Archive for » 2008 «

Cecon

Kategorya: Bagay
Klase: Gamot
Pangalan: Cecon

Image Hosted by ImageShack.us

Daig ng nag-iingat ang pabaya, lalo na sa mundo ngayon. Tayo ay napalilibutan ng iba’t-ibang mapanganib na elemento tulad ng polusyon, usok ng yosi, sakit mula sa ubo, at kung anu-ano pa. Para mapangalagaan ang sarili at para mapatibay ang resistensiya, kinakailangan nating uminom ng bitamina. Para sa akin, ang pinakamainam na bitamina ay ang Cecon.

Bale Ascorbic Acid lamang ang Cecon. Hindi siya tulad nung ibang multivitamin na kumpleto mula A hanggang Zinc. Gayunpaman, sapat na sa akin ang Cecon para sa aking pang araw-araw na buhay. Hindi naman ako nagkaka-sipon. Hindi rin naman ako madalas magkasakit. Mahusay ang Cecon lalo na kung sasamahan mo pa ito ng tamang pagkain at ehersisyo.

Ang Ascorbic Acid o Vitamin C ay makukuha sa iba’t-ibang citrus fruits. Halimbawa nito ay ang oranges at lemons (parang banda lang). Kung ikaw ay hindi mahilig kumain ng prutas (tulad ko), ang tanging paraan para makakuha ka ng Vitamin C ay ang pag-inom ng supplements. Dito na nga pumapasok ang Cecon.

Sabi nung uncle ko, puwede mo naman daw nguyain ang Cecon. Kahit na sabihin pa niya ito, hinding-hindi ko ito gagawin dahil medyo maasim ang lasa pag kinagat mo ang gamot. Kaya naman pag umiinom ako nito eh sinisgurado kong may tubig na malapit sa akin para madali ko siyang malunok.

Araw-araw din ako kung uminom ng Cecon. Para bang naging natural na gawain na ito para sa akin. Bale, pagkatapos ko mag-almusal, iinom na ako ng Cecon tapos sasamahan ito ng isang inumin na may lamang Lactobacillus (OK ka ba tiyan?). Pakiramdam ko ay hindi kumpleto ang araw ko pag wala ang mga ito (tsaka pag hindi ako naka-inom ng Olympic Energy Drink).

Kung trip mong sumubok ng Ascorbic Acid, mag-Cecon ka na dahil subok na subok ito. Mahusay naman siya sa katawan at talagang napo-protektahan ka laban sa mga masasamang elemento sa hangin. Puwera na lang siguro kung utot yun… talo ka talaga dun kahit na ano pa mang supplements ang inumin mo!

Deyey’s Approval: 83%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Bigote

Kategorya: Bagay
Klase: Pang-katawan
Pangalan: Bigote

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Suwabe! Yan ang naaalala ko pag nakakakita ako ng malupit na bigote. Marahil dulot ito ng awiting “Mr. Suave” ng Parokya ni Edgar kung saan ikinukuwento nila kung bakit astig ang taong may bigote. Pero bakit nga ba may mga lalaki na matindi ang pagpapatubo ng bigote?

Naaalala ko lagi si Erpats pag pinag-uusapan ang bigote. Ito kasi ay parang marka niya. Kahit kami dito sa bahay eh naninibago pag inaahit niya ang bigote. Mas suwabe si Erpats pag may bigote. At tulad ng ibang tao, mas bagay sa kanila ang may bigote kesa sa wala.

Si Max Alvarado ang naaalala ko sa mga artistang Pinoy pagdating sa usapang bigote. Tuwid na tuwid kasi ang bigote niya kaya naman astig talaga. Bumabagay sa kanyang role na isang kontrabida. Sa totoo lang, karamihan ng astig na kontrabida ay may bigote. Nariyan si Romy Diaz at Paquito Diaz. Isama mo na rin si Rez Cortez.

Pero may mga bida rin naman na may bigote. Sino ba naman sa mga lumaki nung 80s at 90s ang makakalimot kay Rene Requiestas? Siya na ang ata ang may pinaka-nakakatawang pelikula noong panahong iyon. Kahit nga naging sidekick lang siya ni idol Joey De Leon sa Starzan eh napahanga pa rin niya ang mga manonood (lalo na’t siya’y “Ganda Lalake”).

Kahit sa larangan ng pulitika sa Pilipinas eh may mga tanyag na tao na may bigote. Siyempre, andiyan ang dating pangulong si Joseph Estrada. Para bang pag inalis mo sa kanya ang bigote eh hindi na siya “Erap”. Mas nakikilala siya dahil sa kanyang astig na bigote.

Sa sports naman, may mga taong tanyag din dahil meron silang malupit na bigote. Pagdating sa boxing, si Pacquiao at ang kanyang bigote ang pumapasok sa isip ko. Oo, tunay na malakas talaga si Pacquiao pagdating sa suntukan. Pero, mas suwabe pa rin ang kanyang bigote. Para bang ito ang nang-aakit sa kalaban niya kaya’t hindi nila napapansin ang hagupit ng suntok ng “Pambansang Kamao”.

Parang kahit saan ka lumingon ay makakakita ka ng bigote. Hindi ko nga alam kung bakit pagdating sa mga job interview eh dapat inaalis ang bigote. Ngayon ay sinusubukan kong magpatubo ng bigote pero aalisin ko din ito pag nainis na ako dito. Gusto ko lang subukan ang pakiramdam ng isang taong may makapal na bigote.

Gusto ko lang maging suwabe!

Deyey’s Approval: 81%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Mr. Quickie

Kategorya: Serbisyo
Klase: Pang-sapatos
Pangalan: Mr. Quickie

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Mr. Quickie site)

Ilang beses mo nang naranasan na masiraan ng sapatos sa maling pagkakataon? Ako nakaka-ilang beses na din. Ang mga pinaka-nakakahiyang kaganapan sa buhay ko ay konektado sa pagkakatanggal ng suwelas ng sapatos ko. Nasira na ang sapatos ko habang pasakay ako ng jeep at nung papunta kami ng Tagaytay ng Honey ko. Gayunpaman, hindi ako nawalan ng pag-asa na maaayos ang sapatos ko.

Alam ko kasi na kayang-kayang ayusin ng Mr. Quickie ang aking sapatos. Subok na subok na sa aming pamilya ang serbisyo ng Mr. Quickie. Halos ilang sapatos na namin ang naidikit at natahi sa mga tindahan ng Mr. Quickie. At, tulad nga ng pangalan nila, mabilis talaga ang kanilang serbisyo. Parang quickie lang talaga… ipasok mo lang at mamayang konti, ilalabas mo na!

Kahit anong klase ng sapatos ay kayang-kayang ayusin sa Mr. Quickie. Mapa-balat man ito o rubber, may solusyon sila sa pagkaka-sira ng sapatos. Papipiliin ka pa nila kung anong klaseng suwelas ang gusto mong ikabit. Tapos, puwede mo ring itanong kung itatahi o ididikit ang suwelas. Ikaw ang magsasabi kung papaano aayusin ang sapatos. Sila na ang bahala kung paano nila gagawin yun.

Siyempre, kailangan mo lang intindihin na bababa ang value ng sapatos kung mapapalitan ang suwelas nito. Halimbawa, kung ang sapatos mo ay padala pa sa iyo mula sa Amerika tapos nasira ang suwelas nito, asahan mo nang “Mr. Quickie” ang nakalagay sa buhangin kapag itinapak mo ang sapatos sa beach. OK lang naman kung ganito dahil, ika nga ni Peter Juan, “ang sapatos ay isinusuot at hindi idini-display”.

Kailangan ding tandaan na maraming kompetisyon ang Mr. Quickie. Nariyan ang mga sapatero sa kanto na bihasa din sa kanilang trabaho. Hindi natin sila minamaliit bagkus ay hinahangaan pa natin sila dahil kahit na sikat na sikat na ang Mr. Quickie, hindi pa rin sila tumitigil sa kanilang kinalakihang tungkulin. Yun nga lang, mas madaling mahagilap ang Mr. Quickie dahil ang mga branch nito ay nasa mall lamang.

Titibay yon. Yan ang pangako ng mga sapatero sa tuwing maaayos nila ang isang pares ng sapatos. Kikinis yon. Isa din ito sa mga pangako nila. Ang Mr. Quickie ay sumusunod din sa patakaran na ito. Pag dinala mo ang sapatos mo sa kanila… titibay yon… kikinis yon.

