Archive for » May, 2008 «

Barker

Kategorya: Tao
Klase: Trabaho
Pangalan: Barker

Free Image Hosting at www.ImageShack.us
(Litrato mula kay laz’andre)

“O Quiapo, Fairview, Divisoria, Cainta, Cavite, Tawi-Tawi, Babuyan, Olongapo, Makati, Ermita, Bulacan kayo riyan!!! O sakay-sakay na dito!!! Maluwag pa po…”

Isipin niyo na isinisigaw yan at inyong maaalala ang mga barker ng jeepney na nagkalat kung saan-saang istasyon. May mga barker na nakakatuwa at may mga barker na parang tamad pero gayunpaman, ang mga barker ay hindi na mawawala sa ating lipunan. Kung wala sila, walang ingay.

Nakakapagtaka kung bakit kinakailangan pa ng barker ng mga jeepney, lalo na kung sila ay nasa isang istasyon na. Tiyak na patok sila sa mga baguhan na darating sa istasyon pero kung suki ka naman ng lugar na iyon eh hindi mo na kakailanganin pa ang mga barker. At kung driver ka naman ng jeepney, kayang-kaya mo rin namang magtawag ng pasahero.

Kataka-taka din na binabayaran lagi ng mga driver ang mga barker na bigla-bigla na lang sumusulpot sa mga lugar kung saan panandaliang humihinto ang jeepney. Halimbawa nito eh sa may bandang Delta kung saan maraming mga pasahero. Pag hinto ng jeepney sa isang lugar eh bigla na lang may sisigaw na tao na nagtatawag ng pasahero. Kung ako yung driver eh magagalit ako dahil may nakikisawsaw sa paghinto ko doon. Magbibigay pa ako ng pera!

May mga ilang barker naman na nakakatuwa talaga mag-tawag ng pasahero. Minsan sasamahan pa nila ng kanta ang bawat tawag nila. May mga ilan na nagsasayaw pa para lang maka-akit ng pasahero. Ang mga nakakatuwa talagang barker eh yung mga nakikipag-diskusyon sa driver habang naghihintay mapuno ang sasakyan. Samu’t-sari ang mga topics nila na talaga naman eh kinagigiliwan ng mga tagapakinig. Madalas din na nauuwi ito sa kuwentong barberuhan.

Hanggang ngayon eh hindi ko pa rin alam kung ano ba talaga ang silbi ng mga barker. Pero gayunpaman, kung natutuwa naman sa kanila o hindi ang mga driver, wala nang makakapigil pa sa kanila na magsusumigaw at magtawag ng pasahero.

Deyey’s Approval: 72%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Santacruzan

Kategorya: Pangyayari
Klase: Tradisyon
Pangalan: Santacruzan

Mga magagarang damit. Mga arkong namumutaktak sa mga disenyo. Mga binata’t dalagang naglalakad mula sa simbahan at pabalik para magbigay-pugay sa Inang Maria. Ito po ang mga aspetong makikita sa mga Santacruzan. Ang tradisyon na ito ay ginagawa tuwing Mayo at hanggang ngayon eh hinding-hindi pa rin ito nawawala sa uso. Alam nating may mga Santacruzan na sinasalihan ng mga bading kung saan tutol ang simbahang Pinoy. Gayunpaman, hindi pa rin nagsasawa ang ilang babae’t lalaki na sumali sa prusisyong ito.

Ngayong araw na ito eh nagkaroon ng Santacruzan dito sa amin. Si Ermats eh napiling Reyna Emperatris ng aming lugar. Sa totoo lang eh dapat ako ang eskorte niya pero sa kahuli-hulihang sandali eh umatras ako. Ako’y nahiya bigla. Marahil eh dulot ito ng ilang taon na pagsama ko sa Santacruzan dito sa amin kaya’t masasabi kong “beterano” na ako sa kaganapang ito at kailangan ko nang mag-retiro.

