Archive for » August, 2007 «

MeeTimer

Kategorya: Software
Klase: Add-on
Pangalan: MeeTimer

Image Hosted by ImageShack.us

May mga pagkakataon na tinatamad tayong mag-trabaho sa opisina. At dahil high tech at matulin ang ating mga Internet connections, madalas na ginagawa natin eh napapa-surf tayo sa iba’t-ibang websites. Hindi natin minsan napapansin na napapatagal na ang ating pagliliwaliw hanggang sa dahan-dahan nang nauubos ang oras na dapat eh nakalaan sa trabaho. Ito ang nagiging dahilan para tayo’y mag-overtime at mabuwisit pa lalo sa ginagawa.

Buti na lang may mga mahuhusay na programmers mula sa ibang bansa ang nakaisip ng paraan para mabawas-bawasan ang “procrastination” sa loob ng opisina. Gumawa sila ng add-on para sa Firefox, ang Internet browser na ginagamit ng mga matatalinong tao (bobo na lang ang gumagamit ng IE kaya kung ika’y isa sa mga ito, lumipat ka na repapips), at tinawag itong MeeTimer. Ano ka niyo ang ginagawa nito? Simple lang naman: mino-monitor niya ang oras na ginugugol mo sa Web at ipinapaalam nito sa iyo kung ilang porsiyento ng iyong working week ang nasasayang sa pagliliwaliw mo.

Maraming settings ang mailalagay sa MeeTimer. Bukod sa stats kung saan ipinapakita ang percentage ng procrastination mo (matakot ka pag higit sa 50% ang nakuha mong antas), kaya din ng MeeTimer na i-auto block ang mga sites na nai-set mo bilang pang-abala. Napakahusay na add-on para mawalan ka ng gana sa pagsu-surf.

Madalas ay naka-on ang MeeTimer ko sa opisina para hindi ako nawiwiling mag-surf sa iba’t-ibang sites. Kusa kong nilagyan ng block ang NBA, Ebaumsworld, Lordsofpain, pati ang mismong blog kong ito (may mga pagkakataon kasing dumadalaw ako dito para tingnan kung may nag-iwan ng mensahe sa tagboard ko). Hindi ko nilagyan ng block ang Yahoo!, Friendster at Multiply dahil ginagamit ko din ito sa trabaho… sa maniwala man kayo o hindi.

Nitong mga nakaraang linggo ay umabot lang ako sa 2.3% worth of procrastination. Bale ilang minuto lang ito sa loob ng isang linggo. Talaga namang sulit ang pag-add ko ng MeeTimer sa Firefox ko. At kung Tech Manager ka sa inyong opisina, nakakatuwang ilagay ang add-on na ito sa bawat computer sa lugar niyo. Hayaan niyo na lang na konsensya ang pumatay sa mga officemates mo na mahilig lang mag-surf sa Internet sa oras ng trabaho!

Deyey’s Approval: 93%

Chopsticks

Kategorya: Bagay
Klase: Kubyertos
Pangalan: Chopsticks

Image Hosted by ImageShack.us

Napag-aralan natin sa Sibika pati na rin sa Hekasi na ang Pilipinas ay sinakop ng mga Kastila noong unang panahon. Dala ng mga dayuhan ang kanilang kultura sa lahat ng aspeto ng pamumuhay, kasama na rito ang paggamit ng mga kubyertos. Sila ang nagturo sa ating bansa ng paggamit ng kutsara’t tinidor. Nakaka-aliw isipin ang bagay na ito dahil karamihan ng mga bansang nakapalibot sa atin ay gumagamit ng dalawang manipis na kahoy na tinatawag na “chopsticks” para makakain.

Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit kakaunti lang sa mga Pilipino ang bihasa sa paggamit ng chopsticks. Sa sobrang kasanayan sa paggamit ng kutsara at tinidor, halos magka-kalyo na sila kaka-ipit sa daliri ng mga kahoy. Kulang na nga lang eh hawakan sa magkabilang kamay ang kahoy at gamitin ito na parang de-bakal na kubyertos.

