Archive for » 2007 «

Spam

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Spam

Image Hosted by ImageShack.us

Spam. Para sa mga techies, ang salitang ito ay katumbas ng mga “unsolicited emails” na natatanggap nila sa kani-kanilang mga inbox. Para naman sa mga hindi madalas humawak ng computers tulad ng sarili kong ina, ang Spam ay isang uri ng de lata na imported na may lamang giniling na karne. Kapag wala nang ulam eh ito ang binubuksan para may makain naman ang pamilya.

Ang Spam ay mabibili kahit saan pero hindi ko alam kung bakit para kina Ermats at Erpats eh mas masarap ito kapag sa Duty Free nakuha. Siguro ang tantsa nila eh “imported” din ang karneng gamit di tulad ng mga Spam na mabibili sa mga local groceries na akala nila eh karneng Cavite lang ang laman. Pare-pareho lang namang baka ang laman nito… minsan may halong karne ng daga pero ang mahalaga eh karne pa rin.

Maraming flavors ang Spam. May beef, may beef with onion, may spicy beef… ah basta beef! Tuwing kakain kami nito, tinitiyak ko muna na hindi maanghang ang tinitira ko dahil mahina tayo sa ganitong uri ng pagkain (kahit na Bikolano ako). Mas trip ko kasi yung original flavor ng Spam… tapos ipi-prito mo lang at solb ka na.

Ang medyo mahirap lang gawin sa Spam (at sa iba pang imported na produkto) ay ang paglabas nito sa kanyang lata nang hindi nasisira ang original na hugis. Madalas kasing hapit na hapit ito sa kanyang lalagyan kaya’t ang hirap na niyang ilabas at ilagay sa platito. Minsan ay kinakailangan mo pang buksan ang ilalim ng lata para lang maitulak palabas ang karne. Bad trip ito kasi may mga pagkakataon na masusugatan ka sa mismong latang binuksan mo. Busog ka nga sa karne, tetano ka naman pagkatapos.

Alam kong marami pang Pinoy ang nahihilig sa Spam. Sa dami ba naman ng ating OFWs na ipinapasyal ang kanilang pamilya sa Duty Free eh makatitiyak kang may bibili ng Spam. Agad mo na rin kasing maiisip na Spam = imported. Marahil ito rin ang dahilan ng mga Kano… para i-SPAM tayo, hindi lang sa emails kundi pati rin sa karne!

Deyey’s Approval: 84%

Walter Dinner Rolls

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Walter Dinner Rolls

Image Hosted by ImageShack.us

Ang tinapay ay madalas na kinakain ng mga Pilipino kapag almusal o meryenda. Di tulad ng mga Kano na kahit tanghalian eh bumabanat nito, nakasanayan na natin na mag-tinapay bilang “snacks”. Minsan naman, ito lang ang kinakain natin kapag tayo’y nagpapa-payat (imbes na kanin at ulam).

Dahil dito, naglabasan ang samu’t-saring brands ng tinapay na may kanya-kanyang kakaibang lasa. May mga tinapay na kailangang lagyan ng palaman tulad ng mga loaf breads at pandesal. May mga tinapay din naman na OK lang kahit na wala nang palaman. At isa sa mga tinapay na OK nang tsibugin kahit na wala na itong palaman ay ang Walter Dinner Rolls.

Huwag kang magpapalinlang sa pangalan… hindi lang panghapunan ang pagkaing ito. Kakaiba kasi ang lasa niya kaya’t masarap siyang papakin kahit na wala namang dahilan. Manamis-namis kasi ang lasa ng Marby Dinner Rolls kaya’t kahit hindi na lagyan ng palaman eh sulit na. Tapos, pag bagong bukas mo pa lang ang plastic nito, sobrang lambot nung tinapay kaya naman ang dali lang niyang nguyain at lunukin.

Kamakailan, nung natulog sa bahay namin ang mga dati kong kaklase noong kolehiyo, eh inalok ko sa almusal ang Walter Dinner Rolls. Hindi pala sila pamilyar dito pero nang matikman na nila eh hindi na nila ito tinigilan nang pag-papak. Malas nga dahil sa totoo lang eh meryenda dapat namin yun (nagkataon lang din kasing nakalagay na siya sa hapag-kainan kaya’t inalok ko na rin ito). Ilang sandali pa at naubos na ito. Plastic na lang ang naiwan… alaala ng dating pagkain na binabalutan nito.

