baraha. Kailangan kasi paunahan kayong makaubos ng hawak na baraha. At nang isa-isa nang kumukonti ang baraha, lumalabas ang natural na galit at pagka-inis ng bawat tao.

Nakakainis tuwing bibigyan ka ng kalaban mo ng “Draw Two” o kaya “Draw Four” kung saan bubunot ka ng baraha na naaayon sa bilang na pinapabunot sa iyo. Nakaka-buwisit ito kapag malapit ka nang matapos tapos may titira sa iyo ng ganun. Bigla na namang dadami ang baraha mo at magmumukhang pamaypay.

Halos isang oras at kalahati din kaming naglaro ng Uno Cards. Ultimo yung kapatid ng Honey ko eh umuusok ang tenga sa inis sa akin tuwing lalapatan ko siya ng “Skip” o kaya “Draw Two”.  Kung nakaka-tusok lang ang talim ng titig eh malamang dedo na ako ngayon at nagre-rebyu na lang sa langit!

Sa bandang huli, bati pa rin naman kaming lahat. Wala namang sobrang pikon sa amin at sport lang talaga ang lahat. Nag-enjoy talaga kami sa paglalaro ng Uno Cards. Marahil kung wala ang mga ganitong klase ng laro eh hindi kami makakapag-bonding nang buo dahil wala kaming “common point of interest”. Bonding.

…bonding na halos mag-sabunutan na sa kakalapat ng “Draw Two” at “Draw Four”!

Deyey’s Approval: 90%

St. Francis Square

Kategorya: Lugar
Klase: Mall
Pangalan: St. Francis Square

Image Hosted by ImageShack.us

Kamakailan lamang ay nag-post ako ng rebyu tungkol sa Divisoria, ang pangunahing pamilihan ng mga Pinoy na nagtitipid. Alam nating lahat na ang kinaganda ng Divisoria ay sobrang mura ng mga tinda dito. Kaya lang, sobrang dami naman ng tao at medyo hindi ligtas para sa mga mamimili dahil magulo sa lugar na iyon. At dahil karamihan ng Pinoy ay nagta-trabaho ng 9-5, M-F, minsan wala na silang pagkakataon na pumunta sa Divisoria dahil pagod na rin naman sila pag weekends.

Marahil itong problemang ito ang naging ugat kung bakit natayo ang St. Francis Square. Ang St. Francis Square kasi ay isang mall kung saan karamihan ng paninda ay mala-Divisoria at medyo mataas lang nang kaunti ang presyo. Ang kinaganda nito, malapit lang ito sa mga nago-opisina (Ortigas lang ito) at bukas mula umaga hanggang gabi. Talaga namang sinadya para sa mga “yuppies”, “hippies” at “ipis”.

May ilang palapag lamang ng pamilihan ang St. Francis Square kahit na pagtitingnan sa labas eh para bang napakalaking gusali nito. Ating halughugin ang mga paninda sa bawat floors…

Sa unang palapag ay mga gadgets ang binebenta. Makikita rito ang ilang stalls ng mga cellphones, mga nagbebenta ng audio CDs, mga alahas (kahit na hindi naman talaga ito gadget) at ang walang kamatayang DVD na pirata. Itong floor na ito ang pinakamaraming tao, lalo na sa bahaging DVD. Kulang na lang ay magkapalit kayo ng mukha dahil sa sobrang magkakatabi kayo. Pero masaya sa lugar na ito dahil makakamura ka ng mga palabas… medyo pangit lang dahil illegal at minsan hindi “DVD-copy”. Bulok.

Pag umakyat ka naman sa ikalawang palapag, makikita mo ang samu’t-saring damit at sapatos. Tulad ng Divisoria, mga “Class A” ang paninda dito. Bale, maganda ang quality pero hindi orig. Sobrang makakamura ka at tiyak na may mahahanap kang damit / pang-yapak na para sa iyo. Partida pa dahil pwede mo pa silang tawaran.

Mga damit din ang makikita mo sa ikatlong palapag. Medyo mas marami nga lang tindahan dito ng tsibog sa itaas at mas kaunti ang mga tindahan. Gayunpaman, may makikita ka pa ring kagamitan na babagay sa iyo sa lugar na ito.