Kaya’t huwag mag-atubiling dalhin sa Mr. Quickie ang sapatos mo. Kung gusto mo ng mabilis at maayos na serbisyo, kay Mr. Quickie lang umasa. Sapat na sapat ang ibinayad mo para maayos ang pinakamamahal mong sapatos. Dali… mag-Quickie ka na!

Deyey’s Approval: 85%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Ninoy Aquino International Airport (NAIA)

Kategorya: Lugar
Klase: Paliparan
Pangalan: Ninoy Aquino International Airport (NAIA)

NAIA

Masarap bumiyahe sa ibang bansa. Kung ikaw ay wala namang “fear of heights”, mas gugustuhin mo pang sumakay ng eroplano para mag ibayong-dagat. Pero bago ka pa man makaalis ng Pilipinas, kailangan mo pa ring dumaan sa mga paliparan. At ang tanging paliparan sa siyudad kung saan kailangan mong dumaan para makapunta sa ibang bansa ay sa NAIA.

Madalas kaming nagagawi sa NAIA tuwing sinusundo si Erpats. Kada ilang buwan ay umuuwi kasi siya dito. Ayun, lagi tuloy naming nakikita ang harapan ng NAIA. Siyempre nakapasok na rin kami dito lalo na nung nagtungo kami sa Singapore. Napakaganda ng lugar at laging punung-puno ng tao.

Tulad ng ibang paliparan sa bansa, kailangan mo munang dumaan sa security check bago ka makapasok sa NAIA. Sa panahon ngayon, mainam na ang nag-iingat. Lahat ng bagay na puwedeng gamitin ng terorista ay ipinapaiwan. Bawal ang matatalas na bagay, mga pressurized na botelya, mga likido… kahit sinupot na utot bawal! Ganito kahigpit sa seguridad ang NAIA.

May mga kailangan ka ding bayaran pagdating sa loob ng NAIA. Nariyan ang terminal fee at kung anu-ano pang fees. Kaya dapat bago ka lumarga ay may sapat ka pang salapi. Kahit ilang libo lang puwede na. Sayang naman kasi kung dollars o Euro ang ipambabayad mo. Sa akin mo na lang ibigay kaysa sa kanila.

Habang naghihintay sa loob ay puwede kang mamasyal sa kanilang mga duty free shops. Dahil nasa loob ng airport, medyo may kamahalan ang mga tinda nila. Yung simpleng beef mami nga eh umaabot na ng P80! Yung tubig na maliit ay nasa P30-P50 range. Astig! Insta-cash!

Kung ikaw naman ang naghihintay sa labas, wala pa ring problema dahil may waiting lounge ang NAIA. May lugar doon kung saan nakatayo lang ang mga tao habang hinihintay ang mga kasamahan nilang galing sa ibang bansa. Ito yung nakikita niyo sa pelikula… kulang na lang ay may banner pa. May second floor naman ang lugar na ito kung saan may mga upuan at ilang lugar na mabibilhan ng pagkain.

Kadalasan ay sa Duty Free ang diretso ng mga tao pagkatapos lumapag sa NAIA. Dahil lagi namang umuuwi si Erpats dito, hindi na kami dumadaan sa Duty Free. Yung perang naipon niya eh sa mga grocery na lang namin winawaldas. Kasi, alam naman namin na bago siya umalis ay marami na siyang binayaran sa NAIA. Hanggang sa pag-uwi niya ba ay pababayarin pa rin namin siya?

Kung ikaw ay papasok pa lang sa NAIA sa kauna-unahang pagkakataon, asahan mo na ang pila at ilang bayarin. Kailangan talaga ito para mapanatiling malinis at ligtas ang lugar. Sulit naman din kasi sa loob. Kapag naghihintay ka na lang ng flight eh puwedeng paupo-upo ka na lang muna habang nagbabasa ng diyaryo. O kaya eh mag-Internet ka muna sa pamamagitan ng pag-konek sa Wifi.

At siyempre, kahti na nasa ibang bansa ka na, dapat ay dalawin mo pa rin ang blog na ito para naman hindi mo makalimutan ang sariling wika!

Deyey’s Approval: 85%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Rudy Fernandez

Kategorya: Tao
Klase: Artista
Pangalan: Rudy Fernandez

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Igma.tv)

Isa na naman pong institusyon ng pelikulang Pinoy ang pumanaw. Siya po ay si Rudy Fernandez na kaninang umaga ay bumigay na sa sakit na cancer. Marami po ang nagluluksa sa kanyang pagkawala hindi lamang po ang mga kaibigan at kamag-anak niya sa industriya kundi pati rin kaming mga fans niya. Kahit na sabihin pa ng iba na napaka-predictable ng Pinoy action films, alam din nila na kapag si “Daboy” ang bida, asahan mo na ang matinding bakbakan at barilan.

Kakaunti lang ang mga napanood kong pelikula ni Rudy Fernandez pero gayunpaman, hanga talaga ako sa istilo niya sa pag-arte. Hindi siya over-acting at nadadala niya ang karakter na pinagagawa sa kanya. Madalas tahimik siya sa mga eksena niya pero kapag nagalit eh matinding suntukan na ang kalalabasan. Iba talaga si Daboy at tunay na nagdala siya ng ka-astigan sa pelikulang Pinoy.

Nagulat nga ako nang sabihin ni Ermats kaninang umaga na pumanaw na nga ang artista. Para kasing kailan lang eh nakita ko sa balita sa TV na gumaling na siya. Natuwa pa nga ako noon at nasabing “Kahit pala sa tunay na buhay eh astig itong si Daboy…”. Kaya naman nung magkaroon ako ng tsansang makapag-Internet eh hinanap ko agad kung tunay ang balita. At, sa kasamaang palad, totoo nga. Wala na ang artista.

Nakakalungkot lang talaga at pumanaw na ang isa sa mga haligi ng Pinoy action films. Natatandaan ko pa noong medyo bata pa ako eh niyayaya ako ng uncle ko na adik sa aksyon na manood ng sine na si Daboy ang bida. Siyempre, dahil bata pa ako eh hindi ako sumasama dahil mas trip ko pang manood ng cartoons. Ngayong meron nang mga DVD collections eh nakakanood ako ng mga lumang pelikula ni Rudy Fernandez at nadadala talaga ako sa lufet ng acting niya.

Doon nga sa dati kong trabaho eh nagkaroon ako ng pagkakataon na i-rebyu ang isa niyang pelikula. Hindi ko na maalala ang pamagat pero ang natatandaan ko eh pahinante siya sa pagawaan ng armas at sekyu naman ang utol niya. Nang magkaroon ng rambol sa pelikula eh naisip ni Daboy na maging vigilante. Niratrat niya ang mga kalaban kaya lang eh bawal pala ito ayon sa mga pulis. Ayun, nahuli siya sa dulo ng palabas.

Natatandaan ko din na siya ang gumanap kay Ping Lacson sa pelikula. Astig din siya rito at medyo hawig nga ang hitsura niya dun sa dating hepe ng pulisya. Iba ang karisma na dala ni Daboy sa pinilakang-tabing. Ang ka-astigan niya ay lumalabas ng telon.

Ngayon ay itutuloy niya ang kanyang ka-astigan sa langit, kung saan habang-buhay siyang nakabantay sa bawat isang Pinoy na mahilig sa pelikulang aksyon. Tapos na ang laban niya sa cancer at siya ay mapayapa nang nagpapahinga. Siya ay umalis na parang isang tunay na bida… hindi sumuko hanggang sa kahuli-hulihang sandali.

Deyey’s Approval: 86%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Kung-Fu Panda

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Kung-Fu Panda

Image Hosted by ImageShack.us

Iisa lang ang napagtanto namin ng Honey ko pagkatapos naming mapanood ang pelikulang ito: di hamak na mas nakaka-aliw ang mga animated films kaysa sa mga live action comedy movies na pilit na pilit ang mga patawa. Hindi kami natapos sa kakatawa sa mga eksena sa Kung-Fu Panda at hindi talaga namin inaasahan na magiging ganoon ito kaganda.

Simple lang ang takbo ng kuwento sa palabas na ito. Bale may tamad na panda na sa kasamaang palad eh napiling tagapag-mana ng sinaunang sikretong itinago nang mahabang panahon. Kaya lang eh may gusto ring magkamit ng sikretong ito at dito umikot ang kuwentong bakbakan. Pero mas nanaig pa rin ang mga patawa. Sa sobrang ganda ng pelikula eh halos sabay na sabay ang tawanan ng mga matatanda at ng mga bata.

Magaling din ang pagkaka-animate sa mga characters sa Kung-Fu Panda. May mga eksena kung saan buhay na buhay ang mga backgrounds at parang totoo talaga pati ang pag-agos ng tubig. Mapapansin din ang pagiging furry ng mga kahayupan, lalo na doon sa bidang panda. Pati mga facial expressions eh kamangha-mangha at talaga namang matatawa ka pag nag-make face ang ibang characters.

Tutal pinag-uusapan na rin ang mga characters, ako’y nadala talaga sa pagkakagawa sa bawat bida pati na rin sa kalaban. Sobrang cute ng pagkakagawa ng animation team sa panda pati sa kalaban niyang tigre. Magaling din ang pagkakagawa sa iba pang bida ng kuwento. Tila pinag-aralan nilang mabuti ang bawat hayop at dito ibinase ang magiging hitsura nila kung nakatayo sa dalawang paa (puwera na lang doon sa ahas na walang paa… pero may ribbon).

Mahusay din ang takbo ng kuwento at walang nakakatamad na eksena. Kumbaga hindi mo maaasahan ang mga punchlines sa kuwento. Talagang pinag-isipan ang istorya. Siyempre hindi nawawala ang mga slapstick jokes na kinagiliwan naman ng mga bata. Yung dialogue eh nakakatuwa din at kapansin-pansin ito sa masigabong halakhakan ng mga matatanda sa sinehan.

Dahil sa pagkatuwa namin ng Honey ko sa palabas na ito eh napapa-isip siyang bumili ng stuffed toy nung bidang Panda habang ako naman eh parang gustong bumili ng “happy meal” sa isang sikat na restaurant (na itago na lang natin sa initial na “M”) para makakuha nung laruan. Matagal-tagal na rin akong natuwa sa isang animated na palabas at ang masasabi ko lang eh napakaganda talaga ng palabas na ito.

Kung trip mong mawala ang stress, subukan mong manood ng Kung-Fu Panda. Maghanda na rin dahil “awesome” ang pelikulang ito.

Deyey’s Approval: 93%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Aladdin

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: Aladdin

Image Hosted by ImageShack.us

Opo. Alam kong matagal na ang palabas na ito pero ako’y natutuwa pa rin dito hanggang ngayon. Hindi naman siguro masama kung ire-rebyu ko siya, lalo na’t isa siya sa paborito kong animated na films. Napanood ko lang kasi siya muli kanina sa Disney Channel sa cable at talaga namang napatigil ako sa aking ginagawa para panoorin si Aladdin at Jasmine.

Kahit na matagal na ang pelikulang ito eh hindi pa rin siya kumukupas. Mga bandang 1992 pa ito nang ipalabas sa sine. Pero ako, sa betamax ko lang siya napanood. Isa kasi ito sa mga dalang tapes ni Erpats pag-uwi niya noon mula sa Saudi. Matagal-tagal na rin mula noong panahong iyon pero ganoon pa rin ang paghanga ko sa palabas na ito.

Sa totoo lang, hindi talaga ganito ang kuwento ng Aladdin base sa tunay na nakasaad sa libro. Dapat ay Intsik talaga ang bida tsaka meron pa siyang Magic Ring. Pero para mas kaakit-akit at mas nakakatuwa, ginawa nilang Arabo ang bida at talaga namang naging maganda ang prinsesa. Malaki rin ang naiba sa kuwento pero OK pa rin dahil talagang nakakatuwa ito.

Astig din ang ginampanan na voice acting dito ni Robin Williams. Siya kasi ang gumanap na genie at naging nakakatawa talaga ang bawat hirit na binibitawan niya. Ayos din ang kuwento niya rito at naiyak pa nga ako uli doon sa eksena kung saan maghihiwalay na sila ni Aladdin. Biro niyo, ang tanda ko na pero naiiyak pa rin ako sa palabas na ito.

Hindi rin natin makakaila na maganda ang soundtrack ng Aladdin. Siyempre bida na naman ang mga Pinoy doon sa sikat na eksena kung saan kumakanta si Aladdin at Jasmine ng “A Whole New World”. Si Lea Salonga kasi ang boses ni Jasmine doon. At hindi makakaila na napakaganda ng boses ni Lea.

Marahil kapag may anak na ako eh imumungkahi ko sa kanya na panoorin ang Aladdin. Kwela naman siya at may mapupulot na aral. Ang mga eksena din naman eh hindi gaano PG. Sulit na sulit ito lalo na’t hindi na panonoorin ng mga bata ito sa Betamax.

