Archive for » February, 2008 «

Rally

Kategorya: Pangyayari
Klase: Paghihimagsik
Pangalan: Rally

Image Hosted by ImageShack.us
(litrato mula kay Trueasiatiktribe)

“Huwag matakot!” “Makibaka!”

Ito ang mga salitang madalas mong maririnig tuwing may nagra-rally dito sa Pilipinas. At madalas nagra-rally sa Pilipinas. Tulad ngayong araw na ito, may inter-faith rally na naganap sa Makati para pababain sa puwesto ang panggulo ng Pilipinas. Hayy… lagi na lang. Lagi na lang may rally. At lagi na lang mali para sa tao ang nailuluklok sa puwesto.

Masaya ang mga rally dito sa Pilipinas. Tuwing merong “anti” rally, meron din namang mga “pro” rally. At pag nag-interview ka sa isang panig, madalas may palpak na magsasalita na kesyo naimbitahan siya dahil may “libreng pagkain” o kaya eh “nagpapamigay ng pera”. Madalas din na ang mga palpak na ito ay napupunta dun sa posisyon kung saan dehado ang grupo. Nagiging walang kwenta tuloy ang rally.

Samu’t-saring lugar na rin ang napupuntahan ng mga taong nagra-rally. Dati eh uso ang mga kapit-bisig sa Edsa. Dito nagsisigawan ng mga hinaing ang mga tao. Sikat din ang Mendiola dahil malapit ito sa Palasyo ng Panggulo. At ngayong bagong dekada, mabilis na nakikilala ang Makati para sa mga rally. Mas astig naman dito dahil ang mga nagra-rally ay naka-kurbata at imbes na kandila ang itataas tuwing vigil eh mga Nokia N95 at iPhone ang iwina-wagayway.

Ang lagi lang kawawa sa mga rally na tulad nito ay ang mga commuters na walang pakialam sa pinaglalaban ng mga rallyista. Gusto lang naman nilang makauwi nang matiwasay sa mga bahay nila pero napapatagal ang biyahe nila dahil lahat ng mahahalagang kalsada ay napupuno ng mga tao. Kulang na lang eh magka-traffic na rin sa MRT at LRT eh.

Nakakatuwa rin ang mga kilalang taong sumasama sa mga rally na ito. Kung susundan mo ang kilos nila, mapapansin mo na yung iba eh kakampi tapos magiging kalaban tapos magiging kakampi uli at bigla na lang kakalas at lalaban. Parang wrestling lang… hindi mo alam kung kelan magiging bida o kalaban ang pinapanood mo.

Sa totoo lang, nagsasawa na ako sa kaka-rally dito sa Pilipinas. Lagi na lang may mahahanap na butas kung saan puwedeng mag-reklamo. Oo, alam kong malaking bagay ang pinaglalaban sa mga rally pero sana isipin din natin na may mga taong naghahangad ng kapayapaan na sana ay magkaroon na lang ng magandang pagkakasundo ang bawat panig. Ika nga nila, “peace is peaceful”. Dapat manatili lang tayong payapa para masaya.

At magiging payapa lang tayo kung walang mga !@#$% kups na nakaupo sa puwesto!!! Matakot kayo sa impiyerno mga !@#$% !!!

“Huwag matakot!” “Makibaka!”

Deyey’s Approval: 80%

Waterfree Urinal

Kategorya: Bagay
Klase: Ihian
Pangalan: Waterfree Urinal

Image Hosted by ImageShack.us

Alam nating lahat na mas mabilis umihi ang mga lalaki sa mga babae. Ang lalaki kasi eh ibababa lang ang pang-ibabang suot tapos ilalabas ang pututoy tapos jingle na. Ito ang dahilan sa gawain ng mabababoy na mamamayan na nambubuntis ng semento (umiihi sa pader). Kung sa mall naman eh dumidiretso lang sa urinal ang mga lalaki tapos diretso wiwi na. Sabay flush… na nagiging dahilan ng pag-askaya ng tubig sa mga banyo sa Pilipinas.