Suma-total, nababagay ang St. Francis Square ay para sa mga taong sobrang nagtitipid pero walang oras at panahon para pumunta ng Divisoria. Tutal andito naman na ang mga makikita sa Divi, bakit ka pa nga ba naman lalayo pa at makikipag-siksikan? At kung talagang gusto mo pa ng isang magandang dahilan kung bakit sa St. Francis Square ka na lang mamimili, heto ang masasabi ko:

“Sa St. Francis Square… naka-aircon kahit siksikan!”

Deyey’s Approval: 84%

Divisoria

Kategorya: Lugar
Klase: Distrito
Pangalan: Divisoria

Image Hosted by ImageShack.us

Bag. Sapatos. Medyas. Brief. Damit. Plastik. Pati nailcutter. Kahit anong bagay ay matatagpuan at ibinebenta sa Divisoria.

Karamihan ata ng mamimiling Pilipino ay nakakaalam sa Divisoria. Kapag nabanggit ang pangalan ng lugar na ito, agad na sasabihin ng kasama mo na “Aba, mura ang <ilagay ang pangalan ng bagay sa lugar na ito> dyan!” Kung sabagay, lahat ng tinda sa Divisoria ay mura. Partida pa dahil lahat ay puwedeng tawaran!

Kamakailan lang ay nakapamili kami ng Honey ko at ng pamilya niya sa lugar na ito. Siyempre, agad kaming naglibot para makabili ng samu’t-saring bagay. Nagtungo kami sa dalawang sikat na “malls” sa lugar na iyon: ang 168 at Tutuban Mall. Halos pareho lang ang istilo ng dalawang lugar na ito.Iba’t-iba ang tinda pero karamihan ay mga damit, lalo na yung sa pambabae. Nakakahilo tumingin sa kung saan-saan pero solb naman kapag nahanap mo ang trip mo.

Bukod sa damit, sikat din na paninda ang mga caps at sapatos. Lahat na ata ng klase ng sumbrero at pang-yapak ay meron sa Divisoria. Mapa-cool man o jologs, may tinda sila niyan na siguradong matitipuhan mo. Mas masaya kapag nakarami ka ng bili. Mamo-mroblema ka kung kailan mo sila isusuot nang sabay-sabay.

Sa panahon ngayon, ang pinakamabentang bilihin sa Divisoria ay mga school supplies. Grabe sa mura ang mga paninda. Ang mga kuwaderno nila ay nasa P9 lang. Kumpara sa mga kilalang bilihan ng gamit-pang eskwela tulad ng “Pambansang Bookstore”, mas makakatipid ka ng P7 sa bawat kuwadernong bibilhin. Sobrang bagsak-presyo talaga. Ultimo nga payong eh naibebenta nila sa halagang P20 lang! Partida pa dahil de-pindot ang payong… o say mo, high tech!

Masarap talagang mamili sa Divisoria, lalo na kung limpak-limpak ang hawak mong salapi. Tiyak na marami kang plastic na bitbit na iuuwi sa bahay. Sobrang enjoy sa lugar na ito. Medyo matao lang at siksikan kaya dapat ingat din sa dalang gamit. Pero kung talagang ang tipo mo eh mamili lang, Divisoria ang tamang lugar na para sa iyo. Malay mo, yung nabili mong damit sa labas na may halagang P2,000 eh P200 lang pala dito!

Deyey’s Approval: 83%

Nokia N95

Kategorya: Bagay
Klase: Cellphone
Pangalan: Nokia N95

Image Hosted by ImageShack.us

Ilang taon na ang lumipas nang unang lumabas ang Nokia 5110. Tandang-tanda ko pa noon ang aking kasiyahan nang matanggap ko ang kauna-unahan kong cellphone na ito. Tila ba walang humpay ang aking saya. Talagang galak na galak na ako kapag nakakapag-text at tawag ako gamit ang aking Islacom na sim (oo, may Islacom pa noon). Lahat na ng nagagawa ng landline at higit pa ay nandito: tawag, caller ID, games, pati iba’t-ibang ringtones pwede!