Hindi ko alam na meron palang Reyna Emperatris sa mga Santacruzan. Akala ko dati eh ang pinakamataas na ranggo ay napupunta sa mga Reyna Elena. Pero ewan ko ba kung anong ka-adikan ang nangyari dito sa amin. Halos 50 babae ang kasali sa aming Santacruzan! Tapos, tatlo ang aming Reyna Elena! Aysus… ang lufet! Para ka na ring nagkaroon ng chessboard na may tatlong piyesa ng Queen!

Ang ikinatutuwa ko sa mga Santacruzan ay ang mga arko. Alam kong pinagbuhusan ng matinding panahon at trabaho ang bawat arko kaya naman eh naggagandahan ang mga ito. Itong taong ito eh tumulong din ako sa paggawa ng arko ni Ermats pati na rin sa mga kabarkada kong sumali sa Santacruzan. Inaabot kami ng hatinggabi sa pag-aayos pero sulit naman ito. Puro lang kasi tawanan at kulitan habang nagkakabit ng mga disenyong kakaiba.

Medyo masakit nga lang sa paa ang paglalakad tuwing may Santacruzan, lalo na kung sumama ka mula simbahan at pabalik. Meron naman nang medyo modern na Santacruzan kung saan nakasakay na sa pedicab ang mga kalahok at ang napapagod lang ay yung nagpapadyak. Pero dito sa amin, old school ang trip ng mga tao. Mas OK daw maglakad. Ayun… may mga napagod at napa-upo na lang pagbalik ng simbahan.

Malaking pera din ang nagagamit tuwing may Santacruzan. Ang ilan eh talaga namang gumagastos para sa gown at makeup. Isang halimbawa dito eh si Ermats na nagpa-sadya pa ng damit at nagpunta pa sa parlor para magpa-makeup. Yung mga lalaki naman eh wala na masyadong pakialam sa mga ganito. Basta’t nagsusuot na lang sila ng puting T-shirt o camiso chino tapos ipapatong na yung baron. Yun! Tapos! Menos gastos!

Tiyak na kukulitin na naman ako sa susunod na taon para sumali sa Santacruzan. Hayy. Ganito talaga dito sa amin… pinipilit ang pinaka-guwapo para sumali.

Deyey’s Approval: 87%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Puyat

Kategorya: Pangyayari
Klase: Kalikasan
Pangalan: Puyat

Image Hosted by ImageShack.us

Nung bata pa ako (bata pa rin naman pala ako) eh galit na galit ako sa kasamahan namin sa bahay dahil lagi niya akong pinatutulog pag hapon. Tapos, pag di ako natulog eh lalagyan niya ng sili ang labi ko hanggang sa umiyak ako. Eh ayoko pa naman matulog dahil ipinapalabas pag hapon ang Silverhawks, Thundercats, at Tiger Sharks. Kaya naman bata pa lang eh natuto na akong magpanggap na tulog kahit na hindi.

Ngayong medyo may edad na ako (pero bata pa rin), parang mas hinahanap-hanap ko na ang pagtulog. Kung dati eh sanay ako sa puyatan, ngayon eh mas gamay ko na ang tulugan. Opo, hassle kapag napupuyat at mas lalong hassle pag wala kang tulog.

Ang Honey ko eh sanay sa puyatan. Ewan ko nga ba kung anong talent ang meron siya pero kayang-kaya niya ang halos isang araw na walang pikitan ng mata. Ako yata eh hindi tatagal ng ilang oras na walang tulog eh. Tulad ng mga sanggol eh parang mas gusto ko pang nakahiga at pikit ang mata. Mas masarap kasi matulog kaysa magpuyat.

Pero hindi maiiwasan ang pagkakataon na kinakailangan talagang magpuyat. Isang halimbawa nito ay ang pag-aayos ng arko para sa Santacruzan. Dahil naatasan kang gumawa, kailangan mong ibuhos ang iyong oras para matapos agad ang gawain sa takdang panahon. Kung kinakailangang magpuyat eh gagawin mo. Pero kung talagang hindi ka sanay, eh puwede rin namang bumulagta ka na lang at matulog.