Tuwing namimili ang aming pamilya sa grocery ay hinding-hindi ko kinakaligtaang bumili ng Walter Dinner Rolls. Sobrang OK kasi siya. Pwede nang pang-meryenda. Ayos din sa almusal. At pag hindi masarap ang ulam eh puwede niyo na rin siyang pang-tanghalian at hapunan. Tiyak na matutuwa kayo sa lasa niyang kakaiba ang tamis. Malamang eh hanap-hanapin niyo pa ito kapag ubos na!

Deyey’s Approval: 91%

Pusoy Dos

Kategorya: Pangyayari
Klase: Laro
Pangalan: Pusoy Dos

Image Hosted by ImageShack.us

Ang Pinoy ay likas na mahilig sa mga palaro. Maging pisikal man ito (tulad ng basketball at patintero) o utakan (tulad ng chess at dama), hindi tayo nagpapahuli at lagi tayong nabibilang sa mga pinakamahusay na manlalaro sa larangang ating nasasalihan. At pagdating naman sa mga larong baraha eh hindi pa rin nagpapahuli ang Pilipinas. Kung uso sa Tate ang Texas Hold ‘Em Poker, katumbas naman ng kasikatan nito dito sa ating bansa ay Pusoy Dos at Tong Its.

Madali lang laruin ang Pusoy Dos, lalo na kung sanay ka sa rules ng Poker. Simple lang naman ang layunin ng laro: unahan kayong maubusan ng baraha. Puwede kang mag-pass kung wala kang tira o kung nagpa-plano ka ng matinding atake sa bandang huli. Puwede ring tira ka lang nang tira kahit na alam mong ikapapahamak mo ito. Magandang laro ang Pusoy Dos. Astig pang-parties, pang-reunion, o kaya’y pang-lamay.

Dati ay sobrang adik ng pamilya namin sa Pusoy Dos. Tinuruan ako ni Ermats ng larong ito nung 1st Year High School ako at magmula noon eh naging paborito ko na ito. Dumating din ang panahon nang matutunan din ito ni Utol at nabuo na ang aming pamilya na batikan sa Pusoy Dos. Hindi rin naglaon nang kami-kami na mismo ang magkakalaban at todohan nang pustahan.

Uso ang side bets sa Pusoy Dos. Madalas ay may premyo ang makakakuha ng “Red Pair” at “Black Pair” sa hawak na baraha. Sa mga hindi nakakaalam nito, ang “pair” na iyon ay nagaganap kung pareho mong hawak ang itim o pulang baraha na magkapareho ng numero (kunwari, ostong flower at otsong spades). Nakakatuwa tuwing magbababa na sila ng mataas na pair tapos may tatalo pa sa kanilang mas mataas. Astig… bulilyaso agad. Pera na naging bato pa.

Ang mahirap lang sa Pusoy Dos (at kahit ano mang larong baraha) ay kapag na-adik ka na nang sobra at kulang na lang eh i-pusta mo na ang kaluluwa mo. Oo, masayang laro ang Pusoy Dos pero dapat alam pa rin ng manlalaro ang limitasyon na ang baraha eh “laro” lang at hindi dapat pang-hanapbuhay. Sa sobrang thrilling kasi ng Pusoy Dos eh nalilimutan na ito minsan ng iba nating kababayan.

Kung magkakaroon pa muli ng Philippine Pusoy Dos Open at mayroon akong limpak-limpak na salapi eh sasali kami ni Utol. Siguradong mapapalaban sa amin ang kahit sino mang gustong sumagupa sa aming galing. Maaaring manalo o matalo kami pero para sa amin, ang habol lang namin eh makakuha ng konting aliw sa pagbabaraha. Masayang bonding event ang Pusoy Dos, basta’t huwag lang magka-pikunan…

…na madalas nangyayari kung nagbaba ka ng “Full De Alas, kicker King” tapos tatalunin ka bigla ng “Cuadro Cuatro, kicker Cinco”. Frustrating!

