Archive for » 2008 «

Filipino Poker Tour Media and Bloggers Night

Kategorya: Pangyayari
Klase: Palaro
Pangalan: Filipino Poker Tour Media and Bloggers Night

Image Hosted by ImageShack.us

Matagal nang sikat ang laro na Poker sa buong mundo. Sa sobrang kasikatan nga nito eh naipapalabas pa ang mga laban nito sa TV. Kaya naman nakakatitiyak ang marami na naging tanyag din ang larong ito sa Pilipinas, kung saan ang namamayagpag na larong baraha ay Pusoy Dos at Tong Its (pwede ring Unggoy-Unggoyan sa mga bata).

Ngayong gabing ito ay ginanap ang isang Filipino Poker Tour Media and Bloggers Night. Dahil naimbitahan kami ng Honey ko ng kagila-gilalas na si Peter Juan, kami ay hindi tumanggi na sumali sa salo-salo. Siyempre, paminsan-minsan ka lang makakalaro ng Poker na talaga namang competitive di ba?

Ang Honey ko eh hindi naman talaga marunong mag-Poker pero ayon sa nag-organize ng event eh tuturuan ang mga hindi marurunong. Ika nga nila ay may “Free Poker Clinic” sa gabing ito. Ayun, eh di sumali kami ng Honey ko. Lingid sa kaalaman namin, ang limang mahuhuling manlalaro ay magkakaroon ng isang libreng slot sa darating na Filipino Poker Tournament! Agad naman akong na-excite sa balitang ito.

Medyo marunong akong maglaro ng Poker dahil sa kakanood ng mga laro nito sa TV. At dahil marunong din ako mag-Pusoy Dos, naging madali lang sa akin na matutunan ang mga Poker hands. Ayun, nakasabak ko tuloy sa mesa ang ilan sa mga tanyag na manunulat sa dyaryo pati sa Internet. At, sa halong suwerte na rin, isa ako sa mga matitibay na manlalaro sa mesa namin.

Hanggang sa dumating na nga sa sampu na lang ang manlalaro. Andun pa rin ako sa gitna ng aksyon. Nakalaban ko na bago pa nun sina Linus at Cai pati na rin si Peter Juan. At sa huling mesa, si Peter Juan na lang ang nakasama kong kilala ko. At nagulat din ako dahil nakalaban ko sa mesa si Gab Chee Kee ng Parokya ni Edgar. Talaga namang natuwa ako dahil nakakausap ko ang isang miyembro ng paborito kong banda. Nakamayan ko pa at nakalaban ng one-on-one sa Poker.

Lima lang daw ang libreng slots para sa darating na Poker Tournament (na, kapag nanalo ka eh magkakamit ka ng P2 Million Pesos lang naman). Buti na lang at umabot ako! Ako ang ika-lima sa naalis. Nakakuha pa ako ng P5,000 dahil sa aking 5th Place finish! Ayos na ayos talaga!

Inaabangan ko na ngayon ang paglalaro ko para sa P2M sa darating na Sabado. Nawa ay maganda ang maging baraha ko at kahit papaano eh suwertehin na rin. Aba, sayang naman ang pagkapanalo ko ngayon di ba? Gusto ko rin namang manalo pa ulit. Buti na lang at may mga ganitong pangyayari na tulad ng Filipino Poker Tour Media and Bloggers Night. Ang mga tao ay nabibigyan ng pagkakataon na makipag-tagisan ng galing sa baraha… pagalingan na lang din ng suwerte. Hehehe!

Deyey’s Approval: 90%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Timezone

Kategorya: Lugar
Klase: Laro
Pangalan: Timezone

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Ang mga arcade ang isa sa pinakasikat na lugar na pinupuntahan ng mga tao tuwing nagagawi sila sa mall. Mapa-bata man o matanda, may mga laro na babagay talaga. Lahat ng arcades ay may kanya-kanyang gimik at para sa Timezone, ang kanilang “Powercard” ang nagliliban sa kanila sa iba pang arcades sa Pilipinas.