Bilib talaga ako sa mga taong walang takot sa pagpupuyat. Ang mga sekyu nga eh umiidlip kahit na nasa trabaho eh! Yung ilan naman eh nakikiapag-tagisan ng galing kay Mata kung sino talaga ang tunay na matibay. Yung iba eh pinipilit na gumising dahil may pinagbababaran ng pansin. Maaaring ito ay lamay, sugal, barkada trip, o DOTA.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, may mga hindi magandang epekto sa katawan ang pagpupuyat. Maaaring magkulang ka sa dugo dahil dito. Puwede ka ring magkaroon ng sakit na insomnia, na isa sa pinakamahirap na kalagayan sa tanang buhay mo sa mundo. Pwede rin namang mabuang ka na lang bigla dahil wala nang hangin na pumapasok sa utak.

Hangga’t sa maaari eh magbigay ng tamang panahon para sa pagtulog. Ito ay pagkakataon para manumbalik ang nawalang lakas. Ito rin eh panahon para makatakas sa katotohanan. Mas masarap matulog kaysa gumising. Kaya naman ang aking payo eh matulog hanggang sa may pagkakataon… kung nasa opisina ka eh simplehan mo na lang…

…pag binati ka ng boss mo, bigla kang mag-krus at mag-Amen sabay hirit ng “Bakit po?”

Deyey’s Approval: 47%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Bayad Center

Kategorya: Serbisyo
Klase: Pang-bayad
Pangalan: Bayad Center

Image Hosted by ImageShack.us

Sa panahon ngayon, napakarami nang kailangang bayaran. Meron kang kuryente, telepono na landline, telepono na cellphone, tubig, credit card, insurance at kung anu-ano pang anik-anik. Dapat eh sa kanya-kanyang opisina binabayaran ang bawat isa sa mga ito. Pero dahil sa kakayahan ng makabagong teknolohiya, napadali na ang pagbabayad ng mga pangangailangang ito.

May ilan na sanay magbayad sa mall o kaya sa bangko. Lingid sa kaalaman nila, may mga lugar na itinalaga para lalong mapadali ang pagbabayad. Ito ay tinatawag na Bayad Center at karamihan ng mga lugar sa siyudad eh meron nito. Bale pupunta ka lang doon, magbibigay ng bill na bayarin at ang kaukulang pera at yun na… ayus na ang buto-buto!

Nagiging suki na ako ng Bayad Center lalo na’t isang tricycle lang ang layo nito mula sa aming bahay. Kapag medyo nagmamadali na ako dahil papalapit na sa deadline ang bill, dito na lang ako sa may amin nagbabayad imbes na sa mga malls o bangko. Pareho lang naman kasi ang proseso at mas kakaunti pa ang pila. May mga tao kasing nag-aakala na hindi mabilis ang transaksyon sa lugar na ito. Hindi lang nila alam na matulin din dito.

Ang Bayad Center nga lang eh humihingi ng karagdagang bayarin sa bill na ibibigay mo sa kanila pero napakababang halaga lamang naman nito. Ito ay tinatawag nilang “Transaction fee”. Para na rin itong extra bayad sa mahusay na serbisyo ng lugar. Kung trip mong umiwas sa mahabang pila na makikita sa ibang lugar, mag-Bayad Center ka na lang kahit na may dadgdag-bayad.

Ang ikinaganda pa ng Bayad Center dito sa may amin eh katabi nito ang mga ATM. Opo, bale pag-withdraw mo, bigay na agad ang pera sa kahera. Para ka na ring nagpa-holdap nang legal. Gayunpaman, alam mo rin na ang pinagbibigyan mo ng pera eh para sa mabuti. At alam mo rin na pag di ka nagbayad, may mga bagay na mawawala sa iyo… tulad ng kuryente!

Napakadali lang ng mga transaksyon sa Bayad Center. Madali. Simple. Mabilis. Parang yung perang pinag-ipunan mo ng isang buwan… ibabayad mo sa kanila. Bale yung pera mo mawawala na lang bigla. Madali. Simple. Mabilis!

