Chopsticks

Kategorya: Bagay
Klase: Kubyertos
Pangalan: Chopsticks

Image Hosted by ImageShack.us

Napag-aralan natin sa Sibika pati na rin sa Hekasi na ang Pilipinas ay sinakop ng mga Kastila noong unang panahon. Dala ng mga dayuhan ang kanilang kultura sa lahat ng aspeto ng pamumuhay, kasama na rito ang paggamit ng mga kubyertos. Sila ang nagturo sa ating bansa ng paggamit ng kutsara’t tinidor. Nakaka-aliw isipin ang bagay na ito dahil karamihan ng mga bansang nakapalibot sa atin ay gumagamit ng dalawang manipis na kahoy na tinatawag na “chopsticks” para makakain.

Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit kakaunti lang sa mga Pilipino ang bihasa sa paggamit ng chopsticks. Sa sobrang kasanayan sa paggamit ng kutsara at tinidor, halos magka-kalyo na sila kaka-ipit sa daliri ng mga kahoy. Kulang na nga lang eh hawakan sa magkabilang kamay ang kahoy at gamitin ito na parang de-bakal na kubyertos.

Ako man ay hirap sa paggamit ng chopsticks. Sanay talaga akong mag-kubyertos at hindi naman kami madalas kumain sa Chinese / Japanese restaurants nung bata pa ako (kahit na noon pa lang eh adik na ako sa mami). Ngayong nagta-trabaho na ako, napagtanto kong dapat nang matutunan ang paggamit sa chopsticks dahil pag nayaya akong kumain sa isang Oriental restaurant, mapapahiya naman ako pag ako lang ang naka-kutsara’t tinidor.

Sabi ng mga kaibigan ko, madali lang naman ang paggamit ng chopsticks. Iniipit lang naman ito sa pagitan ng hinlalaki, hintuturo at hinhihindot tapos hahayaan lang gumalaw nang suwabe. OK lang nga sana kung ganito kaso minsan eh masakit na sa mga daliri. Ang masaklap pa dito eh kakaunti lang ang makukuha mong tsibog. Malas mo lang kung gutom na gutom ka na tapos hindi mo man lang mapulot ang iilang butil ng bigas.

Malamang kaya karamihan sa mga Intsik at Hapon eh payat ay dahil sa chopsticks. Sa sobrang frustrating pag-aralan at gamitin nito eh tatamarin ka na lang kumain. Mas gugustuhin mo pang mag-tinapay na hindi naman gaano nakakataba.

Kaya’t para sa mga nananaba diyan at walang pambili ng mga mamahaling treadmills at stationary bikes, kumuha na lang kayo ng chopsticks at ito ang gamitin niyo sa pagkain ng ano mang nasa plato niyo (kahit sabaw pa ito). Tinitiyak ko sa inyo na sa sobrang bagal niyo kumain eh mangangayayat kayo. Instant diet hindi ba?

Deyey’s Approval: 85%

Category: Uncategorized
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.