Archive for » June, 2007 «

Kaniloni

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Kaniloni

Image Hosted by ImageShack.us

May iba’t-ibang luto ang pasta. Para sa mga Pinoy, sanay na tayong makatikim ng spaghetti na may red sauce. Ito kasi ang madalas na inihahain sa mga sikat na fastfood sa ating bansa. Ito rin ang madalas na handa pag may children’s party bukod sa pansit. Meron din namang pasta na ang halo ay white sauce na mas kilala sa tawag na Carbonara. Mas kakaunti lang ang nagbebenta nito.

Pero lingid sa kaalaman ng marami, may isa pang luto sa pasta na gamit ang white sauce na ubod ng sarap at talaga namang kakaiba ang istilo sa paggawa. Ito ang Mediterranean dish na kilala sa tawag na Kaniloni. Unang tikim ko pa lang dito eh agad akong naglaway na tila isang asong may rabies. Sobrang sarap kasi!

Ang nagpakilala sa akin sa lutong ito ay walang iba kundi ang minamahal kong Honey na natuklasan ang lutuing ito sa isang piging ng dati niyang kaklase. Itinuro sa kanya ito at agad niya itong pinagsanayan. Nang ma-perpekto, pinatikim niya ito sa amin ni Utol at agad din kaming nabuang sa linamnam.

Iba kasi ang luto ng Kaniloni kumpara sa Carbonara. Ang Kaniloni kasi ay mas marami pa ang sangkap kumpara sa Carbonara na hitik na hitik lamang sa mushroom sauce. Ang Kaniloni naman, bukod sa sauce eh may mga espesyal na sangkap tulad ng Cooked Chicken Ham (na sobrang hirap hagilapin sa supermarkets!), green peas at kung anu-ano pa.

Sana ay malasahan niyo rin ang lutuing ito na magandang ihain sa mga pang-adult na piging. Masarap talaga siya at hindi kayo magsisisi. Kung nais niyong malaman ang recipe nito, i-click lamang ang link na ito!

Deyey’s Approval: 95%

NBA Store

Kategorya: Website
Klase: Tindahan
Pangalan: NBA Store (http://store.nba.com)

Image Hosted by ImageShack.us

Ang Pilipinas ay isang bansa na sobrang adik sa basketball. Ito na nga marahil ang dahilan kung bakit namamayagpag sa cable stations ang “Basketball TV” channel. Para bang pambansang laro na ang basketball sa bansa natin. Karamihan sa mga naglalaro nito ay gumagaya sa mga napapanood niya sa TV, maging ito man ay PBA o NBA.

At kung manlalaro ka ng basketball, marahil ay nangangarap ka ring magkaroon ng “jersey” ng paborito mong player. Kamakailan lamang ay naglabas ang Accel ng mga “replica” ng PBA outfits kaya naman marami ka nang makikitang San Miguel o Purefoods na jersey. Pero ang habol pa rin ng karamihan ay NBA jersey… siyempre yung orig! Karamihan kasi eh tsipipay lang o “Class C”. Kumbaga, kung gusto mo ng authentic, amoy-imported na jersey, wala kang puwedeng puntahan kundi ang website ng NBA Store.

Pagka-bisita mo pa lang sa website nila eh sasalubong na sa iyo ang samu’t-saring produkto na tiyak na kagigiliwan ng mga basketball addicts. Magmula sa sumbrero, shorts, sando maging upuan, basta related sa NBA basketball eh makikita sa NBA Store. Maraming tao sa Pilipinas ang nangangarap na makakuha ng gamit mula sa site na ito. At sa mga nakakuha naman na, malamang eh tuwang-tuwa na sila!

Bukod sa mga jerseys ng paborito niyong players tulad nina Jordan, O’Neal at Stockton, puwede ka ring magpa-customize ng suot. Bale ang gagawin nila eh papipiliin ka nila ng team tapos ilalagay nila yung apelyido mo sa likod. Astig! Para ka na ring miyembro ng koponan na iyon! Sarili mo pa yung number!

At kung ano yung tela na gamit ng team na iyon, yun din ang itatahi sa iyo! Woohoo!!!

Di tulad ng mga patahi dito sa Pinas, mapupuna mo talagang orig ang jersey na suot mo. Iba ang telang gamit at kabit na kabit ang pagkaka-rubberize ng number, apelyido, at logo. Talaga namang ang sarap haplos-haplusin!