Deyey’s Approval: 91%

Make Use Of

Kategorya: Website
Klase: Blog
Pangalan: Make Use Of (http://www.makeuseof.com)

Image Hosted by ImageShack.us

Marami sa atin ang adik sa Internet. Madalas nating gamit ito sa pag-check ng email at Friendster, pag-download ng mp3s at movies sa torrent sites, at panonood ng videos sa YouTube at kung saan-saang bold sites. Pero tinitiyak kong dumating kayo sa puntong nagkaroon kayo ng “Internet drain” kung saan naubusan na kayo ng website na trip puntahan. Tila ba lahat ng masasaya at informative websites eh napuntahan mo na.

Dito pumapasok ang husay ng “Make Use Of”, isang blog na nag-iipon ng mga malulupit at kawili-wiling mga websites na tiyak na may silbi. Hindi lang puro joke sites o social networking ang iniipon nito kundi lahat talaga ng aspetong maaaring ikatuwa ng kahit sino mang mapapadalaw sa page na iyon. Mula sa mga trivia sites, tips and tricks para sa PC pati mga webpages na daig pa ang encyclopedia sa dami ng facts, makaka-asa kang may makikita ka sa Make Use Of.

Karamihan ng links ko sa aking bookmarks eh nagmumula sa Make Use Of. Dito ako nakakakuha ng sites kung saan mapapahusay ko pa ang pag-iipon ko ng pera. Meron din akong natutuklasan na mga bagong programs na magpapaganda sa offline life ko. Meron din siyang mga tips and tricks na magagamit mo sa mga pangkaraniwang PC programs tulad ng MS Word at Photoshop. Astig talaga kung sa astig.

Kamakailan lamang ay naging daily na ang updating sa Make Use Of. Dati kasi nung bago pa lang siya (halos ilang buwan pa lang ang lumilipas nang itatag ito) eh kada linggo lang siya naglalagay ng updates. Marahil napansin ng may-ari na mataas ang daily unique visits niya kaya’t napagtanto niyang gawing araw-araw na ang pagdagdag ng mga websites. Ayos ito dahil lalo siyang nakikilala sa WWW.

Nawa’y madalaw niyo rin ang site na iyon dahil makasisiguro kang may mapupulot kang link na makakatulong sa iyo, maging entertaining man ito o informative. Ang mahalaga eh hindi ka na makakaranas pa ng “Internet drain”. Hayaan na lang natin na yung may-ari ng Make Use Of ang mapagod sa paghahanap ng sites na puwede nating bisistahin.

…habang tayo naman eh aasa na magaganda ang pipiliin niyang sites para i-feature!

Deyey’s Approval: 88%

12 Girls Band

Kategorya: Tao
Klase: Banda
Pangalan: 12 Girls Band

Image Hosted by ImageShack.us

Ako ay mahilig sa mga awiting / tugtuging kakaiba. Masaya naman akong nakikinig sa mga “pop” songs pero mas iba ang dating sa akin pag medyo weird ang pasok sa tenga ko. Nagagandahan ako sa mga bandang kakaiba ang banat tulad ng Pinikpikan, Makiling Ensemble at Giniling Festival. At kamakailan lang ay natuklasan ko ang tunog ng isang international na banda mula sa Tsina. Sila ay kilala sa tawag na 12 Girls Band at ang banat nila ay instrumental.

Gamit ang mga ethnic na instrumentong pang-musika ng Tsina, ang 12 Girls Band ay tumutugtog ng halong classical at modern. Masarap pakinggan ang mga himig nila lalo na pag todo-todo na nilang pinagsasabay ang mga kagamitan nila. Para bang nakikinig ka sa instrumental music ng The Corrs kaya lang eh mas makaluma ang gamit. At dahil dito sa tema nila, dahan-dahan silang nakikilala sa buong mundo.

Kamakailan lamang ay dumating sila sa Pilipinas at tumugtog para sa kanilang mga local fans. Sa kasamaang palad, hindi ko pa sila kilala noon kaya’t hindi ako nakabili ng tickets para sa kanilang pagtatanghal. Nabalitaan lang ako ng dati kong kasamahan sa trabaho (na adik din sa kanila… at hindi rin nakanood) tungkol sa kanilang sandaling pagdalaw sa ating bansa. Ngayong iniisip ko, nang-hihinayang ako’t hindi ko pa sila narinig tumugtog nung bago pa sila pumunta dito.

