
(Litrato mula sa blog ni Todd Terwilliger)
Nakakaranas na naman po ang Pilipinas ng “bed weather”. Mga ilang araw na ring ganito ang sitwasyon ng ating panahon. Ganito nga rin yung panahon nung libing ni Cory Aquino. Pero hindi talaga nagpatinag ang panahon kahit na ilang beses nagdasal ang mga tao. Heto na nga ang epekto ni Bagyong Kiko.
Ang Bagyong Kiko ay may international code name na “Morakot”. Medyo mabantot yung pangalan pero ganun talaga. Ang dala ng bagyong ito ay walang humpay na ulan at malakas na hangin. Nakakapikon nga yung tambalan nila dahil kahit naka-payong ako ay nababasa pa rin ako dahil naga-undercut yung tubig ulan papasok sa brief ko.
Lalo kong naramdaman ang hagupit ng Bagyong Kiko ngayong araw na ito. Nung papasok kami ng Honey ko sa opisina ay inabutan kami ng malakas na ulan. Dahil pareho kaming nagmamadali, sinugod namin ang ulan at nagpayong lamang. Ayos lang sana yung ulan kaso ang lakas din nung hangin. Ayun, basang-basa ang pantalon at medyas ko nang pumasok na ako ng gusali namin.
Pero mas kawawa yung Honey ko dahil nasira ang payong niya dahil sa lakas ng hangin. Ang masaklap pa dito, basang-basa talaga siya dahil nga wala na siyang payong. Ang ginawa tuloy niya ay nagpatuyo muna siya sa banyo bago siya tumuloy ng opisina nila.
Nitong gabi nga ay napilitan yung Honey ko na bumili ng payong sa malapit na mall sa lugar namin. Nakita namin sa tindahan na marami-rami din ang bumibili ng payong. Malamang ay may mga payong na ito noon pero nasira lang din dahil sa malakas na hangin.
Hindi si Bagyong Kiko ang pinakamatinding bagyo na tumama sa Maynila. Marami pang naging mas malakas at mapinsala sa kanya. Pero para sa mga payong na tulad ng pagmamay-ari ng Honey ko, ito na ang kumitil sa kanilang simpleng buhay bilang tagapagtanggol ng mga ulong tuyo.
Deyey’s Approval: 65%