Deyey’s Approval: 85%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Indiana Jones and the Kingdom of the Crystal Skull

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Indiana Jones and the Kingdom of the Crystal Skull

Image Hosted by ImageShack.us

Kapag sinabing “Indiana Jones”, ang unang pumapasok sa isip ko ay adventure at paghahanap ng kung anu-anong kakaibang kagamitan. Hindi man ako nakanood nung unang tatlong Indiana Jones na pelikula eh alam ko na ang plot ng palabas. Dala ito marahil ng pagiging “legendary” ng Indiana Jones na serye. At kahit na ito ay ang kauna-unahan kong panonood, ako ay talaga namang nagalak sa pelikula na para bang gusto ko ring panoorin ang mga nakalipas na pelikula.

Hindi naman kamangha-mangha ang Indiana Jones and the Kingdom of the Crystal Skull (na dahil sa haba ng pangalan eh tatawagin ko na lang na “Crystal Skull”) pero nakakatuwa siya at sulit naman sa bayad. Kahit na hindi ka mahilig sa mga adventure films eh tiyak na magagalak ka dito. Kumpleto ito sa aksyon, komediya, drama, suspense at kung anu-ano pa!

Medyo lugi lang talaga ako dun sa mga fans ng seryeng ito dahil may mga eksena kung saan naririnig ko ang mga katabi ko na nagsasabing “Nung part 2 may ganito dyan” o kaya “yan na si kuwan nung part 1?. Nakaka-bad trip na nakakatuwa din. Masarap din maging first timer… parang birhen lang.

Magaling ang pagkaka-acting ng mga tao dito at hindi kapansin-pansin na tumanda na si Harrison Ford. Sa edad niya eh papasa na siya bilang lolo ko pero kitang-kita sa palabas na astig pa rin ang kanyang tindig at kayang-kaya pang makipag- basag-ulo sa mga tulad ni Max Alvarado at Bomber Moran. OK din ang acting ni Shia Lebouf kaya lang eh na-associate ko na siya sa palabas na Transformers. Akala ko nga eh sisigaw siya ng “Autobots…”

Hindi lang ako masyado solb dun sa plot tungkol sa mga aliens na may see through na bungo. Mas kapani-paniwala kasi sa akin ang Ark of the Covenant at ang iba pang artifacts pero parang walang dating ang bungo. Puwede naman kasi sana silang kumuha ng mga ibang nakatagong yaman tulad ng tunay na Mona Lisa, espada ni Magellan, o ang pera ng Pilipinas.

Gayunpaman, sulit din talaga ang panonood ng “Crystal Skull”. Basta tumutok ka lang sa takbo ng kuwento at huwag sa mga plot holes at tiyak na magagalak ka. Baka nga pagkatapos ng palabas eh bigla mo na lang hatakin ang sinturon mo at maglalambitin sa kung saan-saan.

Deyey’s Approval: 83%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Yaiba

Kategorya: Pangyayari
Klase: Palabas
Pangalan: Yaiba

Image Hosted by ImageShack.us

Paboritong-paborito ko noon ang ABC-5. Dito kasi madalas ipalabas ang magagandang anime. Tandang-tanda ko pa noon na sinusubaybayan ko ang palabas na “Yaiba: The Legend of the Master Swordsman”. Sa totoo lang, medyo kiddie ang dating ng palabas pero natuwa talaga ako sa kuwento niya kaya’t lagi ko siyang inaabangan.

Ang kuwento ng Yaiba ay tungkol sa isang bata na nakakuha ng mahiwagang espada. Hindi niya alam na ang espadang iyon ay may kambal, at ito naman ay nakuha ng kanyang kalaban. Parehong may butas ang kanilang mga espada kung saan puwede silang maglagay ng mahiwagag bola na may pansariling kapangyarihan. Simple lang ang drawing ng Yaiba pero tunay na pinag-isipan talaga ang kuwento.

May halong comedy at action ang Yaiba. Dahil nga pambata, hindi siya kasing violent ng Dragonball o kaya Bleach.  Gayunpaman, hindi nawawala ang maaaksyong tagpo, lalo na pag may nakakalaban na si Yaiba na halimaw o kaya kampon na pakawala ng kanyang karibal. Astig na astig din ang mga moves na gamit niya sa palabas na ito at talaga namang nakaka-aliw.