Mabuti na lang at may kompanyang nagsikap para pag-aralan ang mas “environment friendly” na paraan para maka-iwas sa madaming flush. At heto nga ang kanilang “Waterfree Urinal” kung saan puwede nang jingle sabay alis. Parang pader lang din kaya lang hugis-urinal at malinis.

Hindi ko alam kung ano ang sistema ng waterfree urinal pero tila malinis naman ito at walang panghe na maaamoy. Minsan may mga kulot na buhok na nasa paligid ng urinal pero ang kabuuan naman eh malinis yung ihian. Hindi ko alam kung binubuhusan ba ito o hinahayaan lang na umihi nang umihi ang mga tao. Ang galing eh… parang salamangka.

Malaki din talaga ang natitipid na tubig ng mga waterfree urinal. Tantsahin na lang natin na sa isang urinal sa isang CR sa isang mall eh iihian ng hindi bababa ng 30 tao kada araw. Tapos sabihin natin na sa isang CR ay may 5 urinal. At sa bawat floor ng mall ay may dalawang CR. At may limang palapag ang mall. At ang bawat flush sa urinal ay katumbas ng 500mL…. compute natin sa computer:

1 Urinal Flush = 500mL
1 Urinal x 30 tao x 5 urinals x 2 CR x 5 floors = MARAMI!

Kita niyo naman sa computation na maraming tubig ang naaaksaya sa bawat flush sa urinal. Isipin mo na lang kung imbes na ipang-flush yung tubig ay gamitin na lang na pang-inom? O di ba? Kadiri mang isipin pero naiintindihan mo naman siguro ang gusto kong iparating di ba?

Dapat ay pilitin na ng bawat pampublikong lugar na ang mga urinals nila ay waterfree. Aasenso ang bansa kung makakatipid tayo ng tubig. At masisimulan ito sa pagbawas ng flush. Itaguyod ang waterfree urinal!

…kelan kaya magkakaroon ng waterfree jebakan?

Deyey’s Approval: 89%

Jobstreet Philippines

Kategorya: Website
Klase: Pang-trabaho
Pangalan: Jobstreet Philippines

Image Hosted by ImageShack.us

Sinong tao ang natutuwa pag walang pera? Sa panahon ngayon, hindi ka tatagal kung wala kang hawak na salapi. Magmula sa pagkain, inumin, bagay-bagay, serbisyo pati illegal na droga ay nangangailangan ng kuwarta. May mga paraan naman para makakuha ng pera tulad ng pagnanakaw, pagmana o kaya’y pagsali sa mga game show pero ang pinakasiguradong paraan ay ang pagkakaroon ng matinong trabaho.

Madali sana kung makakagawa ka ng sariling negosyo tulad ng pagbebenta ng ice candy tuwing December o kaya ibenta mo ang katawan mo para sa panandaliang-aliw. Kaso, mas maayos ang mamamasukan ka na lang bilang empleyado sa isang mahusay na kompanya. At para makahanap ng mahusay na kompanya, maari mong gamitin ang Internet para maghanap… at Jobstreet ang isa sa mga pinakatanyag na job search site sa buong Pilipinas.

Karamihan ng mga napasukan kong kompanya ay natagpuan ko sa Jobstreet. Napakadali lang kasi ng sistema para mailagay mo ang detalye ng buhay mo sa site nila. Ito ang magiging daan mo sa paghahanap ng trabaho. Lahat ata ng aspeto ng gawain ay nasasakop sa site na ito. Magmula sa journalists, computer programmers, engineers, body builders, clowns at sauna attendant… lahat nandito na ata!

Ngayong mga panahong wala akong trabahong matino, napapadalas ang babad ko sa Jobstreet website. Magaganda din kasi ang mga naka-post dito na trabahong umaakma sa angkin kong galing. Nakakarami na rin ako ng apply sa mga kompanya at may ilan na ang nagparamdam sa akin.