Karamihan kasi ng mga arcades ay de-token. Bale bibili ka ng tig-limang piso (o sais) na token tapos yun ang gagamitin mo para makapaglaro. Sa Timezone, isa-swipe mo lang yung Powercard tapos makakasimula ka na. Ang maganda pa sa Timezone eh alagang-alaga ang mga games nila kaya naman sulit ang bawat swipe ng card.

Madalas, bago ko sunduin ang Honey ko sa opisina niya, ay dumadaan muna ako sa Timezone. Pampalipas oras ba. Tapos maglalaro lang ako ng Time Crisis (3 o 4). Dahil batak na ako sa larong ito, inaabot ako minsan ng 20-30 minuto. Pag nasa Timezone ka kasi, hindi mo mamamalayan ang time. Para ka kasing nasa zone.

Magaganda din ang mga pa-premyo sa mga games ng Timezone. Hindi ito yung tipong tsipipay lang na lapis at eraser. Sa ibang games, kung talagang mahusay ka, eh makakakuha ka ng Game Boy Advance. Ilang libo ba ang Game Boy Advance di ba? Tapos para sa kanila, pa-premyo lang yun… astig!

Lahat ng klase ng laro ay meron sa Timezone. Kung bata ka pa, may mga laro doon na may mga dinosaur at mala-anime ang hitsura. Meron ding mga arcade machines na pang-karera. May barilan din. Kung sports fan ka naman, may lugar doon kung saan ka puwede mag-shoot ng bola. Sa bawat iskor mo eh may katumbas na tiket na puwede mong ipapalit para magka-premyo.

Hindi ako nagsisisi kahit na saang Timezone man ako magpunta. Lahat kasi ng Timezone na napuntahan ko eh malinis at walang mabahong amoy. Dun kasi sa ibang arcades, parang amoy basahan dahil na rin siguro ibang klaseng crowd ang hinahatak nila. Sa Timezone kasi, karamihan ng pumupunta eh mga young adults pataas. Kakaunti lang ang sobrang bata. Pang-hardcore kasi ang mga laro sa Timezone.

Ang maganda pa sa Timezone eh lagi silang updated sa mga bagong laro. Kaya naman nang lumabas ang bagong Tekken eh agad na silang meron nito. Sana nga pag nagkaroon na ng Streetfighter 4 eh meron na rin sila. Nakaka-miss na din kasi si Ryu at Ken.

Kaya kung hahatakin niyo ako lumabas, asahan niyo nang sa may Timezone ko kayo aabangan. Dito nauubos ang oras ko. Dito nauubos ang stress ko. Dito rin nauubos ang pera ko!

Deyey’s Approval: 83%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Clear

Kategorya: Bagay
Klase: Shampoo
Pangalan: Clear

Image Hosted by ImageShack.us

Dati ay wala akong paki-alam sa brand ko ng shampoo. Para kasing lahat sila ay pare-pareho lang na nakakatanggal ng balakubak sa ulo. May kanya-kanya pa silang erehan na kesyo sila daw ay mas mahusay dun sa isa pagdating sa ilang aspeto. Dahil alam ko naman na pare-pareho silang may ibubuga, hindi ko na lang masyado inintindi kung anong klaseng shampoo ang mapasa-kamay ko.

Pero nung napakilala sa akin ng Honey ko ang Clear, nag-iba ang pananaw ko sa ibang mga shampoo. Para bang ang Clear lang ang talagang naka-alis ng balakubak ko. Hindi ko alam kung anong meron sa shampoo na ito (sabi sa commercial “Zinc Vitanol” daw) pero talagang nakaka-alis nga siya ng balakubak. Ngayon, mas guwapo na tuloy ako kay Rain.

Bago pa lang talaga ang Clear sa larangan ng shampoo sa Pilipinas. Halos isang taon mahigit pa lang ata ang tinatagal nito sa merkado, hindi tulad ng mga kalaban niya na mahigit isang dekada nang bumebenta. Gayunpaman, tanging ang Clear lang ang nakapagpa-hanga sa akin pagdating sa tanggalan ng balakubak. Epektibo siya at hindi lang isang matinding drawing.

