Shakey’s Carbonara Supreme

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Shakey’s Carbonara Supreme

Image Hosted by ImageShack.us

Marami na ang may alam na mahilig ako sa pasta at noodles. At alam din ng marami na paborito ko ang Kaniloni na gawa ng Honey ko. Sunod dito, hilig ko naman ang lutong Carbonara o madalas na tinatawag ng ibang Pilipino na “Spaghetti White Sauce”. Siguro dahil din sa kasawaan sa spaghetti eh nahilig ako sa Carbonara. Hindi naman kasi nagluluto ng ganito si Ermats kaya’t hindi ko ito gaano natitikman at kinakailangan pang dumayo ako sa mga restaurant para lang makakain nito.

Laking gulat ko minsan nang mapadayo kami ng Mahal ko sa Shakey’s at matuklasan namin na nag-aalok na rin pala ng Carbonara ang sikat na restaurant. Siyempre, dahil nga adik ako sa pasta eh ito ang binili ko. Ang laking gulat ko din na sa unang tikim pa lang eh natuwa na ako sa lasa. Tila ba lagi nang niluluto ito ng Shakey’s gayung bagong item pa lang ito sa kanilang menu.

Kung ihahambing sa iba pang masasarap na Carbonara recipes, pwede nang itapat ang Shakey’s Carbonara Supreme dahil panalo na agad ang lasa nito. Kapag hinahain nila ito parang kulang ang sauce pero pag hinalo mo na ito sa noodles eh mapapansin mong eksakto lang pala siya. Tamang-tama lang ang lapot ng sauce at hindi naman din ito mapakla. Tapos, astig din ang lasa nung sauce dahil tamang-tama lang ang alat nito. Pati yung mushrooms na inihahalo sa pagkaing ito eh maganda ang pagkakaluto.

Kapag bumili ka ng Carbonara Supreme, sasamahan ito ng Shakey’s ng ilang pirasong garlic bread. Madalas eh dalawang piraso ito. Ang ginagawa ko eh papapakin ko muna yung isang bahagi tapos kakainin ko na yung Carbonara hanggang sa maubos ang noodles. Siguradong may matitirang sauce pa sa plato ko kaya’t ipapahid ko ang natitirang tinapay dito. Mag-mimistulang palaman ang sauce kaya’t mas lalong masarap ang garlic bread.

Masaya ako dahil madalas akong kumain sa Shakey’s. Napapadpad ako dito kapag kasama ko ang pamilya ko. Maski pa pag kami lang ng Mahal ko eh dito din kami pumupunta, lalo na pag may mga special events kami. Siguradong yayaman sa akin ang Shakey’s dahil sa natitiyak na paulit-ulit kong pag-order ng Carbonara.

Kung ganito kasarap ang Carbonara nla, dapat siguro eh palitan na nila ang pangalan nila mula sa Shakey’s Pizza Parlor at gawing Shakey’s Carbonara Castle!

Deyey’s Approval: 92%

Category: Uncategorized
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.