Sa totoo lang, naghahanap pa ako ng ibang trabaho na mas akma sa katangian ko: “Guwapong Manager”, “Handsome Writer”, “Intelligent Team Lead”, “Macho Marketing Associate”… sa kasamaang palad, walang lumalabas na search result tuwing itong mga keywords na ito ang ginagamit ko.

Ngayong darating na Abril ay magiging busy na naman ang Jobstreet site dahil marami na namang fresh graduates ang maglalagay ng resume sa site nila. Marami akong magiging kaagaw sa posisyon. Pero kampante naman ako. Alam ko naman din kasing may trabahong naghihintay para sa akin. Nakatago lang ito sa Jobstreet at hindi pa nila nilalagay sa site!

Deyey’s Approval: 87%

Time Crisis 4

Kategorya: Bagay
Klase: Laro
Pangalan: Time Crisis 4

Image Hosted by ImageShack.us

Sa tanang buhay ko ay hindi ko pinangarap na maging pulis. Hindi kasi ako asintado sa baril at saka takot akong tumaba. Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, napapaisip tuloy ako kung gumagaling na ba ang aking “shooting touch”. Naa-adik na kasi ako sa paglalaro ng Time Crisis 4 sa mga arcade at habang bumababad ako sa paglalaro ay palayo nang palayo ang aking nararating sa mga stages nito.

Ang Time Crisis 4 ay isang larong gumagamit ng baril at madalas na natatagpuan sa samu’t-saring arcade sa bansa. Kaya din siguro ito sikat ay dahil napakaganda ng graphics nito at, tulad ng mga nakaraang Time Crisis games, may kakayahan kang magtago kapag ika’y binabaril ng kalaban. Para ding pulitika kung saan nagtatago ang iniimbestigahan…

Tuwing hinihintay ko ang Honey ko mula sa opisina eh dumadaan muna ako sa arcade para maglaro ng Time Crisis 4. Halos P100 ang nagagastos ko sa paglalaro pero ayos lang naman dahil enjoy talaga ako sa paglalaro nito. Tila ba ako’y kasama sa kanilang kuwento bilang miyembro ng “Special Division” at niraratrat ko ang pakawala ng kalaban na mga “Terror Bites”.

Puwede ring dalawa kayong naglalaro nang sabay sa Time Crisis machine. Masayang-masaya ako tuwing nagiging magkakampi kami ng Honey ko at nagtutulungan sa pag-dispatsa ng mga kalaban. Ang ganda pa nga ng hitsura namin dahil may kanya-kanya kaming paraan sa paghawak ng baril. Gayunpaman, ang mahalaga eh mabaril ang kalaban at hindi ang porma.

Kung hindi ka mahlig mag-arcade eh sakto sa iyo ang Time Crisis 4. Hindi masyado komplikado pero masaya pa ring laruin. Simple lang naman ang gagawin: baril, tago, baril, tago. Malaki ang tsansa na tatagal ka sa laro lalo na kung alert ka at hindi nagugulat sa mga atake ng kalaban. Pero huwag ka lang mapipikon kung sa eksaktong paglabas mo sa tinataguan mo eh may bumaril sa iyo at bigla ka na lang ma-”Game Over”.

Deyey’s Approval: 90%

Luk Yuen Beef Wanton Noodles

Kategorya: Bagay
Klase: Pagkain
Pangalan: Luk Yuen Beef Wanton Noodles

Image Hosted by ImageShack.us

Likas na napakahilig ko sa pagkaing Intsik. Mapa-noodles, siomai o pansit, ako’y talaga namang adik na adik sa mga putaheng ito. Kaya hindi na rin nagtataka ang aking pamilya tuwing magyayaya akong kumain sa mga Chinese restaurants. At alam din nila na ang paborito kong pagkain sa mga ito ay Beef Wanton Noodles.