Hindi ko lang alam kung gumaganda ang buhok ko. Dahil medyo may pagka-kulot ako, hindi ko napapansin kung dumudulas o bumabagsak ang buhok ko. Yung ibang shampoo kasi eh ito ang niyayabang. Sabi nila, dudulas daw at gaganda ang bagsak ng buhok mo. Sa Clear naman, simple lang ang pakay nila: NO DANDRUFF. At tulad nga ng pangako ng slogan nila, wala na nga akong balakubak.

Kakaibang bangis ang meron sa active ingredient ng Clear. Biro niyo, yung iba may “refreshing menthol” habang yung iba naman ay may “ZO-20 Plus Formula”. Sa Clear, Zinc Vitanol lang ang kailangan niya para maalis ang puti-puti sa buhok. Kaya naman kahit si Utol eh Clear na rin ang gamit. Mas gusto niyang walang balakubak kaysa may menthol sa buhok.

Ang blog entry pong ito ay hindi endorsement sa Clear. Kung ayaw niyo gamitin ang produkto, ayos lang naman. Pero kung talagang hindi epektibo ang ibang shampoo sa pagtanggal ng balakubak niyo, baka gusto niyo rin munang subukan ang Clear. Malay mo, baka maging kamukha mo pa si Bea Alonzo (kung babae) o kaya si John Lloyd Cruz (kung lalake).

…ako kasi kamukha ko na si Piolo dahil sa Clear!

Deyey’s Approval: 86%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Boston Celtics

Kategorya: Tao
Klase: Koponan
Pangalan: Boston Celtics

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Muli na naman pong naging kampeon sa NBA ang Boston Celtics! Opo, ngayong araw na ito ay napanalunan ng Celtics ang kanilang ika-17 titulo sa pamamagitan ng pagpapatumba sa Los Angeles Lakers. Siyempre, masayang-masaya na naman ang mga tao sa Boston, lalo na’t ang huli nilang kampeonato ay noong panahon pa ni Larry Bird.

Pero mas masaya ang mga kasalukuyang manlalaro ng Boston, partikular na sina Kevin Garnett, Ray Allen at Paul Pierce. Bago mag-simula ang season, meron silang matinding pagkaka-pareho: matagal na sila sa liga pero wala pa rin silang championship. Ngayon, nakamit na nila ang tugatog ng tagumpay.

more…

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Manok

Kategorya: Hayop
Klase: Alaga
Pangalan: Manok

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Ah, manok. Ang hayop na alagang-alaga dito sa Pilipinas. Iba-iba kasi ang puwedeng paggamitan ng manok kaya naman lahat ata ng tao eh gusto nito. Puwede siyang alarm clock (na minsan wrong timing dahil kung tumilaok eh minsan nasa bandang ala-una ng madaling araw). Puwede din siyang pagkain (minsan binibili pa siya sa isang bucket). At siyempre, puwede siyang pagkakitaan (lalo na kung ilalaban mo siya sa sabong).

May mga taong mahilig talagang mag-alaga ng manok. Yung mga kapitbahay nga namin dito eh laging may alagang “Texas” para ilaban nila sa sabong. Kaya minsan eh nagigising ako pag tumitilaok sila sa alanganing oras. Dito kasi sa bahay, ang manok ay tinuturing naming ulam, lalo na kung sangkap siya sa tinola.

Ang manok ay makikita hindi lamang sa probinsiya kundi pati rin sa siyudad. Tulad nga ng nabanggit ko, may mga alagang manok ang kapitbahay namin. Ang manok kasi eh hindi naman mabaho (hindi tulad ng baboy), madaling pakainin (hindi tulad ng pusa) at hindi umiihi kung saan-saan (hindi tulad ng aso). Ang problema lang sa manok eh para ba siyang laging stressed. Konting galaw lang eh nagugulat na.

