Archive for » July, 2007 «

Algorithm March

Kategorya: Pangyayari
Klase: Sayaw
Pangalan: Algorithm March

Image Hosted by ImageShack.us

Kahit kailan talaga eh hindi matataob ang mga Hapon sa pag-iisip ng kung anu-anong pauso. Nung 1970s, pinasikat nila ang Walkman. Nung 1980s naman eh Family Computer. Nung 1990s naman eh Tamagotchi. At ngayong dekada 2000, ang bago nilang pasikat ay ang… Algorithm March! Takteng pauso ito! Sa sobrang bangis ng dance craze na ito, pati mga inmates sa ating bansa eh napapa-indayog sa mga steps nito.

Sa mga hindi nakaka-alam, ang Algorithm March ay isang pambatang sayaw kung saan may mga galaw na dapat sundin ng bawat taong kasama sa laro. Mukha siyang eng-eng pag sinasayaw mag-isa pero ang kulit tingnan pag marami na kayo, lalo kung sobrang synchronized kayo sa galaw. Natatanaw ko na nga na darating ang panahon na ito na ang magiging panibagong “field demo” sa mga paaralan.

Una kong natuklasan ang kakulitan na ito nang i-post ng boss ko ang link nito sa kanyang YM status message. Dahil curious, pinuntahan ko ito at naaliw ako sa nakita kong dalawang Hapon na nagsasayaw ng algorithm. Nagulat ako nang matapos na ang video at nagbigay ng “similar” videos ang YouTube dahil ginawa rin pala ito ng mga inmates sa Cebu. Ang lupit! Pagkatapos nila tirahin ang Thriller eh ito naman ang binanatan nila.

Marami na rin ang gumagaya ng Algorithm March sa buong mundo. Pag hinanap niyo ito sa YouTube, may kanya-kanyang version ang bawat bansa. Pero ang tugtog na ginagamit eh ganoon pa rin. Makulit at masaya. Pambata nga siya pero mga matatanda naman ang gumagawa. Hehe.

Ano kaya ang susunod na pauso ng mga Hapon? Kailan kaya matatapos ang Algorithm Craze na ito? Matutulad kaya ito sa Crazy Frog craze na nangyari noon? Hayy… ewan, pero ang masisiguro ko lang eh ilang buwan pa ang lilipas bago mawala ang kasikatan nito. Baka nga pag-uwi ko mamayang gabi eh may mga bata nang nakapila at gumagawa ng steps nito sa kalye namin!

Kung ang mga host ng Umagang Kay Ganda nga eh nagsasayaw nito, ano na lang kaya ang mga taong gustong maki-ride sa uso di ba?

Deyey’s Approval: 82%

Saging Lang Ang May Puso

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pauso
Pangalan: Saging Lang Ang May Puso

Image Hosted by ImageShack.us

Parang kailan lang nang i-upload namin ni Utol ang video ni Mark Lapid kung saan binibitawan niya ang sikat na sikat na katagang “Saging lang ang may puso”, at ngayon eh meron na itong sariling album! Opo, kamakailan lang eh ni-remix ito ni Dense Modesto, isang tanyag na DJ na nag-edit din ng mga tracks ni Sitti Navarro. Kahit na hindi man niya ako tinatangkilik bilang unang nag-upload ng video, ayos lang sa akin dahil nagagalak ako at nakapagbigay ako ng saya sa libo-libong Internet users.

Nagsimula ang ideya para i-upload ang video na iyon noong una kong nalaman ang mga katagang “Saging Lang Ang May Puso” mula sa dati kong kaklase. Natatawa pa ako nung una kasi akala ko biro lang niya ito. Tapos, nakabili ako ng isang local na DVD na may mga commercials sa simula. Nagulat ako nang makita ko ang trailer ng “Apoy Sa Dibdib ng Samar” kung saan nanggaling ang pamosong linyang iyon. Ayun, ipina-cut ko kay Utol ang eksena at agad naming nilagay sa YouTube… kung saan higit sa 77K hits na ang nakukuha nito.

Noong umabot na ng 10K hits ang video (sa loob lamang ng ilang linggo), naisipan ko nang gawin ang ringtone nito. Sa pamamagitan uli ni Utol, kinuha namin ang audio at ginawang tone at ipinamahagi sa isang Yahoo! Groups na kinabibilangan ko. Marami ring kumuha kaya naman natuwa ako lalo.

At tuwing binibisita ko ang video, nagugulat ako dahil maraming nag-iiwan ng mga comments. Tapos, tuwing naghahanap ako ng keyword na “saging” sa YouTube, nakikita kong marami na ang gumagawa ng “spoof” version ng “Saging”. Tawa ako nang tawa dahil kuhang-kuha nila ang eksena, pati ang mga guwardiyang may hawak kay Mark Lapid. Mula sa parking lot version, call center version, beach version, pati hollywood version… ang “saging” craze ay mabangis na!

Hindi na naglaon nang may makaisip na gawing tugtog ang “Saging”. At dumating na nga ang panahon na iyon. Dahil kay Dense Modesto, sikat na si Mark Lapid at ang kanyang “Saging”. At natuwa pa nga ako nang marinig ko ang remix na iyon sa isang sikat na radio station. Nakakataba ng saging puso ng saging puso ng tao! Pwe!

Tulungan natin si Dense Modesto at pakalatin ang kasikatan ng “saging”! Bili na kayo ng remix album niya!

Deyey’s Approval: 92%

Sinigang

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Sinigang

Image Hosted by ImageShack.us

Isa sa mga pinakatanyag na lutuin sa buong Pilipinas ang sinigang. Mapa-baboy man, baka o isda, ang sinigang ay isang putahe na tiyak na makikita mo kahit saang parte ka man ng bansa magpunta. Ito ay masarap na tsinitsibog kapag malamig o kaya’y kapag trip na trip mo lang kumain ng maasim. Nakaktakam… nakaka-laway. Parang gusto ko na ngang mag-sinigang ngayon habang sinusulat ko ito eh!

Kahit sa iba’t-ibang restaurants na Pinoy ang tema, ang luto nila ng sinigang eh malinamnam at kuhang-kuha ang tamang timpla ng asim at anghang. Kapag lumalabas nga kami para kumain, madalas na sinigang na hipon ang ino-order namin bilang sabaw. Sobrang malasa kasi at bumabagay sa kahit ano pa mang ibang ulam ang nakahain sa mesa.

May mga tao ding mahilig lang sa sabaw ng sinigang. Ang ginagawa nila eh magpapahiwalay ng sabaw ng ulam na ito tapos habang mainit pa eh hihigupin ang maasim-asim na likido. May iba naman na inihahalo sa kanin ang sabaw na halos malunod na ang bawat butil sa plato. At kahit hindi matiis ang asim, tuloy pa rin ang paghigop dahil nga sobrang natutuwa sila sa lasa ng ulam.

Ayon naman sa mga matatanda, mainam na gamot daw para sa sipon ang sinigang, dahil na rin siguro sa dalang asim nito. Sa bahay nga namin, hindi nakakalimot si Ermats na magluto ng sinigang tuwing isa sa amin ni Utol eh may sakit. Bukod sa bibigyan ka na ng isang pitsil ng kalamansi juice, hahainan ka pa ng maasim na maasim na sinigang na baboy. Ang bangis! Sa sobrang asim ng tinitira namin eh umaasim na rin pati mga mukha namin.

Ngayong tag-ulan eh ang sarap-sarap ng mainit na sinigang. Tiyak na marami ang nagluluto nito kapag gabi dahil masarap ito kainin kapag pagod ka tapos malamig ang panahon. Gaganahan ka talagang kumain lalo na kung bagong luto at punung-puno ng rekado ang lalagyan. Mangangasim ka habang iniisip mo pa lang na isusubo mo siya sa iyong bibig…

…at nangangasim na rin ako’t natatakam kaya’t ititigil ko na itong entry na ito! Gutom na ako!

Deyey’s Approval: 84%

Voltron

Kategorya: Pangyayari
Klase: Cartoons
Pangalan: Voltron

Image Hosted by ImageShack.us

“Form feet and legs… form arms and body… and I’ll give you form the HEAD!!!” Ito ang katagang tanyag na tanyag noong kasikatan ng Voltron: Defender of the Universe. Para sa mga katulad kong 80s baby, nakaka-adik talagang panoorin ng Voltron, lalong-lalo na yung Lion Force. Nakakatuwa kasing panoorin yung pagkabit-kabit nila mula ulo hanggang paa tapos magiging isang malaking robot na sila na nakakapuksa ng puwersa ng kadiliman. Astig mehn!

Ang Voltron ay parang Voltes V: isa itong robot na binubuo ng iba’t-ibang parte. Pero, ang maganda sa Voltron eh may dalawang versions nito (tatlo kung ibibilang pa pati ang hindi sumikat na Gladiator version). Nariyan ang Lion Force na talaga namang malaki ang fan base at ang Vehicle Force na kakaunti lang ang may gusto dahil sobrang daming parte at mahirap nang tandaan ang bawat character.

Nung bata pa ako, gustung-gusto ko talaga magpabili ng laruan na Voltron na Lion, yung die-cast metal pa. Ang astig kasi eh. Yung bawat parte ay nagiging lion na pwede mong paglaruan na. Tapos, pwede ring maging robot. Para bang meron ka nang 6 toys in 1!

Siguro ang pinaka-astig na bahagi ng Voltron ay ang opening sequence nito pati ang himig na ginamit dito. Hanggang ngayon ay alam ko pa rin ang tunog ng Voltron (na hindi ko lang mai-share dito dahil mahirap i-type yun). Basta, pag narinig mo na ang theme song, bigla ka na lang mapapasigaw ng “BLAZING SWORD!!!”

Sayang at hindi ko pa napapanood ang crossover movie ng Lion at Vehicle Force. May mga kakilala kasi ako na napanood na iyon at astig daw. Siyempre, ako naman eh maghahanap nang maghahanap hanggang sa makita ko ito. Magpapahuli ba ako sa panonood ng isa sa pinakamahusay na cartoons na ginawa noong Dekada 80?

Sana ay mapanood muli natin ang Voltron sa TV. Tiyak na maraming bata ang matutuwa dito (basta wag yung 3D version kasi pangit ito). At, kung hindi naman maipalabas pang muli, hihintayin ko na lang ang live movie version nito… na kasalukuyan nang ginagawa sa Hollywood!

Deyey’s Approval: 90%

Ateneo vs. La Salle

Kategorya: Pangyayari
Klase: Alitan
Pangalan: Ateneo vs. La Salle

Image Hosted by ImageShack.us

Pagdating sa mga eskwelahan sa Pilipinas, wala na yatang mas titindi pa sa alitan ng Ateneo at De La Salle. Kahit saang angulo mo pa tingnan, tiyak na may laban ang dalawang tanyag na unibersidad na ito. Magmula sa academics, politics, at lalo na sa sports, siguradong umaatikabong bakbakan ang magaganap sa dalawang ito. At ang pinakasikat na laban ng dalawang ito ay sa laro ng basketball sa UAAP!

Kapag sinubaybayan mo ang mga laro sa UAAP, kakaunti lang ang mga manonood kapag ibang eskwelahan ang naglalaro. Pero pag natunugan nang ADMU vs. DLSU, siguradong sold-out ang tickets tapos lahat pa ng mga manonood ay nasa ringside o Lower Box A. Mayayaman ang mga nanonood… at yumayaman ang Araneta Coliseum.

Maihahambing natin ang rivalry na ito sa LA Lakers at Boston Celtics noong dekada 80. Grabe ang bakbakan at parehong ayaw pa-awat ang dalawang koponan. Dahil dito, lumalabas na sobrang husay ng mga manlalaro at talagang pinapanood ang bawat galaw nila. Mula sa matinding pagbitaw sa tres hanggang sa munting siko sa mukha, abang na abang ang mga nanonood, umaasang may rambol pag susunod.

Nakakaaliw din manood ng live sa laban ng ADMU at DLSU. Hindi ipinapakita sa TV ang kaganapan pero pag commercial breaks o time outs, matindi mag-asaran ang kampo ng mga eskwelahang ito. Walang humpay na hiritan at sigiwan. Kulang na lang eh magbatuhan sila ng piso sa isa’t-isa tulad ng ginagawa sa mga laban ng Ginebra noon.

Kaya naman masayang-masaya din ang ibang teams sa UAAP kapag natatalo nila ang kahit sino sa DLSU o ADMU. Kumbaga, pinababagsak nila ang “hype” ng dalawang koponan. Para sa kanila, kagalakan na ang maipakita sa mga “fans” ng mga teams na ito na hindi lang dalawa ang naglalaro sa UAAP. Pero wala pa ring pakialam ang mga estudyante. Dapat ADMU vs. DLSU… ito ang ultimate matchup.

Marahil ay aabot ng libo-libong taon at iba’t-ibang klase ng lumilipad na kotse bago tuluyang matapos ang away ng DLSU at ADMU. Kakaiba ang init ng dugo nila sa bawat isa (kahit na alam naman natin na normal nang makakita ng magsing-irog na taga magkabilang kampo). Ayaw paawat pareho. Gusto nilang patunayan na ang koponan nila ang pinakamahusay sa buong liga… na sila ang mangingibabaw sa kalaban.

Magandang rivalry. Napakahusay talaga. Ma-drama. Ma-aksyon. Malupit. Pero simple lang ang sasabihin ko para malaman kung aling koponan talaga ang pinakamagaling sa buong UAAP:

GO USTE!!!

(i-highlight ang blank space sa itaas)

Deyey’s Approval: 88%

Ratatouille

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Ratatouille

Image Hosted by ImageShack.us

Ang pagluluto ay hindi basta-basta. Hindi lahat ng tao ay biniyayaan ng mahusay na kamay para magtadtad ng mga sahog. Hindi lahat ay may kakayahang maka-alam ng tama sa maling timpla. Pero, ayon sa pinakabagong PIXAR animated film na Ratatouille, “anyone can cook”.

Tulad ng mga nakaraang pelikula na mula sa PIXAR, napakahusay at napakagaling ng pagkakagawa sa Ratatouille. Mula sa animation hanggang sa kuwento, tunay na obra maestra ang pelikula. Hindi na ako nagtataka ngayon kung bakit mataas ang rebyu dito ng mga ibang sites na napupuntahan ko. Naniniwala ako sa kanila: isa nga itong palabas na dapat panoorin ngayong taon.

Ang kuwento ng Ratatouille ay tungkol sa isang daga na napakalupit magluto. Kaya lang, nahihirapan siyang ilabas ang tunay niyang galing dahil isa nga siyang bubwit. Alam naman natin na ang mga tao eh galit (o natatakot) sa mga bubwit. Bukod pa dito, pinalalayo siya ng kanyang ama sa mga tao dahil masama daw ang ugali ng mga ito. Hirap na hirap tuloy ang ating bida sa pagiging isang mahusay na chef.

Di naglaon, nakasalubong niya ang isang bata na naging “garbage boy” sa isang restaurant. Isang aksidente ang nagbigay ng tatag ng loob sa bawat isa hanggang sa napagtanto nilang magtulungan. Kung papaano sila naging astigin sa palabas eh… panoorin niyo na lang.

Napakaganda ng animation ng Ratatouille. Napaka-smooth na ng graphics at halos makatotohanan na ang pagkakagawa. Ultimo nga ang balahibo nung mga daga eh parang madarama mo ang lambot. Mahahalata mong pinag-igihan talaga ang palabas. Malupit ang mga animators nito.

Astig din ang kuwento ng pelikula. Patok na patok magmula sa mag bata hanggang sa mga matatanda. Nakakatawa pero puno ng aral ang Ratatouille. Tunay na pampamilya ang pelikula. Hindi boring. Kung sabagay, PIXAR ang may gawa… kelan ba naman sila gumawa ng pangit na pelikula di ba?

Deyey’s Approval: 91%

The Simpsons Movie

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: The Simpsons Movie

Image Hosted by ImageShack.us

Ako ay matagal nang fan ng Simpsons. Hanggang ngayon nga ay patuloy pa rin akong nanonood ng mga re-runs nito pag pinapalabas sa mga cartoon channels. Iba kasi ang klase ng komedya nito kaya nakakatuwa. At dahil nga kakaiba, napabili pa ako ng mga DVDs ng palabas nito (pati yung sister cartoon niya na “Futurama”). Lalo pa akong natuwa nang malaman na gagawing pelikula ang Simpsons… para bang isang panaginip!

Hinahantay ko pa naman ang pagdating ng ika-27 ng Hulyo dahil ayun sa mga posters eh sa ganitong araw ipalalabas ang The Simpsons Movie. Nagulat na lang ako (at ang Honey ko) nang makita namin ang pelikula na ipinalalabas na ngayon Miyerkules (at hindi sa Biyernes). Siyempre, dali-dali kaming bumili ng mga tickets. Palalampasin ba namin ang isang palabas na nakakatawa na matagal ko nang inaabangan?

Hindi ako nagsisi sa panonood ng The Simpsons Movie. Laugh trip pa rin ang grupo nina Homer, Marge, Bart, Lisa at Maggie sa isa’t-kalahating oras na pelikulang ito. Tulad ng palabas sa TV, may characterization ang bawat patawa at talagang patok na patok sa mga manonood. Nakakaaliw ang mga banat ni Homer, ang kakulitan ni Bart, ang pagiging nagger ni Marge at pagiging nerdy ni Lisa (si Maggie kasi wala pa masyadong personality).

Kung napanood niyo na ang trailer nito, tiyak na alam niyo (at tinawanan) na ang eksena ni “Spider Pig”. Hagalpakan sa tawa ang mga nanonood sa kalokohang ginawa ni Homer sa baboy na ito. Mas nakakatawa pa kapag kumakanta si Homer ng tune na ito. Sa sobrang ka-aliwan ko, napa-download pa tuloy ako nung “orchestral” version ng kantang ito.

Ang Simpsons ay hindi magiging “Simpsons” kapag hindi ipinakita ang buong naninirahan sa kanilang bayan na Springfield. Nariyan si Ned Flanders na sobrang mabait pa rin. Kasama din sina Moe at Barney na wala pa ring humpay sa paglaklak (at pagbenta) ng alak. Siyempre, mawawala ba sina Lenny at Carl na hanggang sa movie eh hindi mo alam kung may relasyon o wala. Sobrang nakakatawa talaga.

Hindi na kinailangan pa ng pelikulang ito ng mga kakaibang special effects o matinding CGI para pagandahin ang palabas. Parang TV animation pa rin ang style ng pelikula, mas smooth nga lang ang rendition ng bawat frame. Wala kang pagsisisihan sa panonood nito. Sulit na sulit… hindi mukhang minadali.

Kung natuwa kayo sa Transformers at Harry Potter, dapat huwag niyo rin palampasin itong The Simpsons Movie. Sobrang laugh trip nito. Eksakto para sa mga malulungkot at pagod sa kanilang mga trabaho. Basta, ang sasabihin ko lang sa inyo eh hintayin niyo ang credits ng pelikula at makinig sa background music. Malamang ay may ikatuwa kayo sa maririnig niyo!

Deyey’s Approval: 93%

Michael V.

Kategorya: Tao
Klase: Artista
Pangalan: Michael V.

Image Hosted by ImageShack.us

Bitoy… ang pangalang hindi malilimutan ng kahit sino man. Magmula noong siya’y rapper pa na naging kalaban ni Andrew E. noong mid-90s, hindi pa rin nagmimintis si Bitoy sa pagpapasaya sa ating bansa. Lalo pa itong napagtibay nang siya’y maisabak na sa sikat na sikat na gag show noon na “Tropan Trumpo”. Mula dito ay umusbong na ang career niya at tuluyan nang natatak sa isip natin na Bitoy = sobrang laugh trip.

Ilang taon na ang lumilipas mula nang siya’y magpatawa sa “Tropang Trumpo” pero hanggang ngayon ay nakaka-aliw pa rin siya, di tulad ng ibang komediyante noon na hindi na nagbago ng routine (at naging nakakasawa). Ngayong nasa “Bubble Gang” siya kasama ang ka-”Tropa” niyang si Ogie Alcasid, walang humpay na katatawanan ang dulot niya sa buong sambayanan.

Naaalala ko tuloy yung panahon nung nagta-trabaho pa ako para sa kapuso. Naging parte ako ng mga manunulat para sa ilang sitcoms nila, kabilang na ang Bubble Gang. Astig na astig ako kay Bitoy lalo na pag gumagawa sila ng impromptu joke ni Direk Cosme. Para bang bigla na lang may maiisip si Bitoy… tapos yun na… dadalhin na lang sa acting ng mga kasama niya. Tapos, kayong mga nandoon, matatawa na lang kayo. Ganoon siya kabangis kaya siya head ng Comedy Dept. ng network na iyon.

Isa pa sa kinatutuwa ko sa kanya ay tuwing gagawa sila ng kabalastugan sa isang sikat na awitin. Noong una, “Myusik Tagalog Bersyon” lang ito kung saan sumikat ang awiting “May Isa Na Namang Kumagat sa Alikabok”. Tapos naging “Music English Version” kung saan ginagawa nilang Ingles ang mga awitin. Tapos ngayon, todong pagbabago na ng lyrics ng mga awitin. Ang pinakapaborito ko sa mga ginawa niya ay “Ulam” na halin sa awitin na “Ulan” ng Cueshe.

Hindi rin makakaila na astig mag-host ng mga TV shows si pareng Bitoy. Magmula sa Eat Bulaga hanggang sa Bitoy’s Funniest Videos, kayang-kaya niyang aliwin ang mga manonood. Di niya pinipilit ang sariling magpatawa. Sine-seryoso niya ang trabaho niya kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng trabaho niya ang pagiging seryoso.

Malamang ay mapabilang si Bitoy sa mga “all-time funniest” na Pinoy, kasama ang mga tulad nina Dolphy, Panchito, Vic Sotto, at Joey De Leon. Iba ang karisma niya sa pagpapatawa. Walang katulad. Bata man o matanda eh kaya niyang pangitiin. Partida pa dahil hindi siya “bastos” magpatawa. Idol talaga.

Deyey’s Approval: 93%

State of the Nation Address (SONA)

Kategorya: Pangyayari
Klase: Talumpati
Pangalan: State of the Nation Address (SONA)

Image Hosted by ImageShack.us

SONA – ang ibig sabihin talaga nito ay “State of the Nation Address”. Ito ang panahon kung kailan nagsasabi ang Panggulo ng Pilipinas tungkol sa mga nagawa niya nitong nakaraang taon at mga pangarap… este… adhikain niya para sa darating na mga buwan. Nakakabasag ng kumon ang mga sinasabi niya dahil minsan eh hindi naman niya ito sinusunod… para bang pakitang-gilas lang. Kaya naman marami ang nagra-rally dahil kung anu-ano ang binibitawan, hindi naman kinakayanan!

Hindi bagay ang tunay na ibig sabihin ng SONA sa kanya. Marami ang nape-perwisyo sa SONA. Nakakainis. Mas tama pang palitan natin ang SONA bilang Sayang Oras Ngayong Araw.

Bakit ka niyo Sayang Oras? Heto ang mga dahilan:

  1. Sayang ang oras ng mga nata-trapik – Alam niyo ba kung gaano ka-trapik sa Commonwealth Ave. kanina? Grabe! Ginawang 3-lane counterflow ang Southbound lane ng Commonwealth. May mga nagra-rally kasi sa kabilang kalye. Ayun, grabe ang siksikan kanina. Walang galawan. Sayang ang Oras ng mga commuters.
  2. Sayang ang oras ng mga rallyista – Imbes na nagta-trabaho sila, napipilitan pa tuloy ang mga rallyista na manggulo sa kalye dahil hindi nga matustos ni Gagong Mang-Aapi ang mga hinaing nila. Eh di siyempe na-buwisit ang mga tao at nagtungo na lang sa Batasang Pambansa para makipag-bakbakan sa mga pulis. Sayang ang Oras na sana ay nailaan na lang sa trabaho.
  3. Sayang ang oras ng mga estudyante – Lunes ngayon kaya dapat ay nasa eskwelahan ang mga mag-aaral. Pero dahil sa SONA, may mga paaralang hindi na nagpapasok o kaya’y nag-half day na lamang para lang makauwi nang maaga ang mga bata. Yung mga pumasok naman, nakipagbuno din sa trapik. Sayang ang Oras na dapat nag-aaral ang mga tao.
  4. Sayang ang oras ng mga nakatambay lang sa bahay – Ang alas-cuatro ay napakagandang oras para manood ng TV. Pero lahat ata ng channels eh nakatutok sa SONA. Anak ng pating… wala na tuloy cartoons o kaya’y Mexican telenovela. Inagaw na kasi ng SONAbabitch ang timeslot ng mga ito. Tsk tsk. Baka dumating ang panahon eh mga paslit o kaya’y longkatuts na ang mag-rally sa Mendiola! Sayang ang Oras ng mga TV buffs.

At iyan ang mga dahilan kung bakit dapat hindi na nagso-SONA. Abala. Perwisyo. Sakit sa ulo. Pare-pareho lang naman ang sinasabi. Hindi naman natutupad.

Mas maganda sana kung ang pagtuonan niya ng pansin ay kung paano pagbabatiin ang bawat Pilipino para makamit ang tunay na pagkakaisa!

Deyey’s Approval: 1%

* May gusto ka bang ipa-rebyu? Magpadala lang ng email sa taglish.rebyu @ gmail . com *

AddThis Social Bookmark Button

Global Positioning System (GPS)

Kategorya: Bagay
Klase: Pang-track
Pangalan: Global Positioning System (GPS)

Image Hosted by ImageShack.us

“Wala kang takas! Alam namin kung nasaan ka!!!” Ito ang mga linyang madalas kong naririnig noon sa mga sinaunang Pinoy action films. Yung tipong pinalilibutan ng sandamakmak na pulis ang hideout ng isang matinding kalaban. Naisip ko lang na maaari kayang noon pa lamang eh may Global Positioning System (GPS) na ang mga pulis sa Pinas? Siguro naman hindi di ba?

Ang cellphone ko ngayon (Nokia N95) ay may built-in nang GPS kaya lang hindi ko pa nagagamit. Akala ko kasi walang GPS dito sa Pinas (tanga ako… “global” nga pala yun). Kaya naman nang magdala si Erpats mula sa trabaho niya sa ibang bansa ng sarili niyang GPS gadget (na gumagana naman talaga dito sa ating bansa), agad-agad kong pinagana ang nasa telepono ko. Aba… gumana nga… at namangha na ako sa teknolohiya ng GPS.

Ang ginagawa kasi ng GPS eh sinusundan niya ang posisyon mo sa pamamagitan ng mga satellites. Bale pag binuksan mo ang GPS gadget mo, malalaman na niya ang eksaktong coordinates mo. Malaking tulong ito sa mga taong walain o kaya’y adik lang talaga sa pag-alam sa eksaktong posisyon niya.

Natuwa ako nang unang gamitin ni Erpats ang GPS gadget niya para alamin kung malayo pa o malapit na kami sa aming bahay (mula sa NAIA). Nakuha na niya ang coordinates ng bahay namin (mula sa Google Earth) at inilagay ito sa kanyang gadget. Ayun, nasundan nga kami at natutukoy pa nito kung gaano pa kami kalayo at kung gaano kabilis ang pagpapatakbo ko ng sasakyan… bangis!

Sinubukan ko ring gumamit ng GPS sa telepono ko at namangha nang matukoy nito kung nasaang lugar na ako sa Pilipinas. Para bang isang batang nabigyan ng laruan, iniwan kong nakabukas ang GPS ng telepono hanggang sa mag-low batt na ito (malas).

Sobrang nakakatuwa ang GPS. Kung ikaw ay biyahero, malaking tulong ang GPS lalo na kung may built-in na mapa ang gagdet mo. Pero, kung tambay ka lang naman din sa bahay at ang alam mo lang puntahan eh mall at isawan, wag ka nang kumuha ng GPS gadget. Hindi sulit kung hindi ka mahilig bumiyahe.

Deyey’s Approval: 84%