Talon tayo sa taong 2007. Ito ang panahon kung kailan nilabas ng Nokia ang N95 sa Pilipinas. Sa unang tingin pa lang ay malupit na talaga ang teleponong ito. Lahat na ng nagagawa ng Nokia 5110 ay nandito… tapos lahat din ng kayang gawin ng portable computer mo ay nandito din. Sa madaling sabi, ang Nokia N95 ay isang computer na nagtatago lamang sa hitsurang cellphone. Mabangis talaga!

Bukod sa “normal” na features ng isang cellphone tulad ng text, tawag, at kung anu-anong application, ang N95 ay may 3G capacity na kaya’t mas mabilis ang palitan ng data over-the-air. Kapag nagte-text nga ako ay mabilis na nawawala ang mga “Outbox” message ko.

Sa camera naman, hanep ang N95 dahil ito’y may kakayahan na kumuha ng 5 Megapixel na litrato. Opo… 5MP! Ambangis di ba? Ultimo kulangot nung kinukuhanan mo eh maka-capture dahil sa linaw at bangis ng teleponong ito. Tapos, may “flash” feature pa na parang isang tunay na digicam talaga.

Pati applications ng N95 ay mabangis. Meron itong built-in na GPS system… bale hindi ka mawawala kung sakaling mawala ka man sa disyerto. Meron din itong application na map ng bawat bansa. At kung medyo business-minded ka, meron din itong mobile “Office”. Bale kaya niyang buksan ang MS Office documents mo. Meron pa ngang Zip utility ang N95 para sa mga files na nada-download mo sa Net. Astig!

Medyo talo lang sa buhay ng baterya ang N95. Sa loob ng isang araw ay low batt na ang teleponong ito, kahit na text at tawag lang ang gawin mo dito. Hindi ko nga lubos-maisip na sa dami ng features ng N95 eh sa baterya pa siya bagsak. Grabe… araw-araw ka talagang magcha-charge! Dapat lagi kang may spare battery sa bag.

Sa kabuuan, mabangis na phone talaga ang N95. Nararapat ito sa may mga sariling business na ayaw napapalayo sa kanilang mga kalakal. Pwede rin sana ito sa mga estudyante na laging may “reviewer” na .doc ang format. Medyo mahal nga lang siya (halos P33,000 siya dito sa bansa natin) kaya hindi talaga siya pang masa.

At dahil mahal siya, takaw-snatcher ang teleponong ito. Kaya dapat ingatan… di tulad ng Nokia 5110 na sa panahon ngayon eh hindi na aagawin pa ng snatchers, kahit na nasa Quiapo ka pa.

Deyey’s Approval: 94%

Pirates of the Carribean: At World’s End

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Pirates of the Carribean: At World’s End

Image Hosted by ImageShack.us

Johnny Depp, Orlando Bloom at ako: tatlo sa pinakapoging nilalang sa buong mundo. Yung unang dalawang nabanggit na pangalan ay medyo may kasikatan ngayon dahil lumabas muli sila sa isa na namang malupit na pelikula at ito ang Pirates of the Carribean: At World’s End. At tunay nga namang malupit at astig ang pelikula kahit para sa isang katulad ko na hindi gaano na-adik sa seryeng ito.

Marami ang nag-aabang sa paglabas ng “At World’s End” dahil makikita na naman nila ang pagbabalik ni Capt. Jack Sparrow na ginagampanan ni Depp. Tulad ng mga nakaraang pelikula, ganun pa rin kakulit si Sparrow at talagang nakaka-aliw ang kanyang persona. Pero bukod kay Sparrow, karamihan ng mga karakter ay may kanya-kanyang agenda sa palabas na ito.

Tulad ng nabanggit ko sa unang talata, hindi ko nasubaybayan ang buong serye kaya medyo hindi ko gamay ang kuwento ng buong palabas. Pag pinanood mo ang “At World’s End” at wala kang alam sa kuwento, medyo maguguluhan ka sa simula ng palabas (buti na lang kasama ko ang Honey ko na sobrang adik sa seryeng ito). Pero habang lumalalim ang palabas, dahan-dahan mong maiintindihan ang kuwento at aabangan mo na ang mangyayari sa susunod na eksena.

Hindi nagkukulang sa special effects ang palabas na ito. Sulit na sulit sa mga kanyon at mga CGI graphics ang pelikula at talaga namang mahusay ang pagkakagawa na hindi mo na ito mapapansin. Malupit din ang mga stunts na tunay na pang-Hollywood at hindi lang tsipipay na Pinoy-style. Pati script ay mabangis, lalo na sa bawat salitang binibitawan ni Depp habang kausap ang samu’t-saring pirata.