Natutuwa ako dun sa mga taong “pinapausukan” ang mga manok nila para tumapang. Ganito kasi ang gawain sa probinsiya namin. Bago lumaban ng sabong eh magyo-yosi muna ang may-ari tapos iihipan ang manok. Tapos ilalaban. Tapos pupusta. Tapos matatalo. Tapos magiging tinola.

Malamang ay habang-buhay ang pasasalamat ng mga tao sa manok. Biro niyo, ang mga bata ay adik sa fried chicken. Ang mga matatanda naman ay adik sa tinola o adobong manok. Yung mga pumapasok naman sa opisina eh adik sa pagiging alarm clock ng manok. Yung nagbebenta naman ng itlog eh adik sa pagkuha sa itlog ng manok. Lahat adik.

Yan tuloy. Parang gusto ko na ng manok.

Deyey’s Approval: 82%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Free Rice

Kategorya: Website
Klase: Pang-kawanggawa
Pangalan: Free Rice

Help end world hunger

Malamang naka-connect ka sa Internet habang dinadalaw mo ang site na ito. Malamang na bago ka mapadpad dito ay nagbabasa ka ng email o nagche-check ng Friendster o Multiply. Baka din nagda-download ka ng kung anu-ano sa Web. Pero kung trip mong makatulong sa mga naghihirap sa mundo sa pamamagitan ng paglalaro, baka trip mong dumalaw sa Free Rice.

Matatagpuan ang Free Rice sa http://www.freerice.com. Simple lang naman ang nais niyang gawin mo: sumagot ka lang ng vocabulary words. Sa tuwing makaka-tama ka ng sagot, magdo-donate ang site ng 20 butil ng bigas sa mga nangangailangan nito sa mahihirap na sulok ng mundo. Biro mo, dumami na ang English mo, nakapagpakain ka pa sa mga mahihirap! Isa kang bayani!

Sa totoo lang, ang dapat na ire-rebyu ko sa araw na ito ay tungkol sa kanin. Pero sa kaka-ikot sa Internet, napadpad ako sa Free Rice. Dati ko pang nabalitaan ang site na ito pero ngayon lang ako naka-pasyal. At hindi naman ako nagsisi sa pagpunta ko dito. Marami akong natutunan na words habang tumutulong sa ibang tao.

Bale may mga malalaking kompanya na nagi-sponsor sa site na ito. Sila ang sumasagot sa gastusin sa pagpapadala ng bigas sa ibang bansa. Mga malalaking kompanya tulad ng Unilever ang nasa likod ng site na ito. Ang Free Rice ay sumusuporta din sa mga aksyon ng UN kaya’t alam mong napupunta sa mabuting lugar ang paglalaro mo sa Internet.

Malamang ay masasabi mong “Bakit hindi na lang nila ipadala ang lahat ng bigas at hindi pabutil-butil lamang?” OK sana ang ideya na iyon kaso kailangan nila ng pera para magawa ito. Ang pera ay manggagaling sa banner ads na makikita sa baba ng site. Dito kumukuha ng salapi ang mga kompanya para makapagpadala ng bigas.

Napakaganda ng layunin ng Free Rice. Simple lang pero astig. Kumbaga, kahit nasa tapat ka lang ng computer eh alam mong may nagagawa ka para sa mga nangangailangan. Hindi mo na kailangan pang maging pulitiko o alagad ng simbahan. Basta’t maglaro ka lang sa site nila at sila na ang bahala sa bigas.

Deyey’s Approval: 94%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Scrabble

Kategorya: Bagay
Klase: Laro
Pangalan: Scrabble

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Double Word Score. Triple Letter Score. Kung pamilyar ka sa mga katagang ito, malamang eh naglalaro ka din ng Scrabble. Bale ito yung laro kung saan kukuha ka ng pitong letra at pipilitin mong makabuo ng salita sa mga letrang nabunot mo. Parang madali lang pero sa totoo lang eh saksakan ng hirap, lalo na sa end game.

Magandang laro ang Scrabble lalo na pag Linggo at wala kayong magawa ng pamilya. Kung ikaw ay nasa high school at pataas, tiyak na patok na patok sa iyo ang Scrabble. Maipapakita mo sa iyong mga magulang na mas magaling ka sa English kaysa sa kanila. At kung matalo ka naman nila, puwedeng-puwede kang maghamon ulit at magpakitang-gilas.