Una kong narinig ang 12 Girls Band sa isang televised concert na ipinakita sa isang local TV station. Wala akong magawa nung panahong iyon kaya’t tinutukan kong maigi ang kanilang pagtatanghal. Habang tumatagal eh natuwa ako’t nahumaling sa kanilang musika. At nang banggitin ang pangalan ng kanilang banda, napagtanto kong hanapin ang musika nila.

Pinagpala naman ako dahil may nakita akong compilation ng mga tugtog nila sa isang CD. Agad ko itong binili at isinalang sa aking computer sa opisina. Masaya akong nakikinig nang humirit din ang mahal ko at nag-wikang trip niya rin daw ang naririnig niya. Astig! Walang marketing pero sumisikat ang 12 Girls Band dahil sa tema nila.

Malaki ang potensyal na sumikat ng 12 Girls Band sa buong mundo. Hindi sila nakikipag-tagisan ng galing sa iba pang banda pero dahan-dahan silang nagkakaroon ng steady fan base. Alam ko ding marami pa ang may gusto sa bandang ito (tiyak ko din na maraming Pinoy ang nakarinig na sa tugtog nila). Sana lang eh bumalik sila dito sa ating bansa para sa isa pang concert. Siguradong panonoorin ko sila… siyempre, fan na rin ako pagdating ng panahong iyon!

Deyey’s Approval: 90%

Evan Almighty

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Evan Almighty

Image Hosted by ImageShack.us

Gaano kalakas ang tiwala mo sa ating Panginoon? Kung bigla siyang magpakita sa iyo at may i-utos, susunod ka ba? Paano kung kakaiba at weirdo ang ibilin niya sa iyo… tulad ng paggawa ng Ark… susunod ka pa rin ba? Alam mong iku-kutya ka ng mga tao at kulang na lang eh ilagay ka sa mental hospital. Handa ka bang tanggapin ang lahat ng ito para kay Lord?

Ito ang pangunahing tema sa palabas na “Evan Almighty” na pinagbibidahan ni Steve Carell, ang nakatutuwang bida sa pelikulang “The 40-Year-Old Virgin”. Dito sa bagong palabas na ito, si Steve Carell ay inatasan ng Panginoon para gumawa ng Ark. Medyo nabuang siya dahil nasa makabagong panahon na at tila hindi na magkakaroon ng matinding baha. Pero si God ang nagsabi… kaya hindi na niya ngayon alam ang gagawin niya kung itutuloy ba niya o hindi.

Ayon sa IMDB, ang Evan Almighty ay dapat gaganapan ni Jim Carrey at Jennifer Aniston, ang mga pangunahng tauhan sa “Bruce Almighty” kung saan kinuha ang kuwento ng “God goes to Earth” plot. Kaya lang, parehong tumanggi ang dalawa kaya’t napilitan ang mga scriptwriter na kunin si Evan Baxter, ang anchorman dun sa naunang “Almighty” film. Si Morgan Freeman pa rin naman ang tumayo bilang “God” kaya sumunod pa rin naman sila sa plotline ng unang pelikula.

Maganda ang pagkakagawa ng Evan Almighty, lalo na sa mga CGI effects tsaka sa computer rendition ng mga hayop. Hindi halatang CGI lang kahit na close up shots na ang ginagawa. Nakaka-aliw tingnan kapag marami na silang kahayupan at gumagawa na ng kung anu-anong bagay. Nakakatuwa din tuwing nakikita mong tumutulong na ang mga hayop sa paggawa ng Ark.

Hindi gaanong nakakatawa ang Evan Almighty, di tulad ng Bruce Almighty (marahil mas magaling lang na komediyante si Jim kaysa kay Steve). Gayunpaman, magandang pelikulang pamilya ang Evan… angkop na angkop para sa mga bata at matatanda. Napakaganda ng aral na makukuha mo sa pelikulang ito na malalaman niyo sa eksenang magkausap na si God at ang asawa ni Evan. Huwag na huwag niyo itong palalampasin (kahit na di mo na panoorin yung ibang eksena).