Habang dumadami ang magagaling na players sa NBA eh tiyak na yayaman ang NBA Store. Mas maraming tao ang maghahanap ng authentic jerseys. At marami din ang magpapa-sadya ng sarili nilang jersey mula sa tindahang ito (siyempre, ito yung mga taong hindi kuntento sa mga tsipipay na replica na gawa sa Pilipinas). Tiyak na matutuwa sila, lalo na pag ipinadala na ng NBA Store ang gamit na binili mo at hawak-hawak mo na siya sa inyong mga kamay.

Bakit ka niyo NBA Store ang ni-rebyu ko ngayon? Eh kasi, sa napakagandang pangyayari, na-regaluhan ako ng authentic na jersey na may apelyido ko… ANG SAYA-SAYA KO NA! WEEEEEE!!!

Deyey’s Approval: 90%

Yu Yu Hakusho (Ghostfighter)

Kategorya: Pangyayari
Klase: Anime
Pangalan: Yu Yu Hakusho (Ghostfighter)

Image Hosted by ImageShack.us

Eugene. Alfred. Dennis. Vincent. Mga pangalan na habangbuhay nang nakatatak sa isipan ng mga batang na-adik sa anime na Yu Yu Hakusho o mas kilala sa Pinas na “Ghostfighter”. Ito’y unang ipinalabas sa IBC 13, mid-90s at natapos sa GMA 7 circa 2000. Kahit na malaki ang agwat mula nung unang mapanood hanggang sa huling episode, hindi pa rin nagsawa ang mga bata (pati mga matatanda) sa palabas na ito.

Kahit ako man ay fan ng Ghostfighter. Ang dati kong paborito dito ay si Master Jeremiah o sa Hapon ay kilala sa tawag na Genkai. Kung iisipin, mas sikat pa sa Pilipinas ang “Tagalized” names kaysa original na pangalan ng bawat karakter sa cartoons na ito. Si Yusuke, Kuwabara, Kurama at Hiei… kung ordinaryong non-anime na Pinoy ang tatanungin mo, di nila kikilalanin ang mga ito. Baka sabihin pa nila sa iyo eh pangalan ng klase ng mami ang mga nabanggit.

Kakaiba kasi ang kuwento ng Ghostfighter. Isang ordinaryong bata ang namatay at muling nabuhay at nabigyan ng kapangyarihan para labanan ang mga masasamang espiritu. Tapos, malupit pa ang power niyang “Rei Gun” o sa Pinoy ay “Ray Gun”. Lahat tuloy ng mga kalaro ko noon eh feeling Eugene na turo nang turo sa mga kaaway nila. Buti hindi sila na-nuno…

Yung mga kaklase ko namang babae, paborito nila si Dennis. Matalino daw kasi at mahinhin. Parang sila daw. Kalokohan. Hehe.

Iba ang hatak ng palabas na ito, kahit na anime pa man siya. Maraming matatanda ang sumubaybay sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Eugene sa laban nila ni Sensui. Tila lahat ay apektado at gustong malaman kung ano ang gagawin ng bida sa pumatay sa kanya. Kaya naman aliw na aliw ako tuwing may naririnig akong gurangis na nakikipag-usap sa kapwa niyang gurangis ng tungkol sa Ghostfighter.

Ngayon eh marami nang lumalabas na anime na may halintulad sa Ghostfighter. Hindi ako naiinis kahit na nangopya sila ng format (dahil ang Ghostfighter eh nangopya din lang). Mas nakakatuwa pa ngang isipin na mas marami nang cartoons ang sisira sa kinabukasan ng mga bata (feeling nila eh magiging ninja sila paglaki). Mahusay ang Naruto, Inuyasha, Bleach at kung anu-ano pa. Pero para sa akin, Ghostfighter pa rin ang pinakamahusay na anime na nilabas nitong late 90s era.

…pero kung Dragonball ang ipantatapat mo… hehe…

Deyey’s Approval: 93%

Putang Ina

Kategorya: Pananalita
Klase: Mura
Pangalan: Putang Ina

Image Hosted by ImageShack.us

Ang ating wika ay talagang nakakamangha. May mga pananalitang kahit hindi itinuturo o mahigpit na iniiwasan eh sadyang tumatatak sa isipan ng kahit sino man. Mapa-bata o mapa-matanda, may mga lupon ng salita na madaling makuha sa isip at mapabilang sa pang araw-araw na pakikipagtalastasan.

Tulad ng sikat na sikat na murang Pinoy: ang “Putang Ina”. Hindi ko ma-arok kung bakit kahit ilang henerasyon na ang lumipas, uso pa rin talaga ang salitang ito na kahit mga batang paslit hanggang sa mga gurangis, alam na alam sabihin ito.

Napagtanto kong i-rebyu ito nang minsang maglakad kami ng Honey ko at may nakasalubong kaming mag-aaral na biglang napamura ng “Putang Ina”. Hindi naman na kami nagulat dahil kami din naman eh may mga panahong napapabigkas din ng salitang ito. Natuwa pa nga ako dahil akala ko, sa henerasyon lang namin uso ang mga katagang iyon.

Hanggang sa kabataan ngayon pala eh sikat pa rin ang “Putang Ina”.

Natatandaan ko pa nung nasa elementarya pa ako at bigla akong napamura nito. Halos maiyak ako dahil sinumbong ako nung kaklase ko (leche talaga) sa adviser namin. Ayun… pinagalitan ako pagkatapos ng klase. Bad trip dahil honor student ako nun at hindi ako napagagalitan kaya naman masakit sa akin na masabihan ng isang guro.

Fast forward sa taong 2007. Mas madali nang magmura dahil wala nang nagagalit na titser. Pero hindi naman ako masaya na nagmumura dahil pangit talaga pakinggan. Kaso, yung mga nasa paligid ko at nakakasalamuha ko eh mas malutong pa magsabi ng “Putang Ina” kaysa akin. Mas masarap pa naman pakinggan ang murang ito pag sobrang lutong.

Marahil ay hindi na mawawala sa uso ang “Putang Ina”, pati ang shortcut nito na “Tang Ina”. Tiyak na matututunan ito ng mga darating na henerasyon kahit na hindi ituro sa kanila nang diretso. At malalaman nilang masama iyon at magtataka sila bakit nila natutunan iyon.

Tapos magugulat sila dahil yung mga mas bata sa kanila eh alam din ang murang “Putang Ina”. Aakalain din nila na hanggang sa henerasyon lang nila uso ito.

Pasa-pasa ng mura. Kung ano ang nakikita sa matanda ay siya ring gagayahin ng mga bata.

Putang inang yan.

Deyey’s Approval: 71%

Chris Benoit

Kategorya: Tao
Klase: Wrestler
Pangalan: Chris Benoit

Image Hosted by ImageShack.us

Ang June 26 ay isang napakalagim na araw para sa mga wrestling fans. Lalo na sa mga wrestling fans na may birthday din sa araw na ito. Habang buhay na nilang maaalala na ang isa sa pinakamalupit na wrestlers na sumabak sa ring ay namatay at nampatay sa araw na ito.

Oo, ngayong June 26, nalaman ng buong mundo na patay na si Chris Benoit.

Nakakalungkot isipin na halos isang taon at kalahati pa lang ang nakakalipas nang mamatay din ang isa pang mahusay na wrestler na si Eddie Guerrero. At, sa araw na ito, namatay naman ang matalik niyang kaibigan na si Chris Benoit. Para sa mga fans, malaking kawalan ang pagkamatay ng dalawang ito. Pero ang mas masakit isipin ay ang ginawa ni Benoit na habang buhay nang sisira sa alaala ng kanyang kagalingan.

Ayon sa mga balita, pinatay ni Chris Benoit ang asawa at anak niyang pitong-taong-gulang. Nakaririmarim isipin pero heto ang resulta ng imbistigasyon ng pulisya. Si Benoit ay isa sa mga nire-respeto kong wrestlers… at siya rin ang may itim na budhi na nakagawa ng kasuklam-suklam na krimeng ito.

At ang masaklap pa dito, siya rin ay nagpatiwakal.

Marahil ay mag-iiba na ang pananaw ko sa mga laban ng wrestler na ito. Hindi ko maiiwasan na mapanood muli ang mga dati niyang bakbakan, lalo na’t isa siya sa mga hinahangaan ng kapwa niya wrestlers. Pero, paano na ngayon na alam kong ang pinapanood ko ay isang wrestler na mamamatay-tao… na nag-suicide pa.

Sayang ang talento ni Chris Benoit. Sobrang sayang. Maraming humahanga sa kanya… bata, matanda, tomboy, bakla. Kahit ano. Basta marami siyang fans. Isa na nga ako doon.

Pero sinira niya ang sarili niyang pangalan.

Hinahangaan ko ang wrestling talents niya… pero magmula ngayong araw na ito, kinamu-muhian ko ang katauhan niya, lalo na itong krimen na ginawa niya.

Napakasamang alaala talaga para sa mga taong may kaarawan ng June 26!