Nakakatuwa ang Scrabble kapag sunud-sunod ang paggawa ng mga salita. Tulad ng baraha, kailangan mo ring gumamit ng diskarte dahil kapag may mga naiwan na letra sa kamay mo, ibabawas ito sa total score mo. Sobrang malas mo kung maiwan sa iyo ang “Z” at “Q” na may tig-10 ang puntos. Asahan mo nang kulelat ka sa iskor.

Nakakainis lang yung mga taong consult nang consult sa dictionary. Bukod sa nakakatagal ito ng laro, nadadaya ka pa dahil nakakakuha sila ng ideya ng mga salita na puwede nilang gamitin sa laro. At dahil “friendly” game lang ang laro sa bahay, hindi mo naman sila puwedng lapatan ng penalty. Baka i-penalty ka din nila sa hapag-kainan at hindi ka na hainan ng ulam.

Elibs na elibs naman ako sa mga taong nakakagamit ng pitong letra sa isang tira lamang. Wasak na wasak sa iskor ang mga kalaban dahil makakakuha ang player ng +50 bukod pa dun sa total ng mga letra niya. Para na rin itong sampal sa mukha ng mga kalaban. Tila bang pinapakita mong isa kang taong diksyunaryo.

Nagagalingan din ako sa mga taong nakakasingit ng mga salita sa kung saan-saang bahagi ng playing board. Yung tipong wala nang magkakasyang letra sa isang bahagi tapos bigla pa nilang mapapasukan ng words. Astig talaga. Pampabawas letra din.

Sayang at hindi gaano adik sa Scrabble ang mga tao dito sa bahay. Pare-pareho sana kaming tatalas ang isip sa paglalaro. Dadami na sana ang Ingles namin… hindi na sana kami magiging limitado sa “Hi” “Hello” at “Here na me, wer na u?”

Deyey’s Approval: 84%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Zirkoh

Kategorya: Lugar
Klase: Patawa
Pangalan: Zirkoh

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa RealTravel)

Likas na masayahin ang mga Pinoy. Dahil na rin siguro sa hirap ng buhay kaya gumagawa ang mga Pinoy ng samu’t-saring paraan para makapag-libang. Ito ang nag-udyok para sa ibang tao na magtayo ng comedy bars. Si Allan K. ay isa sa mga taong nag-labas ng pera para gamitin sa isang comedy bar. At dito nabuo ang Zirkoh, isa sa pinakamasayang lugar sa Pilipinas.

Nakaka-ilang balik na rin ako sa Zirkoh at hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nagsasawa sa mga patawa nila dito. Mga badingski ang hosts sa lugar na ito at sila ang nagdadala ng saya sa mga manonood. Medyo malaswa nga lang minsan ang mga jokes nila pero patok na patok talaga ito sa mga tao. Kakaiba para sa isang sarado-Katolikong bansa.

Ang buong gabi sa Zirkoh ay nababalot sa kantahan. Bale may videoke ang lugar kung saan maaaring kumanta ang mga tao. Kaya lang, nasa stage ito kung saan naroon din ang mga bading. Bago ka kumanta ay pupunahin ka muna ng mga host. Pwede ka nilang laitin o kutyain. Pwede ka rin nilang pagnasahan lalo na kung guwapo kang lalaki (ito ang dahilan kung bakit hindi ako umaakyat sa entablado sa mga comedy bars). Ang dapat na gawin sa sitwasyon na tulad nito eh maging kalmado lamang at huwag mapikon.

Nakakainis din kasi yung mga taong pikon at hindi sport sa mga jokes ng mga bading. Pumapalag pa sila kaya’t lalo silang kinukutya. Hindi rin kasi nakakatawa para sa mga manonood kung papalag ka pa. Tutal, katuwaan lang naman iyon. Ang pikon, talo.