Nawa’y sa totoong buhay eh huwag na nating hintayin pang lumabas ang Panginoon para sumunod lang tayo sa mga kautusan Niya. Marami Siyang bilin, ang problema lang eh hindi natin pinakikinggan. Tiyak naman na pag sumunod tayo sa mga utos Niya, kahit na medyo weirdo pa ito para sa atin, magiging “Almighty” din tayo.

OK din naman pakinggan ang “Deyey Almighty” di ba?

Deyey’s Approval: 80%

Marikina

Kategorya: Lugar
Klase: Lungsod
Pangalan: Marikina

Image Hosted by ImageShack.us

Sapatos ang una mong maiisip kapag nabanggit ang salitang “Marikina”. Tanyag bilang “Shoe Capital of the Philippines”, ang Marikina raw ang gumagawa ng pinakamatibay na sapatos dito sa Pilipinas. Maaaring tunay ang pahayag na ito dahil marami talaga ang tumatangkilik sa  mga sapatos na gawang Marikina. Kumbaga, wala pa akong naririnig na nagsisisi na pangit ang sapatos nila dahil sa Marikina lang ito ginawa.

Pero marami pang bagay ang puwedeng ipagmalaki ng Marikina bukod sa sapatos. Ngayong araw na ito ay nakadalaw ako sa City Hall nila at talaga namang namangha ako sa ganda nito. Bukod pa riyan, ang Marikina City Hall ang nauna na maglagay ng libreng WiFi access sa loob ng gusali. Astig talaga. Parang ang sarap tuloy tumira sa Marikina.

Lingid sa kaalaman ng iba, ang Marikina ay dating pinagsilbihan ng ating MMDA Chairman na si Mr. Bayani Fernando. Hindi na tuloy ako nagtaka nang mapansin kong istrikto sa traffic rules ang mga pulis dito. Grabe, pero sulit naman. Sobrang disiplinado ng lugar at hindi nakakatakot tumawid o tumambay sa daan.

Mapapansin mo din na sa Marikina eh punung-puno ng traffic stops. Makikita ang mga ito sa mga kanto ng bawat kalyeng naroon. Meron din silang mga kalyeng isinasara at ginagawang “one-way”, parang Makati. At ang malupit pa sa lahat eh istrikto sila sa pagparada ng mga sasakyan. Dapat ay laging nasa bandang kaliwa lamang ang parada. Pag nasa kanan ka, asahan mo nang yari ka sa mga Fernando!

Sa taong ito, ang maybahay ni Bayani Fernando ang tumatayong Mayor ng Marikina. Ewan ko kung ano ang mga bago niyang nagawa pero nakasisiguro akong suportado siya ni Bayani. Kung baga, papayag ang Marikina mayor na gawing pang-training sa mga bagong batas pang-kalye ang mga daanan sa Marikina. Napagtanto ko din na puwede nga gawing “guinea pig” ang Marikina para sa mga bagong batas pang-trapiko dahil maraming daan dito ang makitid at nangangailangan ng tamang pagsubaybay. At ang kinalabasan nga eh maayos na daloy ng trapiko.

Napakagandang lugar ng Marikina. Baha na lang talaga ang problema. Gayunpaman, magagawan din ito ng paraan. At tinitiyak ko na magiging tanyag ang Marikina… hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Deyey’s Approval: 92%

National Geographic Channel

Kategorya: Serbisyo
Klase: Istasyon
Pangalan: National Geographic Channel

Image Hosted by ImageShack.us

Hayop. Samu’t-saring hayop na kung anu-ano ang ginagawa. Meron ding mga kuwentong tungkol sa mga halaman. Meron ding tungkol sa mga gusali. Basta konektado sa mundo natin, tiyak na may maibabalita sa iyo ang National Geographic Channel (NGC), isa sa pinaka-kilalang cable channel sa Pilipinas… marahil pati na rin sa buong mundo.

Hindi ako madalas manood sa NGC pero kung nagkakataon na napapalipat ako dito at kaaya-aya ang istoryang tinatalakay nila, asahan mo nang hindi ko ililpat ang channel at tututukan ko nang mabuti ang bawat impormasyong binibitawan nila. Nakakawili kasing makinig at manood sa mga kuwento nila. Talagang mapapa-upo ka’t mapapatitig na lang sa TV. Kahit na ano pa man ang hilig mo, siguradong may magugustuhan kang topic sa NGC.