Tulad ng karamihang anime, may mga kasamang tropa si Yaiba sa kanyang pagtugis sa kalaban. Laging may katatawanan sa mga adventures ni Yaiba, lalo na pag yung master niya ang kanyang kasama. Medyo may pagka-sexist din ang palabas dahil lagi na lang may lolo na naninilip sa mga palda ng babae. Meron ding bida na wala nang alam gawin kundi ang magpa-pogi. Halo-halong karakter kaya’t nagiging masaya ang palabas.

Nakakainis lang talaga at mukhang walang balak ibalik ng kahit anong network ang Yaiba. Para bang mas gusto pa nilang paulit-ulit na ipalabas ang laos na anime kaysa sumubok sa mga pumatok noon. Tiyak na pag ipinalabas muli ang Yaiba eh maraming bata ang susunod sa kanyang adventures. Dadami din ang mga bata na magkakagusto sa laruang espada na tulad kay Yaiba. Yayaman na naman ang bansang Hapon!

Deyey’s Approval: 80%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Smashing Magazine

Kategorya: Website
Klase: Pang-kaalaman
Pangalan: Smashing Magazine

Image Hosted by ImageShack.us

Ang pagkakaroon ng magandang disenyo ay mahalaga sa paggawa ng kung anu-anong bagay. Halimbawa, kung magpapatayo ka ng bahay eh kailangan mo munang kumuha ng arkitekto para maayos ang pagkakagawa. Sa mga trabahong pang-disenyo na ginagamitan ng computers, samu’t-saring ideya ang mapupulot kung dadaan ka sa website na Smashing Magazine. Dito ay makakakuha ka ng fonts, wallpapers, website design at kung anu-ano pa.

Madalas akong dumadaan ng Smashing Magazine pag gusto kong maghanap ng mga pwedeng idagdag na pampa-pogi sa computer. May mga wallpapers dito na talaga namang kaakit-akit. Meron din silang mga fonts na pwedeng gamitin sa mga projects. Siyempre, meron din silang mga articles na nagtuturo ng mga techniques sa computer.

Isa ang Smashing Magazine sa mga websites na naka-bookmark sa aking computer. Lagi kasi itong nagu-update tuwing linggo kaya’t alam kong may mapupulot akong aral dito. May mga topics dito na hindi nababagay sa akin tulad ng kanilang mga coding samples. Pero mas marami pa rin ang mga articles na mapupulutan ko ng aral tulad ng photo editing techniques at website customization. Nakaka-aliw talaga.

Pangit naman kasi na kung sa tuwing dadalaw ka sa Internet eh wala kang mapupulot na aral. Mas maganda pa rin talaga na sa bawat oras na iginugugol mo para magsaya eh may panahon din para matuto ng mga bagong kaalaman. Kung adik ka sa Net, dapat dumaan ka sa mga website na tulad nito.

Tiyak na tatagal pa ang buhay ng Smashing Magazine at hindi basta-basta mawawala. Marami ang natutuwa sa pagdalaw sa site na ito at marami na rin itong natutulungan na mga katulad ko. Hindi dahil sa hindi tayo tech-savvy eh dapat wala na tayong malaman na mga bagong ideya na tulad ng hinahatid ng site na ito.

Deyey’s Approval: 85%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

SM Hypermarket Instant Lotto

Kategorya: Bagay
Klase: Pa-premyo
Pangalan: SM Hypermarket Instant Lotto

Image Hosted by ImageShack.us

Lahat ng tao ay naghahangad ng suwerte. Yung iba eh halos ginagawa na itong hanapbuhay tulad ng mga taong halos kada-linggo eh pumipila para sa Lotto. Meron namang natutuwa lamang kapag nasasali sila sa mga pa-contest. Isa na ako sa mga taong ito na masaya na kapag may nasasalihang mga promo. At kamakailan nga ay nalaman ko na merong pa-lotto ang SM Hypermaket. Para makasali ka rito, kailangan mong makabili ng mahigit P500 sa mga piling produkto nila. At sa kabutihang palad eh nakalampas ako sa kanilang quota kaya’t nakakuha ako ng maraming lotto tickets.