Deyey’s Approval: 89%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Western Union

Kategorya: Serbisyo
Klase: Pang-pera
Pangalan: Western Union

Image Hosted by ImageShack.us

Sa panahon ngayon, napakadali nang magpadala ng pera. Kung batak ka sa computer, pwedeng-pwede kang mag-transfer ng pera gamit ang Internet. Kung wala namang computer ang padadalhan mo, pwede pa rin magpadala ng pera sa mga sikat na money-transfer companies. Isa ang Western Union sa mga kilalang money-transfer companies sa buong mundo at napakarami nilang outlets dito sa Pilipinas.

Kaya ko naman naisip na i-rebyu ang Western Union eh dahil ang pera ko mula sa isang sideline ko eh dito ipinadadala. Mula pa sa Malaysia ang pera na ibibigay sa akin kaya naman naghanap sila ng lugar kung saan madaling magpadala ng pera. At mukhang sa Western Union nauwi ang kanilang paghahanap.

Medyo na-hassle nga lang ako nung una kong bisita sa Western Union pero hindi naman nila ito kasalanan. Kailangan kasi ng pangalan ng depositor bago mo ma-claim ang pera. Sa kasamaang palad, business name ang nakuha ko sa kompanya at hindi ang name ng depositor kaya’t hindi ibinigay sa akin ang pera. Ngayon eh babalik pa lang uli ako doon dahil nakuha ko na ang tamang pangalan.

Napakadali lang ng proseso para makakuha ng pera sa Western Union. May ifi-fill up ka lang na form tapos magpapakita ka ng dalawang ID. Pag natanggap na ito ng lugar eh agad na ibibigay sa iyo ang pera. Wala nang tanong-tanong. Mabilis. Garantisado.

Masaklap lang talaga pag kulang ka sa impormasyon dahil maaantala ang pagkuha mo ng salapi. Kaya bago pumunta sa Western Union eh dapat kumpleto na lahat ng detalye na gagamitin nila. Dapat alam mo ang pangalan ng nagpadala, ang lugar ng pinanggalingan at kung magkano ang dapat matanggap na pera. Siyempre dapat alam mo rin ang sarili mong pangalan at tirahan dahil kasama ito sa form.

Sayang at hindi ko masusubukan magpadala ng pera gamit ang Western Union. Unang-una eh wala naman akong padadalhan ng pera sa malayong lugar. At pangalawa, wala akong pera!

Deyey’s Approval: 83%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

Kevin Garnett

Kategorya: Tao
Klase: Basketball Player
Pangalan: Kevin Garnett

Image Hosted by ImageShack.us
(Litrato mula sa Wikipedia)

Dahan-dahan nang lumalapit ang NBA Finals para sa 2007-2008 season. Nakakatuwang isipin na muling maghaharap ang Boston Celtics at Los Angeles Lakers para sa kampeonato. Tila parang circa 80s lang kung saan nagtunggali sina Magic Johnson at Larry Bird. Ngayon naman eh si Kobe Bryant at ang Big Three ng Boston ang maglalaban. Sa Big Three na ito, wala nang mas nagkaroon ng matinding impact sa team kaysa kay Kevin Garnett.

Nakuha ng Boston si Garnett noong simula ng season na ito at marami na agad ang nagsabing malupit ang magiging kombinasyon nila ng pambatong player ng Boston na si Paul Pierce. Mas naging nakakatakot pa ang koponan nang makuha nila ang shooter na si Ray Allen. Nang magsimula ang season, si Garnett ang tunay na nagpakitang-gilas sa kanilang tatlo. Ito ang naging daan para makuha niya ang “Defensive Player of the Year” award ngayong taon.

Matagal-tagal na ring nasa NBA si Garnett. Siya ay ang ika-limang napiling player noong 1995. Gayunpaman, hindi pa rin siya nakakakuha ng NBA Championship Ring hanggang ngayon. Marahil eh dahil kulang siya sa suporta noong nasa Minnesota Timberwolves pa siya. Ngayon ay nag-uumapaw ang kanyang galing lalo na’t alam niyang may iba pang kayang pumuntos bukod sa kanya sa koponan.

Naging MVP na rin si Garnett pero hindi pa rin niya nabuhat ang koponan niya noon para makapasok sa Finals. Alam niyang nawawalan na siya ng panahon para makakuha ng kampeonato kaya’t agad-agad siyang lumipat ng koponan kung saan alam niyang may susuporta sa kanya. At nakuha niya nga ito sa Boston kung saan natulungan niya ang team para makuha ang pinakamagandang win-loss record sa season na ito.

Kakaiba din ang pagmamahal niya sa laro na basketball. Tila nahahawaan niya ang kanyang mga kakampi sa kanyang dedikasyon. Kung mapapansin niyo eh gumaganda ang laro ng mga kakampi niya tuwing nasa loob siya ng court. Iba kasi ang kanyang aura… pati mga kalaban niya eh natatakot na mapalpal sila.

Ngayong nasa NBA Finals na siya sa kauna-unahang pagkakataon (tulad ng mga kakampi niyang sina Allen at Pierce), gagamitin na niya ang isang-daang porsiyento para makamit ang tagumpay. Para na siyang si Toguro ng Yu Yu Hakusho (Ghostfighter) kung saan hindi na niya mamaliitin ang kalaban. Yun nga lang eh sana hindi siya mapabagsak ni Kobe Bryant at ng Los Angeles Lakers.

Ito na ang panahon ni Garnett. May championship ring na si Kobe… si Garnett wala pa. Kaya dapat lang ay manalo si Garnett para makapag-retiro na siya nang masaya (at para din sa susunod na taon eh manalo na ang Utah Jazz ko!).

Deyey’s Approval: 88%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment

21

Kategorya: Pangyayari
Klase: Pelikula
Pangalan: 21

Image Hosted by ImageShack.us

Napakabata ko pa nang ako’y matutong maglaro ng baraha. Opo, yung standard na 52 deck na baraha. Natatandaan ko pa ang mga panahong tinuturuan ako ng lola ko na maglaro ng pares-pares at unggoy-unggoyan. Habang tumatanda ako eh natututo ako maglaro ng iba pang card games tulad ng 21, crazy eight, pusoy, pusoy dos, at tong-its.

Dahil sa ka-adikan sa baraha eh talaga namang natuwa ako nang malaman ko ang tungkol sa pelikulang 21. Tungkol ito sa isang grupo ng mga estudyante na natutong magbilang ng baraha para manalo sa mga casino sa Amerika. Amin itong pinanood ng Honey ko at pareho kaming natuwa sa konsepto.

Mahusay ang pagkakagawa ng pelikula at kung medyo pala-isip kang tao eh masusundan mo ang galaw ng mga bida. Nakakamanghang isipin na ang mga estudyanteng tulad nila (na noong panahong iyon ay nasa kolehiyo pa lamang) ay kumikita na ng libo-libong dolyares sa isang gabi ng paglalaro. Hindi sila sugarol kundi mga matatalinong bata lang talaga.

Siyempre, mawawala ba naman ang mga kalaban sa palabas na tulad nito. Sa 21, ang naging kalaban ay si Laurence Fishburne na mas kilala sa pangalang Morpheus sa The Matrix. Kapansin-pansin na pumayat siya sa palabas na ito at hindi na kasing bait kaysa noong kasama niya si Neo at Trinity. Magaling ang pagganap niya sa kanyang karakter at talaga namang mararmdaman mo ang takot sa tuwing nariyan siya sa eksena.

Iniisip ko ngang mabuti kong pupuwede sa mga larong tulad ng Pusoy Dos at Tong-Its ang pagbibilang ng baraha. Mas ginagamit kasi sa mga larong ito ang pagtatanda sa mga dumaang baraha. Siyempre, nariyan din ang paraan kung saan lalagyan mo ng marka ang likod ng baraha (lalo na sa Dos na Diamond). Medyo jologs ang istilo kung ikukumpara sa pamamaraan na ginamit sa pelikulang 21.

Tiyak na matutuwa kayo sa palabas na ito lalo na kung adik kayo sa mga premise kung saan pinapa-isip kayo nang malalim. Makakatulong din kung mahilig ka sa baraha at trip mo ang mga pelikulang umiikot sa mga ganitong klaseng kuwento. Baka nga pagkatapos ng palabas eh bigla ka na lang maghanap ng baraha at kalaban tapos magsimulang magbilang eh.

Deyey’s Approval: 83%

Category: rebyu  Tags:  Leave a Comment