Deyey’s Approval: 45%

Manila Zoo

Kategorya: Lugar
Klase: Pasyalan
Pangalan: Manila Zoo

Sino na lang ba sa libu-libong bata na ipinanganak noong 1970s-1990s ang hindi pa nakakapunta sa Manila Zoo? Malamang mangilan-ngilan lang. At kung hindi ka pa man nakakapunta roon, malamang ay madalas mo itong marinig, lalo na sa mga usaping “field trip”. Sikat talaga ang Manila Zoo at ito’y isa nang institusyon sa Pilipinas.

Sa tagal ng panahon nitong pagkakatatag, ilang hayop na ang namalagi at nanirahan dito. Magmula sa mga elepante, hippopotamus, giraffe at buwaya, ang Manila Zoo at ang mga tauhan nito ang nangalaga sa samu’t-saring hayop na hindi naman talaga nabuhay sa Pilipinas.

Pero ano itong balita na titibagin na ang Manila Zoo para gawing coliseum ng PBA?

Alam kong marami sa atin ang umaalma sa gagawing ito. Tulad ng pagpapatibag ng parte ng Nayong Pilipino para gawing airport, asahan na nating marami ang magagalit kapag nawala ang Manila Zoo. Ika ko nga sa unang talata, institusyon ang lugar na ito. Maraming pelikula ang ginanap dito. Maraming bata ang nawala at nahanap dito. Maraming tao na ang naka-amoy ng jebs ng elepante…

…at hindi ito ang tamang oras at panahon para palitan ang Manila Zoo ng PBA Coliseum!

Sa totoo lang, konti na lang talaga ang hayop sa Manila Zoo at marami nang nagsulputang mas magagandang lugar na pangalagaan ng hayop (tulad ng Zoobic Safari sa Subic). Pero kung wala ka masyadong salapi at gusto mo lang ipasyal ang anak mo sa murang halaga, sa Manila Zoo pa rin ang pinaka-OK na mapupuntahan. Kahit na sabihin pa nating nakakasawa na ito lalo na’t binalik-balikan natin ito sa mga field trips, wala pa ring may karapatang ipa-demolish na lang ang lugar na ito.

Para mo na ring pinatibag ang Luneta at pinalitan ng SM Mall of the World!

Nawa’y marami po sa atin ang mahabag sa krisis na kinabibilangan ngayon ng Manila Zoo. Ako po’y nananawagan sa mga mahuhusay na bloggers diyan na tulungan natin ang isa sa pinaka-kilalang lugar sa siyudad. Kahit na mabaho, pangit, o magulo man ang Manila Zoo, narito pa rin ang alaala ng libu-libong kabataan na minsan sa mga buhay nila ay napasaya ng samu’t-saring hayop… at isang tumataeng elepante!

Deyey’s Approval: 82%

Pista ng San Juan

Kategorya: Pangyayari
Klase: Espesyal na Araw
Pangalan: Pista ng San Juan

Image Hosted by ImageShack.us

Basaan na! Kapag ika-24 ng Hunyo, asahan mo nang maligo kapag nagagawi ka sa siyudad ng San Juan. Ito kasi ang araw ng kapistahan ng kanilang patron na si San Juan Bautista. At dahil nakilala si San Juan sa pagiging taga-binyag sa ating Panginoon, naisipan din ng mga taga-San Juan na gayahin ang santo… at mambasa din ng mga taong mapapadaan sa kanilang lugar!

Walang nakakaligtas sa basaan: kahit na mayor ka pa ng lugar na ito, tiyak na yayariin ka sa tubig. Malas mo kung nakasakay ka sa jeep dahil hindi ka makakapalag. Uuwi kang basa. At kung may cellphone ka sa bulsa, siguraduhin mong waterproof ito dahil pagdating mo sa pupuntahan mo, sirang-sira na ang telepono mo kung lunod ito sa tubig sa bulsa!

Alam ko ang mga bagay na ito dahil nakatira ako noon sa San Juan, sa kalye ng J. Ruiz. Mula noong ipanganak ako hanggang sa umabot ako ng pitong taong gulang, sa J. Ruiz street ako nabuhay, naglaro, kumain, naligo at tumae (pero hindi naman sa kalye). Alam ko din na kapag darating ang pista, yari ang uniporme ko. Dahil naka-school bus ako noon, wala akong palag kapag may nambabasa na sa daan. Uuwi akong giniginaw.

Masaya sana kung lahat ng tao ay handang lumaban sa basaan. Minsan kasi, bad trip ka na tapos babasain ka pa. Kaya naman maraming nagkakapikunan kapag pista ng San Juan. May mga ayaw mabasa. Tapos sasabuyan na lang sila ng tubig. Wala silang palag… mananapak na lang.

Mahirap lang tantsahin minsan kung saan galing ang “tubig” na ipinansasaboy sa iyo, lalo na yung galing sa mga bata. Minsan kasi, malakas man-trip ang mga nandito at hinahaluan ng konting wiwi ang tubig. O kaya naman galing sa imburnal o kubeta ang tubig. Masaya… uuwi kang amoy Saniware.

Nakaka-miss din ang pista ng San Juan. Pero malamang eh hindi ko na kayanin ang basaan portion. Lalo na siguro kung naka-disenteng suot ako tapos babasain eh baka ako rin eh mapipikon. Dahil wala akong panlaban, malamang eh hahabulin ko yung nambasa sa akin at iihian ko!

Deyey’s Approval: 85%

Milo

Kategorya: Bagay
Klase: Inumin
Pangalan: Milo

Image Hosted by ImageShack.us

“Great things start from small beginnings…” Ito ang unang linya sa kilalang Philippine jingle ng Milo, isang chocolate drink na pwedeng lagukin nang mainit o malamig. Tama ang linya nung jingle dahil natatandaan ko na noong 80s eh malakas ang paglalaban ng Ovaltine (isa pang chocolate drink) at Milo bilang pinakamahusay na inuming tsokolate. Inabot pa ng ilang taon at dumating ang panahon na namayagpag na ang Milo sa buong bansa.

Kung inyong napapansin, wala na masyadong commercials ang Ovaltine. Marahil dulot ito ng pagiging tanyag ng Milo. Para bang iba talaga ang lasa ng Milo. Kaya nga hindi ako sang-ayon sa isang meaning ng Milo: Masarap Inumin Lasang Ovaltine!

Ayon sa aking ina, maaga daw akong umayaw sa gatas at lumipat na sa pag-inom ng Milo. Natatandaan ko pa nga ang aking kabataan kung saan kada-umaga ay nagti-timpla ako ng Milo para sa almusal ko. Hanggang ngayon pa rin naman eh Milo pa rin ang una kong iniinom pagkagising. Hindi kasi ako nagka-kape kaya’t tsokolate na lang ang binabanatan ko.

Kapag umaga ang napipintong pag-inom sa Milo, madalas ay tinitimpla itong mainit para hindi malamigan ang sikmura. Dito mo makukuha ang tamang lasa. Nababasag kasi ng init ang mga powder ng Milo kaya’t lumalabas ang tunay niyang lasa.

Masarap din ang Milo kapag tinimpla ito nang malamig. Ang dating na ng inumin mo eh “iced chocolate”. Wala pa ring katulad sa lalamunan. Solb sa sarap.

Iba din kasi ang lasa ng Ovaltine. Di ko lang maipaliwanag nang mahusay pero iba ang pagka-tsokolate ng Milo. Para bang mas “grainy” sa lalamunan ang Ovaltine kaya’t hindi rin ako siguro natutuwa dito (pero masaya ako sa Ovalteenies). Pero kung nasa isang isla ako at ang matitira sa akin eh Milo at Ovaltine, siguro ihuhuli kong bubuksan ang Ovaltine pag talagang walang-wala nang Milo.

Talagang mahusay ang Milo. Magaling na alternatibo ito sa kape. Bale hindi ka magiging nerbyoso at hindi ka magkakaroon ng “caffeine addiction”. Maa-adik ka lang sa tsokolate… “small beginnings” lang muna tapos sobrang maga-adik ka na hanggang  maging “great thing” na ito… tulad ng jingle!

Deyey’s Approval: 87%

Kodak Digital Imaging

Kategorya: Serbisyo
Klase: Litrato
Pangalan: Kodak Digital Imaging

Image Hosted by ImageShack.us

2007. Tayo po ay nasa tinatawag na “Digital Age”. Ito ang panahon kung saan ang mga gadgets eh sobrang high-tech na. Marami sa mga uso noon eh laos na ngayon. Hindi ka na “in” kapag naka-pager ka pa. Baduy ka pag WordStar ang gamit mong text processor sa computer. At wala ka na sa uso kapag ang madalas mong gamit ay de-film na camera at hindi digital.

May ilan sa atin na nakasanayan nang nagpapa-print ng mga litrato para makita nang kahit ano mang oras (ang usong tawag dito ay “offline availability”). Nung panahon ng film, sanay na tayong pumupunta sa photo store at nagpapa-print. Ngayong puro na digicam, mahirap nang mamili ng photo store dahil minsan pangit ang kinalalabasan ng mga digital photos. Pero may ilan na katulad ng Kodak na mahusay mag-print ng mga litrato, kahit na ano pa mang resolution nito.

Kamakailan lamang ay nagpa-print ako ng mga litrato sa Kodak. Mula sa iba’t-ibang camera ang mga larawan na dala ko sa aking memory card. May galing sa telepono, 5MP at 3MP digicam. Pinagsama-sama ko sila at dinala sa Kodak Digital Imaging Center. At nagdasal ako na sana ay mapaganda ang printing ng mga litratong dala ko.

Naghintay ako ng isang oras kalahati bago nakuha ang mga pina-print ko. Nagulat ako nang makita ko ang quality ng printing ng Kodak. Malupit talaga! Hindi ko akalain na mapapaganda nila nang ganun na lang ang mga litrato ko. Partida pa dahil wala naman akong instruction na palinawin o pataasan ng contrast ang mga larawan. Basta sila na lang ang nagkusa at napaganda na nga ang mga dating ordinaryong litrato.

Kodak Royal Paper pa rin ang ginagamit nila sa printing ng mga digital images. Subok na sa pamilya namin ang tibay at quality ng papel na ito. Talagang hindi kumukupas at hindi nalalagyan ng marka ng hinlalaki ang mga litrato. Bale “matte” finishing ang ginamit. Astig… sulit ang bayad ko P9.50.

May mga iba pa akong alam na photo printing shops sa mga malls na nagbibigay ng mas murang halaga kumpara sa Kodak. Pero sa quality pa lang at papel eh talo na sila sa Kodak. Mas mahal nga pero mas sigurado ka namang tatagal ang kuha mo…

…at hindi mala-Polaroid na bigla na lang nabubura!

Deyey’s Approval: 89%

LG KU250

Kategorya: Bagay
Klase: Cellphone
Pangalan: LG KU250

Image Hosted by ImageShack.us

Dumarami na ang nire-rebyu kong cellphone units dahil sa kabarkada kong dati kong kaklase noong kolehiyo. Ang mahal niya kasi eh nagta-trabaho para sa “Technology” section ng isang sikat na pahayagan. Kaya naman lahat ng mga bagong gadgets eh sa kanya dumadaan. At dahil galing ako sa isang kompanya na may koneksyon sa mga mobile phone equipment, sa akin nila madalas ipinapa-check ang mga bagong features ng isang telepono.

At nagugulat din ako sa mga bagong teleponong lumalabas ngayon. Lalo na’t uso na ang 3G technology, karamihan na ata ng mga bagong cellphones ay may 3G function. Kaya lang, mahal ang mga 3G units at hindi maaabot ang presyo ng masa. Lahat ng pananaw ko rito ay nagbago nang ipakilala nila sa akin ang LG KU250, ang cellphone na tinaguriang “3G For All”. Meron pa itong WAP browsing function kaya’t makakapag-check ka ng email kung kailan mo man gusto.

Ayon sa aking pananaliksik sa Internet, napanalunan pala ng LG KU250 ang “3G for All” award mula sa GSM Association. Kaya niya ito nakuha ay dahil napakamura lang ng teleponong ito… sa Pinas ay makukuha ito sa halagang 6k lang! Opo… 3G phone na 6k lang! Astig di ba?

Hindi dahil mura ang teleponong ito eh pipitsugin na ang mga features nito. Kung camera pa lang ang pag-uusapan eh may 1.3MP capacity ito (nung nabili ko yung luma kong phone, P18k ang kuha ko para sa isang 1MP camera… lugi!).

Meron ding memory card slot ang phone na ito. Bale gagamit ka ng Micro SD at makaka-store ka na ng mas maraming pictures at ringtones (na pwede mo ring i-customize). Ang layout ng menu niya ay mala- lumang Nokia kung saan pwede mong gamitin ang number keys para mas mabilis makarating sa nais mong command.

Bagay talaga ang LG KU250 sa mga taong non-techie na ang habol lang eh 3G function (para sa mga video calls) at may camera, SMS, at tawag. Magaan pa ito hindi lang sa kamay pati na rin sa bulsa. Tiyak na ito ang bagong version ng Nokia 3210… ang teleponong malupit na makikita sa kamay ng kahit sinong Pilipino.

Deyey’s Approval: 90%