Isa sa sinubaybayan ko noon sa NGC ay ang kuwento nila sa “Gospel of Judas”. Ako kasi ay mahilig sa mga kuwento ng misteryo, lalo na kung ito ay mai-aakibat sa Bibliya at iba pang relihiyon. Nang malaman ko pa lamang ang pamagat, agad ko nang inalam kung kailan ipalalabas ang kuwento. Tinutukan ko talagang maigi at hindi naman ako nagsisi sa napanood ko.

Ang NGC kasi eh no-nonsense ang diskarte sa pagbibigay ng mga kuwento. Hitik na hitik sa kaalaman ang bawat istorya. Kumbaga, kung hindi mo man maumpisahan ang palabas, siguradong may mapupulot ka pa ring aral sa bandang kalagitnaan. Wala kang talo kahit na 24 / 7 ka pang magpalabas ng NGC sa TV mo.

Marahil ang pinakasikat na kuwento nila ay nauukol sa mga hayop. Tuwing ililipat ko kasi sa NGC ang TV namin, madalas eh tungkol sa isang uri ng hayop ang ikinukuwento nila. Astig din kung minsan dahil may mga bagong kaalaman akong natututunan tungkol sa mga aso, pusa, daga, isda, oso at kung anu-ano pa. Minsan naman eh nakakadiri kapag ang sinasabi nila ay tungkol na sa mga gagamba, uod, ipis at bulate.

Gayunpaman, hinding-hindi mawawalan ng audience ang NGC dahil sapul nila ang lahat ng antas ng target audience. Mapa-matanda man o bata, tiyak na may isang kuwento silang kagigiliwan ng kahit sino pa man. Mahusay na konsepto talaga, lalo na’t ipinapakita nito sa iba’t-ibang tao ang ganda at hiwaga ng mundong ating ginagalawan.

Deyey’s Approval: 90%

Yahoo! Messenger

Kategorya: Software
Klase: Pang-talastasan
Pangalan: Yahoo! Messenger

Image Hosted by ImageShack.us

Sa mundong ginagalawan natin ngayon, malaki na ang pagpapahalaga sa communication. Tila hindi na kuntento ang mga tao na mabagal ang palitan ng mga ideya. Kung dati eh nagtiya-tiyaga tayo sa bilis ng mga telegrama , ngayon eh hindi na uubra ang mga ito. Naiinis pa nga tayo tuwing may “lag” sa pagpapadala natin ng text message sa mga cellphones (na madalas eh forwarded jokes lang naman ang laman). At kung naka-konekta ka naman sa computer, dapat eh matulin ang Internet service mo para maayos ang pakikipag-usap mo sa ibang tao.

Isa sa pinakasikat na “chat client” sa buong mundo ay ang Yahoo! Messenger (YM). Dahil tanyag ang grupo ng Yahoo!, karamihan ng mga kakilala ko eh may YM account. Ito ang dahilan kung bakit mabilis ang pakikipagtalastasan ng mga tao, maski nasaan man sila sa mundo. Wala nang excuses para hindi makasagot agad sa tinatanong sa iyo ng kaibigan / kamag-anak / boss mo. Kung may Internet connection ka, dapat ay may chat client ka at ang madalas na hihingiin sa iyo ay ang iyong “YM id”.

Sa Pilipinas pa lamang eh napakarami na ng gumagamit ng YM. Mapa-pansarili man o opisina, ang YM ang pangunahing chat client na matatagpuan sa mga computers. Kung sabagay, ang Yahoo! ID mo ang magagamit sa pag log-in sa YM. At dahil sa Yahoo! ID eh may email ka na at kung anu-ano pang features. Astig kung sa astig.

Bukod sa 1-on-1 chat, nagagawa din ng YM ang conference chat kung saan maraming YM users ang nasa loob ng isang virtual conference room. Ito rin ang sistemang gumagana sa isa pang tanyag na gamit para sa YM – ang chatting. Dati eh maaari ka pang gumawa ng sarili mong room at papasukin ito ng mga tao mula sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Ngayon eh moderated na ng Yahoo! ang chatroom at tanging mga YM!-themed rooms lamang ang puwedeng ikutan.

