Libing ni Cory Aquino

Ito ang libing ni Cory Aquino. Basahin ang aking rebyu tungkol sa pangyayaring ito.

(Litrato mula sa AP na naka-paskil sa Yahoo! News)

“At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas.” – Mateo 23:12

Ito ang mga salitang galing sa Bibliya na umaakma sa klase ng buhay na ginampanan ng ating dating pangulo na si Corazon C. Aquino. Dahil sa sobrang simple niya, siya ay minahal ng taong bayan. Partida pa yan dahil nanggaling siya sa isang marangyang pamilya. Gayunpaman, hindi siya nagpabulag sa mga magagandang bagay na kayang-kaya niyang makuha nung siya’y nakaupo pa sa puwesto.

Ngayong araw na ito ay dinala na ang “Ina ng Demokrasya” sa kanyang huling hatungan sa Manila Memorial Park. Kung ikaw ay katulad ko na sumubaybay sa buong pangyayari, maging ito man ay sa radyo, TV o mga lumang komiks, makikita mo talaga kung gaano kamahal ng bayan ang isang Cory Aquino.

Umaga pa lang ay nakatutok na ako sa TV para panoorin ang buong kaganapan ng kanyang libing. Bale naabutan ko pa ang misa. Kitang-kita ko din kung sinu-sino ang mga dumalo sa simbahan. Napanood ko din ang talumpati nina Kris Aquino at Bishop Soc Villegas. Na-antig ako sa mga sinabi nila at doon nagsimulang mag-tubig ang aking mga mata.

Kinilabutan pa ako nang kumanta ang iba’t-ibang mang-aawit habang inilalabas ang kabaong ni Cory. Tumaas ang aking balahibo nang kantahin ni Lea Salonga ang “Bayan Ko” tsaka dun sa kanta ng APO Hiking Society na “Handog ng Pilipino sa Mundo”. Tila ba gusto kong kumuha ng compilation ng lahat ng awitin na kaakibat kay Cory at kay Ninoy.

Mas lalo akong naluha nang makita ko ang mga taong sumasalubong sa karwahe ni Cory. Lahat naka-”L” sign. Lahat sumisigaw ng Cory na tila ba naririnig pa sila nito. Karamihan naka-dilaw. Kung ako man ay nasa lugar nila, isisigaw ko din ang pangalan ni Cory at magpapakita ng Laban sign. Ito na ang pinaka-akmang pagpugay para sa dating pangulo.

Pati nga ata ang panahon ay nalungkot din sa pagkawala ni Cory. Kanina habang bumibiyahe ako ay sobrang lakas ng ulan na tila ba umiiyak nang todo ang langit. Walang humpay na ulan … para talagang naghihinagpis.

Gayunpaman, hindi natinag ang mga sumusuporta kay Cory Aquino. Kahit na umuulan, tuloy pa rin ang pag-martsa sa kalye. May mga parte ngang baha sa kalsada pero hala sulong pa rin sila. Ano ba naman ang maduming sapatos kumpara sa isang malinis na sakripisyo para maibalik ang demokrasya sa bansa?

Iba talaga ang pagmamahal ng tao kay Cory Aquino. Habang iniisip ko nga eh tila siya lang ang makakakuha ng ganitong amor sa mga tao. Dahil sa pagiging mapagkumbaba niya, siya’y inangat ng taong-bayan bilang isang mahalagang simbolo ng katatagan at katapangan ng ating bansa.

Madam Cory Aquino, alam namin na nasa langit ka na. Nakita niyo naman kung gaano ka namin kamahal. Ngayon po ay kasama niyo na si Ninoy na tinuturing din naming isang bayani. Patnubayan niyo kami sa aming patuloy na pakikipaglaban sa katiwalian sa gobyerno at bayan. Kung ipinagmamalaki mong Pilipino ka, mas nagyayabang kami dahil kababayan namin ang isang Cory Aquino.

Deyey’s Approval: 94%

Category: rebyu  Tags:
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.