Ako man ay hirap sa paggamit ng chopsticks. Sanay talaga akong mag-kubyertos at hindi naman kami madalas kumain sa Chinese / Japanese restaurants nung bata pa ako (kahit na noon pa lang eh adik na ako sa mami). Ngayong nagta-trabaho na ako, napagtanto kong dapat nang matutunan ang paggamit sa chopsticks dahil pag nayaya akong kumain sa isang Oriental restaurant, mapapahiya naman ako pag ako lang ang naka-kutsara’t tinidor.

Sabi ng mga kaibigan ko, madali lang naman ang paggamit ng chopsticks. Iniipit lang naman ito sa pagitan ng hinlalaki, hintuturo at hinhihindot tapos hahayaan lang gumalaw nang suwabe. OK lang nga sana kung ganito kaso minsan eh masakit na sa mga daliri. Ang masaklap pa dito eh kakaunti lang ang makukuha mong tsibog. Malas mo lang kung gutom na gutom ka na tapos hindi mo man lang mapulot ang iilang butil ng bigas.

Malamang kaya karamihan sa mga Intsik at Hapon eh payat ay dahil sa chopsticks. Sa sobrang frustrating pag-aralan at gamitin nito eh tatamarin ka na lang kumain. Mas gugustuhin mo pang mag-tinapay na hindi naman gaano nakakataba.

Kaya’t para sa mga nananaba diyan at walang pambili ng mga mamahaling treadmills at stationary bikes, kumuha na lang kayo ng chopsticks at ito ang gamitin niyo sa pagkain ng ano mang nasa plato niyo (kahit sabaw pa ito). Tinitiyak ko sa inyo na sa sobrang bagal niyo kumain eh mangangayayat kayo. Instant diet hindi ba?

Deyey’s Approval: 85%

Balakubak

Kategorya: Pangyayari
Klase: Sakit
Pangalan: Balakubak

Image Hosted by ImageShack.us

Nakakainis magkaroon ng dandruff o sa wikang Pinoy eh “balakubak”. Bukod sa madumi itong tingnan sa buhok, nakakainis pa ito kapag minsang nagsusuklay ka tapos may mga tatalsik na pira-pirasong bahagi sa damit mo. Wala ka namang magagawa kundi pagpagin ang mga ito. Tapos hindi mo mapapansin na meron pala sa likod mo at dala-dala mo ito buong hapon.

Hindi naman kakaiba ang balakubak. Tila normal na nangyayari ito sa kahit sino man, lalo na pag tag-init. Bale yung nanuyong balat eh nagiging balakubak at dumidikit ito sa anit. Mapapansin mo ang mga ito kapag hinimas mo ang buhok mo at may kakaiba kang mararamdaman sa iyong scalp. At dun mo mapapagtanto na kailangang kutkutin ang dandruff… isang napakasarap na gawain na may masamang epekto sa ulo.

Tulad ng nabanggit ko, marami ang nahuhumaling sa pagkukutkot ng dandruff. May kakaibang “feeling” kasi ito lalo na pag malaking tipak ang nakukutkot mo. Minsan nga eh “proud” ka pa at ini-isang tabi mo ang malaking balakubak at ihuhuli mo na ito sa pagtapon. OK na sana kaya lang masama din sa anit ang sobrang pagkutkot. Madalas kasing masusugat ang scalp mo dahil sa pagkutkot. Tapos magpe-peklat na ito at hindi na siya magandang tingnan.

May mga iba namang “discreet” mag-alis ng dandruff. Ang ginagawa nila eh pupunta sa isang mesa na kulay itim (o kaya’y kukuha ng damit na itim) at doon isusuklay ang balakubak. Tila nakatingin ka sa mga bituin kapag marami na ang naiipon sa pinag-susuklayan mo. Puro na puti… parang pulbos lang!

Kaya naman marami na ring nagpapasikat na shampoo na ang sabi eh kaya nilang mag-tanggal ng balakubak basta’t may “regular use”. Karamihan sa mga ito eh wala naman talagang epekto at patuloy pa rin ang pagkakaroon mo ng dandruff. Ang pinakamainam na solusyon eh tigilan na lang ang pagkukutkot dahil ito ay nakakatulong sa pagkalat ng balakubak hindi lang sa buhok kundi sa buong tahanan.

Pero wala pa ring makakapigil sa mga taong mahilig magkutkot ng balakubak. Dito sila “high”. Tila ba para sa kanila eh pareho lang ang epekto ng pagkukutkot ng anit sa pakikipagtalik. Astig!

Deyey’s Approval: 67%

Total Lunar Eclipse

Kategorya: Pangyayari
Klase: Kalikasan
Pangalan: Total Lunar Eclipse

Image Hosted by ImageShack.us

Kapag minamalas ka nga naman talaga oo… maulap nang tayo’y magkaroon ng total lunar eclipse. Kaya’t kaming mga nasa QC eh hindi natuwa. Tingin kami nang tingin sa taas kakahanap ng buwan. Wala kaming nakita kundi bumbilya ng posteng pupugak-pugak dahil malapit nang mapundi.

Mas masaya pa nga daw sa ibang probinsiya dahil walang kaulap-ulap sa kanilang lugar kaya’t nasaksihan nila ang buong pangyayari – mula sa pagtakip ng anino ng mundo sa buwan hanggang sa maging pula ito at nang ito’y maging puti muli. Minsan lang mangyari ito… at talaga namang hindi ko pa nasaksihan.

Ipinakita pa sa balita ang live coverage ng kaganapang ito mula sa istasyon nila sa Zamboanga. Nakakatuwa siyang tingnan kahit na sa TV lang. Para bang kinakain ng dilim ang liwanag ng buwan. Tila darating na lang bigla si Tuxedo Mask at tutulungan si Sailor Moon para parusahan ang tao… sa ngalan ng buwan.

May mga pamahiin ding naglalabasan tuwing nangyayari ang ganitong event. Sabi nila, mas malakas daw ang kapangyarihan ng mga maligno dahil walang liwanag. Ay sus… ang masasabi ko lang sa kanila eh pumunta sila ng Makati, Ortigas o Timog. Kahit na wala pang buwan, laging maliwanag dun. Ibig sabihin ba nito eh wala na silang kapangyarihan?

Sana naman sa susunod na total lunar eclipse eh masaksihan ko na. Nakakita na ako ng total solar eclipse, ng partial solar eclipse, at ng partial lunar eclipse. Total na lang talaga ang hindi ko nakikita nang harapan. Sana lang din sa susunod eh hindi maaga ang performance ng buwan (biro niyo, nagsimula daw bandang alas-tres ng hapon… ay kay aga naman!). Puwede naman siyang mag eclipse pag gabi di ba? At sana kapag wala ding ulap… sana lang!

Deyey’s Approval: 74% (di ko kasi nakita)

Spam

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Spam

Image Hosted by ImageShack.us

Spam. Para sa mga techies, ang salitang ito ay katumbas ng mga “unsolicited emails” na natatanggap nila sa kani-kanilang mga inbox. Para naman sa mga hindi madalas humawak ng computers tulad ng sarili kong ina, ang Spam ay isang uri ng de lata na imported na may lamang giniling na karne. Kapag wala nang ulam eh ito ang binubuksan para may makain naman ang pamilya.

Ang Spam ay mabibili kahit saan pero hindi ko alam kung bakit para kina Ermats at Erpats eh mas masarap ito kapag sa Duty Free nakuha. Siguro ang tantsa nila eh “imported” din ang karneng gamit di tulad ng mga Spam na mabibili sa mga local groceries na akala nila eh karneng Cavite lang ang laman. Pare-pareho lang namang baka ang laman nito… minsan may halong karne ng daga pero ang mahalaga eh karne pa rin.

Maraming flavors ang Spam. May beef, may beef with onion, may spicy beef… ah basta beef! Tuwing kakain kami nito, tinitiyak ko muna na hindi maanghang ang tinitira ko dahil mahina tayo sa ganitong uri ng pagkain (kahit na Bikolano ako). Mas trip ko kasi yung original flavor ng Spam… tapos ipi-prito mo lang at solb ka na.