Ito ang dahilan kung bakit napagtanto namin ng Honey ko na kumain sa Luk Yuen sa may SM Megamall. Naghahanap kasi ako ng Beef Wanton Noodles at naisip kong hindi pa naman ako nakakakain sa restaurant na iyon. At nang dumating na ang order ko at natikman, ako’y hindi natuwa. Opo, hindi ako nasasarapan sa Beef Wanton Noodles ng Luk Yuen.

Kumpara sa ibang Chinese restaurants na nakainan ko na, olats sa panlasa ko ang kanilang Beef Wanton Noodles. Ewan ko nga kung bakit kasi parehong-pareho naman sila ng sahog. Marahil iba lang talaga ang timpla nila sa sabaw kaya’t hindi ako masyado ginanahan sa pagkaing ito.

Kakaiba rin ang siomai na kasama sa mami nila. Malaman naman at malasa pero madaling matuklap ang wrapper sa laman. Para tuloy akong kumakain ng meatballs imbes na siomai. Pero OK lang kasi nakakabusog naman din.

Ang noodles na gamit nila ay tulad din ng sa ibang Chinese restaurants. Mataba at nanunuot ang lasa. Yun nga lang, hindi talaga pasado sa akin ang timpla ng sabaw… tapos ito pa ang titikman ko sa noodles. Siyempre, hindi na ako naging masaya sa pagtikim ng mami na ito.

Alam kong marami ang may hilig sa Luk Yuen na menu. Marahil susubukan ko naman yung ibang luto nila at hindi muna o-order ng Beef Wanton Noodles. Para sa akin, talo ang lasa ng mami. Baka sakaling makabawi sila sa iba nilang putahe.

Deyey’s Approval: 46%

Dungkaan Grill

Kategorya: Lugar
Klase: Restaurant
Pangalan: Dungkaan Grill

Dungkaan Grill

Usong-uso na dito sa Pinas ang mga “paluto” grills. Ito ay ang mga restaurant na malapit sa palengke at maipapaluto mo sa kanila ang mga ingredients na binili mo. Magmula sa isda hanggang sa karne, kayang-kaya nilang tirahin. Ang magkakaiba lang eh ang timpla at diskarte sa mga paborito mong luto tulad ng ihaw, laga, adobo, prito, at kung anu-ano pa.

Ngayong araw na ito ay napadpad kami ng mga kamag-anak ko sa Dungkaan Grill sa may Pasay City, malapit sa SM Mall of Asia. Ito ay isang restaurant na nasa lugar ng mga “paluto” grills. Hugis barko ang istilo ng restaurant at mapapa-”Jack and Rose” ka sa isang lugar ng kainan. Bukod sa magandang istilo ng lugar, may kasarapan din ang mga luto nila dito.

Karamihan ng kinain namin sa gabing ito ay seafoods na binili nina Ermats at auntie ko sa karatig palengke. Matagal kaming naghintay sa kanila sa pamimili (ano pa ba ang aasahan mo sa mga nanay di ba?) pero sulit naman kami nang maluto na ng kusinero ang mga pinamili nila.

Magaling ang pagkaka-timpla nila sa inihaw at de-sabaw na tahong. Ayon din sa mga pinsan ko, masarap daw ang pagkakaluo nung Spicy Alimango at Grilled Hipon. Hindi ko tinikman ang mga ito dahil ang tinira ko ay yung inihaw na liempo at tanigue steak. Sa sobrang sarap ng kain ko eh naka-tatlong salok ako ng kanin… kaya tiyak na tataba na naman ako.

Ang hindi lang maganda sa lugar eh nasa gilid ito ng ilog. At, tulad ng karamihan ng mga ilog sa siyudad, ito’y mabantot at may mga pagkakataon na umaalingasaw ang amoy habang kumakain ka. Wala kang magagawa kundi ilublob ang ilong sa loob ng sabaw para mawala ang mabahong aroma.

