Kategorya: Pangyayari
Klase: Sakit
Pangalan: Singaw

Bad trip talagang magkaroon ng singaw. Yung tipong kahit anong tatama dito eh sobrang hapdi ng pakiramdam. Malas mo pa kung ang ulam eh yung paborito mo tapos hindi mo naman ito ma-enjoy nang wasto. Wala kang magawa kundi sisihin ang singaw at sabihing “wrong timing ka naman eh!”
Mas nakaka-bad trip pag ang kinakain mo eh may halong kalamansi o asin. Siguradong pag dumampi ito sa singaw eh ang pakiramdam ay para kang tinuli (o kung sa babae naman eh parang pinisil ka nang mahigpit sa utong). Sobrang sakit. Kaya naman ang ginagawa ng mga tao eh tatakpan ang singaw ng dila o di kaya’y iniiwas ang pagkain at ingunguya doon sa kabilang bahagi na walang singaw.
May mga tao namang masochista at nagugustuhan ang hapding nararanasan nila mula sa singaw. Ang gagawin pa nila eh kukuha pa sila ng asin tapos lalo pa nila itong ididikit doon. Ang paliwanag nila eh mas mabilis daw gagaling kapag mahapdi. Kalokohan ito. Bakit… pag nabaril ka ba eh bibilis hihilom ang sugat pag lagi mo itong pinapatakan ng dayap?
Paminsan-minsan eh mamalasin ka at magkakaroon ka ng dalawang singaw… sabay! Tapos kung talagang galit sa iyo ang tadhana eh ilalagay pa ito sa magkabilang bahagi ng bibig. Talagang hindi ka makaka-nguya. Hindi ka makakasubo. Wala ka na lang ibang magawa kundi mag-relax at magdasal na walang tatama sa singaw.
Ayon sa mga matatanda, ang panlaban sa singaw ay tawas. Opo, yung kulay puti at mapaklang pulbo ang ilalagay mo sa singaw para bumilis ang paggaling. Astig sana… kaya lang pag sabay mong nilalagay ang tawas sa singaw pati sa kilikili mong basa, medyo nakaka-diri ito lalo na pag ang gawain mo eh ilalagay mo muna ang tawas sa kilikili bago sa singaw… yummy.
Hindi matinding sakit na nakamamatay ang singaw pero sana eh maiwasan natin ito. Mahirap magkaroon ng sakit na ito, lalo na pag Pasko. Ito yung panahong alam natin na masasarap ang inihahanda. Tapos, wala kang gana dahil may singaw ka. Bad trip. Bad trip lang talaga.
Deyey’s Approval: 22%