Ang medyo mahirap lang gawin sa Spam (at sa iba pang imported na produkto) ay ang paglabas nito sa kanyang lata nang hindi nasisira ang original na hugis. Madalas kasing hapit na hapit ito sa kanyang lalagyan kaya’t ang hirap na niyang ilabas at ilagay sa platito. Minsan ay kinakailangan mo pang buksan ang ilalim ng lata para lang maitulak palabas ang karne. Bad trip ito kasi may mga pagkakataon na masusugatan ka sa mismong latang binuksan mo. Busog ka nga sa karne, tetano ka naman pagkatapos.

Alam kong marami pang Pinoy ang nahihilig sa Spam. Sa dami ba naman ng ating OFWs na ipinapasyal ang kanilang pamilya sa Duty Free eh makatitiyak kang may bibili ng Spam. Agad mo na rin kasing maiisip na Spam = imported. Marahil ito rin ang dahilan ng mga Kano… para i-SPAM tayo, hindi lang sa emails kundi pati rin sa karne!

Deyey’s Approval: 84%

Walter Dinner Rolls

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Walter Dinner Rolls

Image Hosted by ImageShack.us

Ang tinapay ay madalas na kinakain ng mga Pilipino kapag almusal o meryenda. Di tulad ng mga Kano na kahit tanghalian eh bumabanat nito, nakasanayan na natin na mag-tinapay bilang “snacks”. Minsan naman, ito lang ang kinakain natin kapag tayo’y nagpapa-payat (imbes na kanin at ulam).

Dahil dito, naglabasan ang samu’t-saring brands ng tinapay na may kanya-kanyang kakaibang lasa. May mga tinapay na kailangang lagyan ng palaman tulad ng mga loaf breads at pandesal. May mga tinapay din naman na OK lang kahit na wala nang palaman. At isa sa mga tinapay na OK nang tsibugin kahit na wala na itong palaman ay ang Walter Dinner Rolls.

Huwag kang magpapalinlang sa pangalan… hindi lang panghapunan ang pagkaing ito. Kakaiba kasi ang lasa niya kaya’t masarap siyang papakin kahit na wala namang dahilan. Manamis-namis kasi ang lasa ng Marby Dinner Rolls kaya’t kahit hindi na lagyan ng palaman eh sulit na. Tapos, pag bagong bukas mo pa lang ang plastic nito, sobrang lambot nung tinapay kaya naman ang dali lang niyang nguyain at lunukin.

Kamakailan, nung natulog sa bahay namin ang mga dati kong kaklase noong kolehiyo, eh inalok ko sa almusal ang Walter Dinner Rolls. Hindi pala sila pamilyar dito pero nang matikman na nila eh hindi na nila ito tinigilan nang pag-papak. Malas nga dahil sa totoo lang eh meryenda dapat namin yun (nagkataon lang din kasing nakalagay na siya sa hapag-kainan kaya’t inalok ko na rin ito). Ilang sandali pa at naubos na ito. Plastic na lang ang naiwan… alaala ng dating pagkain na binabalutan nito.

Tuwing namimili ang aming pamilya sa grocery ay hinding-hindi ko kinakaligtaang bumili ng Walter Dinner Rolls. Sobrang OK kasi siya. Pwede nang pang-meryenda. Ayos din sa almusal. At pag hindi masarap ang ulam eh puwede niyo na rin siyang pang-tanghalian at hapunan. Tiyak na matutuwa kayo sa lasa niyang kakaiba ang tamis. Malamang eh hanap-hanapin niyo pa ito kapag ubos na!

Deyey’s Approval: 91%

Pusoy Dos

Kategorya: Pangyayari
Klase: Laro
Pangalan: Pusoy Dos

Image Hosted by ImageShack.us

Ang Pinoy ay likas na mahilig sa mga palaro. Maging pisikal man ito (tulad ng basketball at patintero) o utakan (tulad ng chess at dama), hindi tayo nagpapahuli at lagi tayong nabibilang sa mga pinakamahusay na manlalaro sa larangang ating nasasalihan. At pagdating naman sa mga larong baraha eh hindi pa rin nagpapahuli ang Pilipinas. Kung uso sa Tate ang Texas Hold ‘Em Poker, katumbas naman ng kasikatan nito dito sa ating bansa ay Pusoy Dos at Tong Its.

Madali lang laruin ang Pusoy Dos, lalo na kung sanay ka sa rules ng Poker. Simple lang naman ang layunin ng laro: unahan kayong maubusan ng baraha. Puwede kang mag-pass kung wala kang tira o kung nagpa-plano ka ng matinding atake sa bandang huli. Puwede ring tira ka lang nang tira kahit na alam mong ikapapahamak mo ito. Magandang laro ang Pusoy Dos. Astig pang-parties, pang-reunion, o kaya’y pang-lamay.

Dati ay sobrang adik ng pamilya namin sa Pusoy Dos. Tinuruan ako ni Ermats ng larong ito nung 1st Year High School ako at magmula noon eh naging paborito ko na ito. Dumating din ang panahon nang matutunan din ito ni Utol at nabuo na ang aming pamilya na batikan sa Pusoy Dos. Hindi rin naglaon nang kami-kami na mismo ang magkakalaban at todohan nang pustahan.

Uso ang side bets sa Pusoy Dos. Madalas ay may premyo ang makakakuha ng “Red Pair” at “Black Pair” sa hawak na baraha. Sa mga hindi nakakaalam nito, ang “pair” na iyon ay nagaganap kung pareho mong hawak ang itim o pulang baraha na magkapareho ng numero (kunwari, ostong flower at otsong spades). Nakakatuwa tuwing magbababa na sila ng mataas na pair tapos may tatalo pa sa kanilang mas mataas. Astig… bulilyaso agad. Pera na naging bato pa.

Ang mahirap lang sa Pusoy Dos (at kahit ano mang larong baraha) ay kapag na-adik ka na nang sobra at kulang na lang eh i-pusta mo na ang kaluluwa mo. Oo, masayang laro ang Pusoy Dos pero dapat alam pa rin ng manlalaro ang limitasyon na ang baraha eh “laro” lang at hindi dapat pang-hanapbuhay. Sa sobrang thrilling kasi ng Pusoy Dos eh nalilimutan na ito minsan ng iba nating kababayan.

Kung magkakaroon pa muli ng Philippine Pusoy Dos Open at mayroon akong limpak-limpak na salapi eh sasali kami ni Utol. Siguradong mapapalaban sa amin ang kahit sino mang gustong sumagupa sa aming galing. Maaaring manalo o matalo kami pero para sa amin, ang habol lang namin eh makakuha ng konting aliw sa pagbabaraha. Masayang bonding event ang Pusoy Dos, basta’t huwag lang magka-pikunan…

…na madalas nangyayari kung nagbaba ka ng “Full De Alas, kicker King” tapos tatalunin ka bigla ng “Cuadro Cuatro, kicker Cinco”. Frustrating!

Deyey’s Approval: 91%

Make Use Of

Kategorya: Website
Klase: Blog
Pangalan: Make Use Of (http://www.makeuseof.com)

Image Hosted by ImageShack.us

Marami sa atin ang adik sa Internet. Madalas nating gamit ito sa pag-check ng email at Friendster, pag-download ng mp3s at movies sa torrent sites, at panonood ng videos sa YouTube at kung saan-saang bold sites. Pero tinitiyak kong dumating kayo sa puntong nagkaroon kayo ng “Internet drain” kung saan naubusan na kayo ng website na trip puntahan. Tila ba lahat ng masasaya at informative websites eh napuntahan mo na.