Medyo may kamahalan nang kaunti ang mga paluto sa Dungkaan Grill pero sulit na sulit kayo sa timpla. Kung hindi ka rin naman maarte sa mga amoy ng paligid, huwag nang mag-atubili at dumayo na sa kainan na ito. Sulit ang pagbili niyo at pagpapaluto. Baka nga pag nasarapan ka talaga eh mapalukso ka na lang sa tuwa at biglaang mahulog sa mabahong ilog.

Deyey’s Approval: 82%

Master Siomai

Kategorya: Lugar
Klase: Tindahan
Pangalan: Master Siomai

Master Siomai

Madalas na tayong makakita ng iba’t-ibang food stalls sa mga istasyon ng MRT at LRT. Nariyan ang bilihan ng empanada, fish balls, tokneneng, gulaman, hotdog, ensaymada at kung anu-ano pa. Siyempre, hindi mawawala sa lisatahan ang siomai na isa sa mga tanyag na tsibog pag “on-the-go” ka. Bukod sa madali lang kainin, masarap ito at talaga namang nakakabusog.

Paborito namin ng Honey ko ang siomai kaya’t samu’t-saring tindahan ng siomai ang amin nang nakainan. At nang minsang bumiyahe kami sa LRT at nagawi sa Pureza station eh natagpuan namin itong simpleng bilihan ng siomai na ang pangalan eh “Master Siomai”. Dahil nga siomai ito eh agad namin itong pinuntahan. At sa unang subo pa lang namin eh alam naming hindi kami magsisisi sa paghinto sa kainang iyon.

Hindi namin inaasahan na maging ganoon kasarap ang siomai sa Master Siomai. Sa sobrang sarap nga eh tinanggap namin na ang siomai nila ay gawa talaga ng isang master. May tatlong version sila ng siomai – ang pork and shrimp siomai, ang beef siomai at ang Japanese siomai. Nasubukan ko ang beef siomai at Japanese siomai naman ang sa Honey ko. Pareho kami ng naging pasya: masarap nga ang siomai nila!

May tinitinda ding gulaman sa Master Siomai. Ito na ang napili naming panulak ng Honey ko. Pinagyayabang pa nga ng tindahan na ang tubig na gamit nila sa gulaman ay purified. Sinubukan din namin ito at kami’y nasarapan sa lasa. Tama lang kasi ang timpla. Hindi masyado matamis at hindi naman din mapakla. Ayos na inumin sa siomai.

Sa sobrang tuwa namin ng Honey ko eh naka-dalawang rounds kami ng siomai. Mura lang naman din kasi ang tsibog kaya’t solb din kami. Ayos talagang pantawid-gutom (na sa totoo lang eh nabusog nga kami). Hindi na rin kami nagulat nang dayuhin ang lugar ng maraming tao… malaki ang pagkakataon na maging tanyag ang tindahang ito.

Sana eh magtayo pa ng maraming branches ang Master Siomai. Tiyak na marami ang matutuwa dito. Tsaka, sana eh gayahin na rin nila ang show na pinagkuhanan nila ng pangalan… dapat eh magbenta sila 24/7 – walang tulugan!

Deyey’s Approval: 88%

Paghahanap ng Trabaho

Kategorya: Pangyayari
Klase: Paghahanap
Pangalan: Paghahanap ng Trabaho

Image Hosted by ImageShack.us

Ako po ay malapit nang umalis sa aking pinapasukang kompanya. Matapos ang ilang buwan na pamamalagi dito, napagtanto kong magsimula na muli at maghanap ng lilipatan na opisina para sa ikabubuti ng aking career. Dahil dito, nagbalik na naman ako sa paghahanap ng trabaho… na medyo mahirap din na proseso.

Marami ang makakasabay ko sa paghahanap ng trabaho, lalo na’t malapit nang magtapos ang klase. Maraming “fresh graduates” na gustong makapasok sa mahusay na opisina. Medyo lamang lang ako sa kanila sa experience at position. Gayunpaman, pare-pareho kami ng nararanasan: mahirap ang maghanap ng trabaho.

Para sa ilan, madali lang makakuha ng trabaho lalo na kung kompanya mismo ang naghahagilap sa iyo. Marami akong kakilala na “na-pirata” ng ibang opisina dahil inalok sila ng magandang posisyon at malufet na benefits. Ako’y saludo sa kanila dahil ang kanilang angking galing ang naging susi nila para sa magandang kinabukasan.

Pero marami din ang katulad ko na dumadaan sa mahirap na proseso ng “pagbebenta ng sarili”. Hindi ito yung tipo na tatayo ka sa Quezon Ave o kaya sa Quezon Circle pag gabi. Ang ibig kong sabihin eh magpapakilala ka sa mga kompanya at ipakikita mo sa kanila ang iyong husay para tanggapin ka nila sa isang bakanteng posisyon sa kanilang lugar.

Medyo mahirap ang paghahanap ng trabaho lalo na kung hindi “in-demand” ang talents mo o kaya eh marami kang kalaban. Tulad ko na nagtapos ng Journalism, talagang maraming kalaban para sa kakarampot na posisyon. Dapat talaga eh paghusayan mo ang pagsusulat para ika’y mapansin at maakit mo ang opisina na nais mong pasukan.

Buti na lang at sa tagal ng aking pagta-trabaho sa iba’t-ibang kompanya ay natuto akong ng bagong “skills” at ito naman ang aking pambato para sa mga nais kong pasukan. Bale hindi lang “writing skills” ang maipag-mamayabang ko ngayon… pati na rin ang “management skills” ay may kaalaman na ako. Mahusay na kombinasyon.

Gayunpaman, tuloy pa rin ang paghanap ng papasukan. Masarap din kasi mag-trabaho lalo na kung maganda ang kompanyang mapupuntahan mo at kwela’t may paninidigan ang mga makakasama mo. Ito ang hinahanap kong lugar. Ito ang trabahong masarap araw-arawin.

At ito din ang gusto ng karamihan kaya’t nagiging mahirap maghanap ng trabaho! Waah!

Deyey’s Approval: 77%

Colgate Plax

Kategorya: Bagay
Klase: Pang-linis
Pangalan: Colgate Plax

Image Hosted by ImageShack.us

Ako ay taong maingat sa aking mga ngipin simula nang masira ito nung aking kabataan. Nung nakaraang taon ay nagpalinis at nagpaayos ako ng ngipin sa bagong dentista at talaga namang napaganda niya ang aking bibig. Mula nung araw na iyon eh todo-ngiti talaga ako… lalo na’t ang puputi na ng aking mga ngipin. At para mapanatili ang kaputian nito, madalas akong nagsi-sipilyo para maalis ang mga tinga.

Ngunit sabi ng aking dentista, hindi sapat ang sipilyo lang para maging healthy ang bibig. Kailangan daw itong samahan ng flossing at pag-mumug ng mouthwash. Hindi ako sanay sa mga ito kaya’t tinanong ko kung ano ang pinakamainam na mouthwash para sa akin. Sabi niya, dapat daw yung walang alcohol na kasama at hindi concentrated. At sa aking kakahanap eh natuklasan ko ang Colgate Plax.

Di tulad ng ibang mouthwash, ang Colgate Plax ay pwede nang i-mumug kahit na hindi na i-dissolve sa tubig. Bale, kung bibili ka nung malaking bote, maglalagay ka lang ng kaunting Plax sa takip tapos ito na ang imumug mo ng higit sa 30 segundo. Kapag hindi ka sanay ay mapapa-luha ka dahil medyo mahapdi siya sa dila. Lalo na pag nagmumug ka na… bubula ang bibig mo na parang naka-droga.

Sabi din ng aking dentista, mas magiging malinis ang bibig pag mahigit nga sa 30 segundo ang pagbabad ng mouthwash sa bibig. Mukha namang totoo ang sinabi niya dahil pakiramdam ko eh malinis talaga ang bibig ko pagkatapos mag Colgate Plax. Payo din niya na wag muna maglalagay ng kahit anong solid o liquid sa bibig pagkatapos mag-mouthwash… kahit tubig wag muna. Kaya naman minsan pag pumapasok ako sa office eh maanghang ang nalalasahan ko.

Pinakamagandang gamitin ang Plax pagkatapos mag-sipilyo. Sa totoo lang, karamihan nga ata ng gamit kong pang-bibig eh gawa ng Colgate… toothpaste, toothbrush, pati mouthwash. Kulang na lang eh ulam ko din gawa ng Colgate.

Kung hindi ka sanay mag-mouthwash, mainam para sa iyo ang Colgate Plax. Hindi gaano mahapdi kung ikukumpara sa “Liste****”.  Tamang-tama ito para magkaroon ka ng fresh breath at teeth oh so white

Deyey’s Approval: 78%

Minesweeper

Kategorya: Software
Klase: Laro
Pangalan: Minesweeper

Image Hosted by ImageShack.us

Palufet nang palufet ang mga PC games ngayon dahil sa matitinding mga processors at motherboards pati mga high-end na video cards at sound cards. Karamihan dito eh mga “First Person Shooters” o kaya’y mga “Role Playing Games”. Nakakatuwa ang konsepto ng mga larong ito pero darating ang panahon kung saan bigla ka na lang magsasawa sa mga larong ito.

At pag nagsawa ka na, ang hahanapin mo ay yung mga games na simple pero nakakabasag ng kumon ng utak. Yung tipong hindi naman high-end pero nakakabobo at nakaka-frustrate. Dito pumapasok ang mga default games na available sa karamihan ng mga Windows na PC. Isa dito ang paborito kong pampaubos-oras at ito ay ang Minesweeper.

Karamihan ng mga kakilala ko eh hindi naglalaro ng Minesweeper dahil hindi nila maintinidhan ang laro. Ito rin ang dahilan kung bakit karamihan ng mga PCs na nahahawakan ko eh wala pang record ang mga Minesweeper games nila. Kaya naman pag may nakikita akong bakanteng Minesweeper (yung wala pang score) eh agad ko itong nilalaro para ito’y ma-devirginize.;

Ewan ko ba kung bakit ako na-adik sa Minesweeper. Siguro kasi thinking game ito tulad ng Chess at Pitik-Bulag. Nadadalian din naman ako sa larong ito, pwera na nga lang sa Expert mode kung saan 99 mines na ang kailangan mong markahan. Mahirap man pero natatapos ko pa rin ito… nakaka-buang nga lang pag may napindot kang mina tapos uulit ka na naman sa umpisa.

Marami din palang nilalang sa mundo ang may hilig sa Minesweeper. Meron pa ngang International Committee ang Minesweeper eh. At sa sobrang sikat nga ng larong ito ay ginawa na itong pelikula. Opo… kung hindi niyo nalalaman eh meron nang “Minesweeper: The Movie”. Ang YouTube video niya ay makikita sa link na ito: http://www.youtube.com/watch?v=LHY8NKj3RKs

Nawa’y marami pang Pinoy ang mahilig sa Minesweeper at magkaroon ng convention nito dyan sa Megamall o kaya sa Quirino Grandstand. Tiyak na marami talaga ang naglalaro ng Minesweeper pero nahihiyang umamin dahil baka bansagan silang weirdo o nerd. Hindi po totoo ito at “cool” ka pag naglalaro ka ng Minesweeper. Biro mo, mangilan-ngilan ka lang sa mga tao sa mundo na nakaka-intindi ng larong ito na hindi kailanman matututunan ng mga “lower-level beings”. Hehehe!

Deyey’s Approval: 80%