At dahil nga pirata, asahan niyo na sa kuwento ang trayduran… tila nga ito ang pangunahing tema sa buong palabas. Gayunpaman, hindi kayo magsisisi kapag pinanood niyo ito. Sulit. Kahit na medyo hayuf yung ending (na hindi ko sasabhin dito), tiyak na matutuwa ka sa palabas at siguradong aabangan mo ang ika-apat na parte ng serye kahit na hindi ka fan.

…at marahil sa ika-apat na palabas ay kasama ko na ang mga tropa kong si Johnny at Orlando.

Deyey’s Approval: 88%

Shrek the Third

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Shrek the Third

Image Hosted by ImageShack.us

“The wait is OGRE!” Yehey! Sa wakas, kahit na medyo marami na ang nakapanood, naka-tsamba rin ako na masaksihan ang ikatlo sa nakakatuwang serye ng Shrek. Tulad ng mga naunang palabas, hitik sa katatawanan ang palabas. Kumpleto pa rin ang buong cast at ang mga original voices pa rin ang gumanap sa mga karakter nila.

Sa Shrek the Third, mas marami ang role ng mga dating minor characters tulad nina Cinderella, Snow White at ng Inang Reyna. Maski si Princess Fiona ay naging mas fluid ang pagganap niya at hindi lang masyado naka-focus kay Shrek. Ang masama lang dito, mas kumonti ang pakwela moments ni Shrek dahil nabigyan ng pagkakataon na mag-shine ang ibang mga sub-characters.

Maganda ang takbo ng kuwento ng pelikula. Kung sa una ang tema ay tungkol sa paghahanap ng tunay na pag-ibig at sa ikalawa ay tungkol sa pag-respeto sa magulang at pagtangkilik sa sarili, sa Shrek the Third ay patama naman sa pagharap sa pagiging isang ama. Dito kasi sa kuwento ay buntis si Fiona at parang hindi pa handa si Shrek na maging tatay. Kuwela lalo na’t ang mga tumutulong sa kanya ay mga katulad ni Donkey at Puss… in Boots!

Dahil karamihan ng mga characters ay may major roles, maraming sight gags na makikita sa palabas na patukoy sa bawat personalidad. Para sa akin, ang pinakamaganda ay yung kay Gingerbread Man (na dapat huwag niyong palampasin). Hagalpak ako sa tawa sa kanyang “montage moment”.

Kung hindi niyo pa napapanood ang Shrek the Third, huwag niyo na itong palampasin dahil sobrang aliw pa rin ito kahit na hindi gaano kasing “laugh trip” ng unang dalawang palabas. Tiyak na saya ito para sa inyo at sa mga tsikiting…

…at para sa mga mahihilig sa pusa at sa cute na cute na si Puss… in Boots!

Deyey’s Approval: 87%

Yoyoy Villame

Kategorya: Tao
Klase: Singer
Pangalan: Yoyoy Villame

Image Hosted by ImageShack.us

Bago pa tayo tumaktak… bago pa tayo gumiling… bago pa tayo nag-ispageti… nariyan na ang Butsekik. Novelty songs. Hindi na ito bago sa Pilipino lalo na’t ito ang uso sa mga radyo. Pero kahit noon pa man ay sikat na ang mga ito dahil sa mga katulad ni Yoyoy Villame, ang kuwelang mang-aawit na nagpasikat ng mga awiting “Mag-Exercise”, “Magellan”, at “Hayop na Combo”.

Sayang at wala na siya.

Kamakailan lamang ay nalaman kong pumanaw na ang tanyag na singer na ito. Nalungkot ako dahil isa ako sa makabagong henerasyon na bilib na bilib sa mga awitin niya. Marami ang nagsasabing “baduy” ang istilo ng mga kanta niya pero walang makaka-tanggi na lahat ng mga awitin niya ay nakaka-aliw at nakaka-dulot ng LSS (Last Song Syndrome).

Nung nasa kolehiyo pa ako ay bumili pa ako ng koleksyon ng mga kanta niya. Ako kasi ang tipo ng tao na wala namang pakialam sa mga “music genres”. Para sa akin, mas mahalaga na maaliw ako sa isang kanta, maging ito man ay pop, rock, rnb, o novelty -tulad ng mga kanta ni Yoyoy.

Ang pinakapaborito ko sa mga kanta niya ay ang “Magellan”. Ito kasi ang mnemonic ko para maalala kung kailan dumating si Ferdinand Magellan sa ating bansa. Kaya naman tuwing may nagtatanong sa akin ng isang date na hindi ko maalala, lagi kong binabanggit ang “March 16, 1521?.

Sikat din ang kantang “Mag-Exercise”. Naging awit din namin ito minsan sa eskwela tuwing Lunes kung saan lahat ng estudyante ay kinakailangan na mag-”morning stretching”. Nakakatawa pero epektibo. Lahat kami ay sumusunod sa beat ng tugtog.

Tiyak na mami-miss ng marami si Yoyoy. Isa siyang haligi ng Pinoy music industry. At kung wala ang mga katulad niya na nanguna sa paggawa ng sikat na novelty songs, marahil ay hindi lalakas ang appeal ng Itaktak Mo, Ispageti Song at Yeye Vonnel.

Salamat, Yoyoy Villame. Sumalangit nawa ang kaluluwa mo.

Deyey’s Approval: 91%

RSL Bus Lines

Kategorya: Bagay
Klase: Sasakyan
Pangalan: RSL Bus Lines

(Pang-anim sa anim na blogs sa “Catanduanes” series) (1) (2) (3) (4) (5)

Image Hosted by ImageShack.us

Isa sa pinakamagandang nagawa ni PGMA ay ang pagtatag ng “nautical highway” o mas kilala sa katawagang “RO-RO”. Ibig sabihin nito ay “Roll On, Roll Off”. Sa madaling sabi, pinadali niya sa mga commuters ang pagpunta sa mga probinsiya kahit pa kailanganing mag-barko. Simple lang ang gagawin nila: sasakay sila sa bus papunta sa probinsiya at pagdating sa pier ay mismong ang bus ang isasakay sa ferry boat. Astig di ba?

At kung sa Catanduanes naman ang biyahe mo, ang pinaka-tanyag na RO-RO ay ang RSL Bus Lines. Bukod sa madali na ang biyahe, komportable pa dahil alam mong pati ang bus mo ay tatawid ng dagat.

Ang RSL Bus Lines ay hawak ng mismong pamilyang may-ari ng ferry boat na ginagamit sa pagtawid patungong Catanduanes. Kaya naman hindi na kataka-taka na ang mga pasahero ng RSL Bus Lines ay may “special treatment” sa loob ng ferry boat.

Kapag umuuwi at umaalis ako ng Catanduanes, madalas na RSL Bus Lines ang sinasakyan ko dahil sobrang napapadali niya ang biyahe. Hindi na akong nag-aalala na baka maiwan ako ng bus dahil kasama ko ang bus sa ferry boat. Mahusay din naman ang pagpapatakbo ng mga driver at palaging ligtas ang mga bagahe ko sa kanilang compartment.

Araw-araw ay may biyahe ang RSL Bus Lines na may opisina sa terminal sa Cubao. Laging hapon ang biyahe ng mga bus na ito dahil hinahabol nilang makarating sa pier ng Tabaco, Albay (ang daungan ng mga ferry boats na patungong Catanduanes) nang bandang alas-sais ng umaga. At saka mas OK naman bumiyahe ng gabi dahil walang init at mas madaling matulog.

Sa totoo lang, malapit lang talaga ang Catanduanes. Kahit na isla pa ito, madali lang makapunta rito. Kaunting oras na tulog lang ang kailangan at pagdilat mo, nasa pier ka na. At kung nakasakay ka naman sa mga RO-RO na tulad ng RSL Bus Lines, kahit na matulog ka na lang sa buong biyahe, tutal hinding-hindi ka naman talaga iiwanan ng bus mo dahil kasama mo siya sa buong paglalakbay.

Deyey’s Approval: 86%

* May gusto ka bang ipa-rebyu? Magpadala lang ng email sa taglish.rebyu @ gmail . com *

AddThis Social Bookmark Button