Nagagawa din ng YM na makapag-video chat kayo ng kausap mo. Bale sa pamamagitan ng webcam ay maaari mo nang makita ang kausap mo. Ito ang nag-udyok para dumami ang mga kalalakihang pumapasok sa chatroom. Lahat ay umaasang may mapanood na “show” kung saan isang chatter na babae na may webcam ang pipilitin nila para mag-hubad. Napakahusay na YM feature talaga.

Marahil ay gumagamit ka na rin ng Yahoo! Messenger. Kung hindi man, tiyak na may kakilala kang may YM id. Ganito ka-tanyag ang YM. Ito ang number one choice ng lahat ng chatters sa mundo. At kung wala kang YM id, maaaring anti-Yahoo ka o di kaya’y nakatira sa bundok at hindi alam ang ibig sabihin ng Internet.

Deyey’s Approval: 88%

Wow! Magic Sing

Kategorya: Bagay
Klase: Pang-aliw
Pangalan: Wow! Magic Sing

Image Hosted by ImageShack.us

Isa sa paboritong gawain ng mga Pinoy ang pagkanta. Kahit saang lugar ka pa mapadpad sa ating bansa, tiyak na may makikita kang videoke bar at sing-along restaurants. Kung nasa isang bahay ka naman, siguradong may makikita kang mga VCD na pang-karaoke. Ganito ka-adik ang mga Pilipino sa pag-awit. At ito marahil ang nag-udyok sa In-A-Jiffy Ent. para gawin ang Wow! Magic Sing.

Ang Wow! Magic Sing ay isang kakaibang mikropono na ikinakabit sa TV para maging isang portable videoke machine. May mga laman na itong awitin pero maaari pa itong dagdagan sa pamamagitan ng pagbili ng mga song chips sa mga malls. Sa mga tunay na adik sa kantahan, ang Wow! Magic Sing ang dapat na laging nasa sala niyo.

Nakaka-ilang salu-salo na rin ako na pinagbibidahan ng Wow! Magic Sing. Tila pag may mga okasyon, ang madalas na nakakabit sa TV eh ang mikroponong ito. Tapos, kanya-kanya na lang pulot at pili sa awiting nais kantahin.

Kahit na maganda ang Wow! Magic Sing, hindi natin makakaila na medyo may kamahalan ang kagamitang ito. Ang mikropono lamang ay higit sampung libo na at ang mga bagong song chips ay nagkakahalagang limang libong piso. Medyo hindi pang-masa ang dating. Kaya naman mas pinipili ng iba nating kababayan ang mga mumurahin (at madalas na pirata) na VCDs.

Ang ikinaganda lang ng Wow! Magic Sing eh may iskor kang matatanggap tuwing makakatapos ka ng awitin (di tulad sa mga VCDs). Nakakataba ng puso pag lampas 90 ang puntos mo at nakakahiya naman kapag mas mababa pa sa 75 ang banat mo. Pero katuwaan lang naman ang mga ito kaya ang dulot pa rin nito ay saya sa bawat gumagamit.

Medyo luma na nga ang Wow! Magic Sing namin sa bahay at puno na ang slots ng chips. Malas dahil naglalabasan na ang mga bagong chips na may mga bagong awitin (tulad ng mga kanta ni Sitti). Dahil kakaunti lang ang slots, di na namin ito malagyan pa nang hindi tinatanggal ang luma (kung saan andun naman ang mga all-time favorites tulad ng “Impossible Dream”). Ayos lang din naman, ang mahalaga eh nagkakantahan at masasaya ang mga tao.

Kung gusto niyo ng de-kalidad na videoke machine, bumili na lamang ng Wow! Magic Sing kaysa mga pipitsuging VCDs na hindi mo matantsa kung paano gumagawa ng iskor. Maaaring mahal nga itong mikropono pero sulit naman kayo sa tuwa’t sayang dulot nito.

At maka-sisiguro kang hindi ka masasaksak ng talim kapag kinanta mo nang paulit-ulit ang “My Way”!

Deyey’s Approval: 89%