Dito pumapasok ang husay ng “Make Use Of”, isang blog na nag-iipon ng mga malulupit at kawili-wiling mga websites na tiyak na may silbi. Hindi lang puro joke sites o social networking ang iniipon nito kundi lahat talaga ng aspetong maaaring ikatuwa ng kahit sino mang mapapadalaw sa page na iyon. Mula sa mga trivia sites, tips and tricks para sa PC pati mga webpages na daig pa ang encyclopedia sa dami ng facts, makaka-asa kang may makikita ka sa Make Use Of.

Karamihan ng links ko sa aking bookmarks eh nagmumula sa Make Use Of. Dito ako nakakakuha ng sites kung saan mapapahusay ko pa ang pag-iipon ko ng pera. Meron din akong natutuklasan na mga bagong programs na magpapaganda sa offline life ko. Meron din siyang mga tips and tricks na magagamit mo sa mga pangkaraniwang PC programs tulad ng MS Word at Photoshop. Astig talaga kung sa astig.

Kamakailan lamang ay naging daily na ang updating sa Make Use Of. Dati kasi nung bago pa lang siya (halos ilang buwan pa lang ang lumilipas nang itatag ito) eh kada linggo lang siya naglalagay ng updates. Marahil napansin ng may-ari na mataas ang daily unique visits niya kaya’t napagtanto niyang gawing araw-araw na ang pagdagdag ng mga websites. Ayos ito dahil lalo siyang nakikilala sa WWW.

Nawa’y madalaw niyo rin ang site na iyon dahil makasisiguro kang may mapupulot kang link na makakatulong sa iyo, maging entertaining man ito o informative. Ang mahalaga eh hindi ka na makakaranas pa ng “Internet drain”. Hayaan na lang natin na yung may-ari ng Make Use Of ang mapagod sa paghahanap ng sites na puwede nating bisistahin.

…habang tayo naman eh aasa na magaganda ang pipiliin niyang sites para i-feature!

Deyey’s Approval: 88%

12 Girls Band

Kategorya: Tao
Klase: Banda
Pangalan: 12 Girls Band

Image Hosted by ImageShack.us

Ako ay mahilig sa mga awiting / tugtuging kakaiba. Masaya naman akong nakikinig sa mga “pop” songs pero mas iba ang dating sa akin pag medyo weird ang pasok sa tenga ko. Nagagandahan ako sa mga bandang kakaiba ang banat tulad ng Pinikpikan, Makiling Ensemble at Giniling Festival. At kamakailan lang ay natuklasan ko ang tunog ng isang international na banda mula sa Tsina. Sila ay kilala sa tawag na 12 Girls Band at ang banat nila ay instrumental.

Gamit ang mga ethnic na instrumentong pang-musika ng Tsina, ang 12 Girls Band ay tumutugtog ng halong classical at modern. Masarap pakinggan ang mga himig nila lalo na pag todo-todo na nilang pinagsasabay ang mga kagamitan nila. Para bang nakikinig ka sa instrumental music ng The Corrs kaya lang eh mas makaluma ang gamit. At dahil dito sa tema nila, dahan-dahan silang nakikilala sa buong mundo.

Kamakailan lamang ay dumating sila sa Pilipinas at tumugtog para sa kanilang mga local fans. Sa kasamaang palad, hindi ko pa sila kilala noon kaya’t hindi ako nakabili ng tickets para sa kanilang pagtatanghal. Nabalitaan lang ako ng dati kong kasamahan sa trabaho (na adik din sa kanila… at hindi rin nakanood) tungkol sa kanilang sandaling pagdalaw sa ating bansa. Ngayong iniisip ko, nang-hihinayang ako’t hindi ko pa sila narinig tumugtog nung bago pa sila pumunta dito.

Una kong narinig ang 12 Girls Band sa isang televised concert na ipinakita sa isang local TV station. Wala akong magawa nung panahong iyon kaya’t tinutukan kong maigi ang kanilang pagtatanghal. Habang tumatagal eh natuwa ako’t nahumaling sa kanilang musika. At nang banggitin ang pangalan ng kanilang banda, napagtanto kong hanapin ang musika nila.

Pinagpala naman ako dahil may nakita akong compilation ng mga tugtog nila sa isang CD. Agad ko itong binili at isinalang sa aking computer sa opisina. Masaya akong nakikinig nang humirit din ang mahal ko at nag-wikang trip niya rin daw ang naririnig niya. Astig! Walang marketing pero sumisikat ang 12 Girls Band dahil sa tema nila.

Malaki ang potensyal na sumikat ng 12 Girls Band sa buong mundo. Hindi sila nakikipag-tagisan ng galing sa iba pang banda pero dahan-dahan silang nagkakaroon ng steady fan base. Alam ko ding marami pa ang may gusto sa bandang ito (tiyak ko din na maraming Pinoy ang nakarinig na sa tugtog nila). Sana lang eh bumalik sila dito sa ating bansa para sa isa pang concert. Siguradong panonoorin ko sila… siyempre, fan na rin ako pagdating ng panahong iyon!

Deyey’s Approval: 90%

Evan Almighty

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Evan Almighty

Image Hosted by ImageShack.us

Gaano kalakas ang tiwala mo sa ating Panginoon? Kung bigla siyang magpakita sa iyo at may i-utos, susunod ka ba? Paano kung kakaiba at weirdo ang ibilin niya sa iyo… tulad ng paggawa ng Ark… susunod ka pa rin ba? Alam mong iku-kutya ka ng mga tao at kulang na lang eh ilagay ka sa mental hospital. Handa ka bang tanggapin ang lahat ng ito para kay Lord?

Ito ang pangunahing tema sa palabas na “Evan Almighty” na pinagbibidahan ni Steve Carell, ang nakatutuwang bida sa pelikulang “The 40-Year-Old Virgin”. Dito sa bagong palabas na ito, si Steve Carell ay inatasan ng Panginoon para gumawa ng Ark. Medyo nabuang siya dahil nasa makabagong panahon na at tila hindi na magkakaroon ng matinding baha. Pero si God ang nagsabi… kaya hindi na niya ngayon alam ang gagawin niya kung itutuloy ba niya o hindi.

Ayon sa IMDB, ang Evan Almighty ay dapat gaganapan ni Jim Carrey at Jennifer Aniston, ang mga pangunahng tauhan sa “Bruce Almighty” kung saan kinuha ang kuwento ng “God goes to Earth” plot. Kaya lang, parehong tumanggi ang dalawa kaya’t napilitan ang mga scriptwriter na kunin si Evan Baxter, ang anchorman dun sa naunang “Almighty” film. Si Morgan Freeman pa rin naman ang tumayo bilang “God” kaya sumunod pa rin naman sila sa plotline ng unang pelikula.

Maganda ang pagkakagawa ng Evan Almighty, lalo na sa mga CGI effects tsaka sa computer rendition ng mga hayop. Hindi halatang CGI lang kahit na close up shots na ang ginagawa. Nakaka-aliw tingnan kapag marami na silang kahayupan at gumagawa na ng kung anu-anong bagay. Nakakatuwa din tuwing nakikita mong tumutulong na ang mga hayop sa paggawa ng Ark.

Hindi gaanong nakakatawa ang Evan Almighty, di tulad ng Bruce Almighty (marahil mas magaling lang na komediyante si Jim kaysa kay Steve). Gayunpaman, magandang pelikulang pamilya ang Evan… angkop na angkop para sa mga bata at matatanda. Napakaganda ng aral na makukuha mo sa pelikulang ito na malalaman niyo sa eksenang magkausap na si God at ang asawa ni Evan. Huwag na huwag niyo itong palalampasin (kahit na di mo na panoorin yung ibang eksena).

Nawa’y sa totoong buhay eh huwag na nating hintayin pang lumabas ang Panginoon para sumunod lang tayo sa mga kautusan Niya. Marami Siyang bilin, ang problema lang eh hindi natin pinakikinggan. Tiyak naman na pag sumunod tayo sa mga utos Niya, kahit na medyo weirdo pa ito para sa atin, magiging “Almighty” din tayo.

OK din naman pakinggan ang “Deyey Almighty” di ba?

Deyey’s Approval: 80%