Kategorya: Pangyayari
Klase: Cartoons
Pangalan: Flying House

Kakaiba na ang mga cartoons ngayon. Dati rati eh “peaceful” at hindi gaano graphic ang mga drawing sa mga ito. Ngayong sikat na sikat ang anime eh nagiging violent at minsan vulgar na ang mga palabas. Nakaka-miss lang ang mga panahong “pure” pa ang anime lalo na nung kasikatan ng Cedie, Sara at Dog of Flanders. Pero, bago ang mga ito eh mas naunang sumikat dito sa Pinas ang cartoons na nagtuturo sa mga kabutihang asal na ginawa ng ating Panginoon. Ito ay ang Flying House na hanggang ngayon eh naaalala ko pa rin ang opening theme (at kasalukuyan ko na itong ringtone).
Para sa mga nakaka-awang nilalang na hindi na naabutan (o hindi na maalala) ang palabas na ito, heto ang maikling buod para sa inyo. Ang kuwento ng Flying House ay pumapalibot sa New Testament ng Bibliya. Ito ay tungkol sa tatlong batang napadpad sa isang bahay nang minsang umulan sa gubat habang naglalaro sila ng taguan. Sa bahay na ito ay nakilala nila ang isang makakalimuting scientist at ang kasama niyang robot na mala-de lata ang hitsura. Dahil sa isang aksidente, sila’y napunta sa nakaraan sa pamamagitan ng kanilang “Flying House” (eyng?) at napadpad sila sa panahon ni Jesus.
Nakakatuwa ang mga kuwento sa Flying House dahil dinadagdagan nila ng kakaibang kulay ang mga istorya sa Bibliya. Nakaka-aliw isipin na ang mga batang bidang sina Justine, Angie at Corkey ay naging mabuting kaibigan nina HesuKristo at ang kanyang mga apostoles. Dahil sa Flying House ay nakita ng mga bata ang buhay ng ating Panginoon: mula sa pagkapanganak niya, hanggang sa tumanda’t ipinako sa krus hanggang sa siya’y umakyat sa kalangitan. Kakaibang experience ito na kahit sino mang may pagmamahal sa Diyos eh nais ding maranasan.
Ang Flying House ay “sister show” ng isa pang time-traveling group na pinamagatang “Superbook”. Itong isa naman eh tungkol sa Old Testament. Ewan ko ba kung bakit pero mas trip ko talaga ang Flying House kaysa Superbook. Siguro kasi mas suwabe na ang drawings sa FH at mas nakakatuwa lang talaga ang kuwento ni Jesus kung ihahambing sa buhay nina Moises at Solomon.
Ngayong panahong ito eh mabibili na ang buong serye ng Flying House sa inyong suking record bars. Kung fan ka naman ng Quiapo eh meron na din itong isang buong DVD kung saan naroon na ang mga hinahanap-hanap mong episodes. Kung ako ang tatanungin, “must have” ang Flying House sa inyong mga tahanan, lalo na’t sikat na sikat ang mga violent cartoons. Mas nakakagaang ng loob na alam mong ang pinapanood ng mga tsikiting eh tungkol sa kagandahang asal at hindi tungkol sa mga duelo na nare-resolba sa pamamagitan ng may salamangkang mga baraha.
Panonoorin ko pa lang muli ang Flying House pag medyo gumaang na ang schedule ko. Nasa nostalgia trip kasi ako at gusto ko lang panoorin ang mga cartoons na kinalakihan ko. Sana lang talaga eh matuklasan ko din sa panonood ko kung nagkatuluyan ba sina Justin at Angie at kung sila ba’y naging pari at madre. Ewan… masasagot lang ito pag napanood ko na ang collection ko!
Deyey’s Approval: 89%