Masaya din kapag dumarating na ang mga prime performers sa Zirkoh. Halimbawa dito ay sina Gladys “Chuchay” Guevarra, Ate Gay, at si Ai-ai De Las Alas. Sumasabak din dito minsan si Allan K. mismo at ang iba pang artista tulad nina Jose at Wally, Sexbomb Girls at EB Babes. Kung hayok ka sa mga artista, gawi ka lang lagi sa Zirkoh at tiyak mapupuno ng bituin ang gabi mo.

Kapag pumupunta sa Zirkoh at sa iba pang comedy bars, dapat ay laging bukas ang isipan dahil hindi na bago rito ang mga green jokes. Kung may kasama kang bata, siguraduhin maipapaliwanag mong mabuti ang bawat kilos ng nagpapatawa. Baka magulat na lang ang bata kung bakit natatawa ang mga manonood tuwing nag-aakmang may isusubong malaki ang bading na host.

Sa mga trip matawa, huwag mag-atubiling dumalaw sa Zirkoh. Tiyak na papatok sa inyo ang mga jokes dito. Kahit na sabihin mo pang mahirap ka patawanin, bibigay at bibigay ka rin. Kung matapang ka, doon ka pumuwesto sa pinakaharap kung saan kitang-kita ka ng mga hosts. Tiyak na yayariin ka nila dito. Basta huwag lang mapipikon dahil ang lahat ng ito ay katuwaan lamang.

Deyey’s Approval: 86%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Final Fantasy

Kategorya: Bagay
Klase: Laro
Pangalan: Final Fantasy

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Kung ikaw ay lumaki sa mga video games, malamang ay alam na alam mo ang serye na “Final Fantasy”. Tulad ni Mario, ang Final Fantasy ay institusyon na sa larangan ng video games. Ayon sa aking pagre-research, nailigtas ng Final Fantasy ang pagka-bangkarote ng Squaresoft noong 90s. At ngayon, isa na itong franchise na mahigit ilang milyon ang presyo.

Maganda kasi ang mga naiisip na kuwento sa Final Fantasy. Isa itong “role-playing game” o RPG kung saan ang manlalaro ay may kakayahang gumamit ng iba’t-ibang tauhan para matalo ang kalaban. Sa tinagal-tagal ko na ng paglalaro ng mga video games eh paborito ko pa rin talaga ang Final Fantasy. Nalilibang ako nito at dahan-dahang kinakain niya ang oras ko.

Ang kauna-unahang Final Fantasy game na nalaro ko ay yung Final Fantasy III na naging Final Fantasy VI sa serye. Ewan ko nga ba kung bakit pero ganun na lang daw talaga siya. Sa larong ito, makikita mo ang kuwento ni Terra at ng kanyang mga kasamahan. Natuwa ako dito dahil napakarami talaga ng characters na puwedeng gamitin. Tapos, kakaiba pa ang mga sandata at salamangka na ginagamit nila.

Nakakatuwa ding isipin na kahit na halos isang dekada na ang lumipas ay hindi pa rin natatapos ang Final Fantasy. May mga nagsasabi pa nga na dapat daw ang pamagat ng serye ay “Continuous Fantasy” dahil hindi naman daw talaga “final” ang mga laro. Totoo talagang hindi “final” ang laro dahil hindi magkaka-konektado ang kuwento sa bawat major Final Fantasy na laro. Yung mga spin-off lang ang tumutugma sa kuwento ng nauna.

Maraming tauhan ang naging tanyag dahil sa Final Fantasy. Nariyan si Cloud na bida ng FF7. Siyempre kasama din dyan sina Tifa na may malaking (p)uso, Yuffie na isang makulit na bata at Vincent na isang bampira. Sumikat din dito ang pagkamatay ni Aerith kung saan hanggang ngayon eh naging isa sa pinakamalungkot na pangyayari sa buong video game industry. Hindi rin mawawala ang walang pusong si Sephiroth na hinirang bilang pinaka-astig na kalaban sa video game (tinalo pa niya si King Koopa ng Super Mario).

Kilala din si Squall at Rinoa ng FF8. May mahusay na love team kasi silang dalawa, parang si Gerald at Kim. Sa FFX naman, sikat na sikat sina Tidus at Yuna. Tulad nina Squall at Rinoa, may matinding love team din sila… para namang sina Ding Dong at Marian.

Marami nang kompanya ang gumaya sa istilo ng Final Fantasy at sila rin eh naging matagumpay. Gayunpaman, malaki ang pasasalamat nila sa mga pausong ginagawa sa Final Fantasy. Dito ay nakakakuha sila ng ideya kung ano ang mabenta at hindi sa mga RPG. Sumikat ang mga tulad ng Suikoden at Breath of Fire dahil sa Final Fantasy na ito.

Tiyak na marami pa rin ang bibili ng Final Fantasy games kahit na magunaw na ang mundo. Kakaiba talaga ang seryeng ito at kung hindi ka mahilig sa video games dahil para silang pambata, subukan mo ang Final Fantasy at baka mag-iba ang pananaw mo sa mundong iyong ginagalawan.

Deyey’s Approval: 92%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Jackie Chan

Kategorya: Tao
Klase: Artista
Pangalan: Jackie Chan

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Sikat na sikat si Jackie Chan hindi lang sa Asya kundi pati sa buong mundo. Kakaiba kasi ang istilo niya sa paggamit ng martial arts. Biruin mo, siya ang gumagawa ng sarili niyang stunts. Kaya naman kung magkamali siya, tiyak na disgrasya ang bida. Ito rin ang dahilan kung bakit patok na patok ang mga palabas niya.

Napapadalas ang panonood ko ng mga pelikula ni Jackie Chan dahil na rin sa uncle ko na mahilig sa “kung fu”. Habang kumakain ako ng tanghalian eh nagsasalang ako ng DVD ni Jackie Chan at sabay kaming nanonood sa sala. Ayun, pati ako eh natutuwa din sa napapanood ko kaya’t inaabot ng dalawang oras ang pananghalian ko.

Di tulad ng ibang pelikulang umiikot sa kung fu, ang mga palabas ni Jackie Chan ay may halong katatawanan. Kahit na subtitle lang ang ibang palabas (at minsan eh hindi sabay ang salita sa galaw ng bibig), matatawa ka pa rin sa mga eksena. Maayos na napapaghalo ni Jackie Chan ang comedy at action kaya patok na patok siya hindi lamang sa mga matatanda kundi pati na rin sa mga bata.

Isa sa mga napanood ko lang kamakailan na palabas ni Jackie Chan ay ang “My Lucky Stars”. Dito ay kasama niya si Sammo Hung na isa ring kung fu actor na magaling din magpatawa. Ang kombinasyon nila eh kakaiba at natatawa ako sa mga stunts nila na kung saan ay natatalo ang mga kalaban. Para bang ang hirap ma-perpekto ang bawat galaw niya at siguradong injury ang aabutin mo.

Kaya naman nung lumabas ang “Rush Hour” eh hindi ako nag-atubiling manood sa sinehan. Alam ko kasing ma-aksyon at ma-stunts ang palabas, lalo na’t andun si Jackie Chan. Hindi naman ako nagsisi dahil astig din ang bawat “Rush Hour” na pelikula.

Natuwa din ako nang nagkasama si Jackie Chan at Jet Li sa “The Forbidden Kingdom”. Halos kinilabutan ako nung nag-fight scene sila. Malamang nga naman kasi eh yun na ang una at huling pagkakataon na magkasama sa isang palabas ang dalawang primyadong kung fu masters. Para silang nagsasayaw sa kanilang action scene at ito ang binayaran ng mga tao na mapanood.

Marami pang DVD ni Jackie Chan dito sa bahay. Ang balak namin ng Uncle ko eh tapusin ang mga ito. Pagkatapos ng kay Jackie Chan, maghahanap na naman ako ng panibagong kung fu master. Pero alam ko, hindi ito magiging kasing kuwela ng mga palabas ni Jackie Chan. Isa siyang astig na aktor at tunay na astig na martial artist.

Deyey’s Approval: 91%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment