Total Lunar Eclipse

Kategorya: Pangyayari
Klase: Kalikasan
Pangalan: Total Lunar Eclipse

Image Hosted by ImageShack.us

Kapag minamalas ka nga naman talaga oo… maulap nang tayo’y magkaroon ng total lunar eclipse. Kaya’t kaming mga nasa QC eh hindi natuwa. Tingin kami nang tingin sa taas kakahanap ng buwan. Wala kaming nakita kundi bumbilya ng posteng pupugak-pugak dahil malapit nang mapundi.

Mas masaya pa nga daw sa ibang probinsiya dahil walang kaulap-ulap sa kanilang lugar kaya’t nasaksihan nila ang buong pangyayari – mula sa pagtakip ng anino ng mundo sa buwan hanggang sa maging pula ito at nang ito’y maging puti muli. Minsan lang mangyari ito… at talaga namang hindi ko pa nasaksihan.

Ipinakita pa sa balita ang live coverage ng kaganapang ito mula sa istasyon nila sa Zamboanga. Nakakatuwa siyang tingnan kahit na sa TV lang. Para bang kinakain ng dilim ang liwanag ng buwan. Tila darating na lang bigla si Tuxedo Mask at tutulungan si Sailor Moon para parusahan ang tao… sa ngalan ng buwan.

May mga pamahiin ding naglalabasan tuwing nangyayari ang ganitong event. Sabi nila, mas malakas daw ang kapangyarihan ng mga maligno dahil walang liwanag. Ay sus… ang masasabi ko lang sa kanila eh pumunta sila ng Makati, Ortigas o Timog. Kahit na wala pang buwan, laging maliwanag dun. Ibig sabihin ba nito eh wala na silang kapangyarihan?

Sana naman sa susunod na total lunar eclipse eh masaksihan ko na. Nakakita na ako ng total solar eclipse, ng partial solar eclipse, at ng partial lunar eclipse. Total na lang talaga ang hindi ko nakikita nang harapan. Sana lang din sa susunod eh hindi maaga ang performance ng buwan (biro niyo, nagsimula daw bandang alas-tres ng hapon… ay kay aga naman!). Puwede naman siyang mag eclipse pag gabi di ba? At sana kapag wala ding ulap… sana lang!

Deyey’s Approval: 74% (di ko kasi nakita)

Category: Uncategorized
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.