Simple lang ang gagawin mo sa SM Hypermarket Instant Lotto. Bale bibigyan ka ng card sa redemption booth pagkatapos mong magpakita ng resibo. Tapos, i-scratch mo ang coating nito. Pag may tatlong magkakaparehong item sa nakuha mo, matatanggap mo ito nang walang kahirap-hirap! Sa kasamaang palad eh hindi ako nagwagi…  buti pa yung kapatid ko na nakakuha ng isang lata ng Coke.

Nung unang tingin eh akala ko nanalo na ako ng P5,000 pero nang matauhan ako eh yung isa pala ay P50,000. Sobrang eng-eng ko talaga at parang gusto ko pang kulitin yung kahera doon na nanalo ako. Buti na lang at napalingon uli sa ticket. Sayang… bawi na sana yung nagamit sa grocery.

Maganda ang pa-promo na ito ng SM dahil bukod sa nakapamili ka na ng kailangan mo, mabibigyan ka pa ng pagkakataon na manalo ng limpak-limpak na salapi. Kahit na sabihin pa nating P500 yun, pwede na rin ito na pang-load o kaya eh pambili ng pasalubong sa bahay. Ano na lang kaya kung ang mapanalunan mo ay yung P50,000 di ba? Ilang linggong grocery na rin yun!

Medyo hindi lang talaga ako suwerte sa mga pa-promo na tulad nito. Hindi pa ako nananalo ng salapi sa mga scratch and win kaya naman medyo frustrated na rin ako. Pinapa-asa lang ako ng mga gumagawa ng pa-promong ito. Hehe. Pero ayos lang dahil alam ko naman na may mga tao silang napapaligaya tuwing nanalo ang mga ito.

Tiyak na magkakaroon pa ng iba pang pa-promo ang SM Hypermarket sa mga darating na taon. Tiyak din na limpak-limpak na salapi at ilang lata ng Coke ang ipamimigay nila. Sana lang sa pagkakataong iyon eh manalo na ako… kahit na yung P50,000 man lang!

Deyey’s Approval: 70%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Mandarin Wok

Kategorya: Lugar
Klase: Restaurant
Pangalan: Mandarin Wok

Image Hosted by ImageShack.us

Ako ay isang taong mahilig kumain ng mga tsibuging Intsik. Sa sobrang dami na ng lugar na nakainan ko na ganito ang putahe, hindi na kataka-taka sa akin na may mapili akong masarap at hindi. Nagagalak naman ako tuwing nagagawi sa mga Chinese restaurants dahil alam kong madalas eh pare-pareho ang mga menu nila. Nakakatulong ito sa akin para maihambing ang lasa ng bawat isa.

Nitong araw na ito ay nanggaling ako sa Mandarin Wok. Dito kami kumain ng hapunan ng Honey ko. Siyempre, dahil pagkaing Intsik eh alam kong susubukan kong tikman ang beef mami nila. Pero bago pa man ang bagay na iyon eh pumili muna ako ng pagkain na may kanin. Hindi ko na maalala yung tinikman ko basta may karne ito at isa itong rice topping. At ang masasabi ko lang eh hindi ako natuwa sa kinain ko.

Marahil nga eh dahil nakatikim na ako ng iba pang masasarap na pagkaing Intsik kaya’t naging mataas na ang standard ko para dito. Sa kasamaang palad, huli na nang matikman ko ang luto ng Mandarin Wok. Kahit papaano eh malasa naman siya kaya lang hindi siya pumatok sa dila ko. Kumbaga eh may hinahanap-hanap na akong lasa na tila wala sa pagkaing binigay sa akin.

Yung mami eh medyo malasa naman pero kulang lang talaga ang dating. Napansin ko nung panahong kumain ako dito eh maraming ibang naroon ang um-order din ng mami. Tila ito ay isa sa mga best sellers nila. Sino ba naman ang hindi gaganahan kumain nito eh meron silang size na XL kung saan halos kasya na ang mukha sa loob ng mangkok. Patok sana sa dami, talo lang sa panlasa ko.

Medyo natuwa ako dun sa kinain kong karne na rice toppings. Mahusay ang pagkaka-timpla at hindi naman nagkulang sa sahog. May mga gulay pa nga itong kasama na talaga namang pinapak ng Honey ko. Natikman ko din ang kanilang mango shake kaya lang eh olats ito dahil hindi pala ito orig kundi artificial lamang. Sayang, mahilig pa naman ako sa mango shake.

Masasabing ayos na rin sa panlasa ang Mandarin Wok. Kumbaga, hindi ka naman malulugi sa mga tsibog nila. Marami ang servings nila na para talaga sa mga taong malakas kumain. Pero, kung nakatikim ka na ng talagang de-kalidad na pagkaing Intsik, baka mang-hinayang ka sa timpla sa restaurant na ito. Ang kanilang luto ay sinadya para sa mga taong naghahanap ng ayos na kainan na talagang laman-tiyan at hindi para sa sosyal na salu-salo.

Deyey’s Approval: 68%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Speed Racer

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Speed Racer

Image Hosted by ImageShack.us

Mahilig ka ba sa maraming kulay? Hindi ka ba kuntento sa 16 pieces na colors sa Crayola? Puwes, kung kulay ang hanap mo, Speed Racer ang pelikulang nababagay sa iyo! Ang Speed Racer na pelikula ay hango sa 70s na cartoons tungkol sa karera. Ito ay hindi dahil “Racer” ang title kaya naging karera… “Racer” kasi talaga ang apelyido nung bida. At Speed ang first name niya! Opo… malamang humihithit ng kung anong droga ang mga nakaisip ng palabas na ito.

Kahit na hindi ka pa nakapanood nung lumang cartoons na Speed Racer eh maiintindihan mo agad ang takbo ng kuwento sa pelikula. Ang aral na mapupulot dito eh tungkol sa pagmamahal sa pamilya at pagmamahal sa karera. Siyempre medyo adik lang talaga ang palabas dahil kakaiba ang mga race track nila na talaga namang pumapalag sa Laws of Physics.

Kapansin-pansin ang todo-todong paggamit ng kulay ng mga CGI graphic artists ng palabas na ito. Tipong sa mga unang eksena pa lang eh napakakulay ng mundong ginagalawan nina Speed at ng kanyang mga kasama. Sobrang tingkad ng kulay na ginamit kaya’t kapansin-pansin agad ito. Kung sabagay, ano pa nga ba naman ang aasahan mo kung ang nag-direk ng pelikulang ito eh ang siya ring namuno sa sikat na sikat na Matrix trilogy. Gusto nila kakaiba… at kakaiba nga talaga ang hinatid nilang palabas sa mga tao.

Nakakatuwa ang mga weapons na gamit ni Speed sa kanyang sasakyan. Kung natatandaan ko eh ito rin ang mga eksaktong ginagamit niya sa cartoons. Sobrang astig nga ng palabas dahil kahit yung galaw ng background sa cartoons eh kuhang-kuha nila. Pati damit nila ganun din. Tsaka siyempre may mga eksenang patawa na hindi na maaalis sa Speed Racer series.

Hindi nagkulang sa characters ang Speed Racer kaya’t tiyak na tuwang-tuwa dito ang mga die hard fans. Nariyan siyempre si Speed at ang kanyang mahal na si Trixie. Andun din ang kanyang ama’t ina. Pinakita din ang kanyang nakatatandang kapatid na si Rex Racer. Siyempre, kasama din nila si Racer X. Pati si Spritle, Chum Chum at Sparky eh narito din! Adik talaga sa kakumpletohan ng main characters!

Kung mahilig kayo sa mga palabas na uuwi kayong masaya, huwag niyong palalampasin ang Speed Racer. Iba ang special effects na ginamit dito. Siyempre pati kulay eh kakaiba din. Hindi na siya Crayola. Hindi na rin siya Technicolor. Ewan ko kung anong klaseng color technique ang ginamit nila.

Pero malamang hindi sila gumamit ng crayon na Camel…

Deyey’s Approval: 91%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment