
(Litrato mula sa Wikipedia)
Hindi ako mahilig manood ng horror. Kung pagbabasehan niyo naman ang aking mga akda dito sa Rebyu, mapapansin niyo na comedy talaga ang genre ko. Pero ang aking Honey ay gustong-gusto manood ng mga nakakatakot. At tuwing nasa mood siyang manood, ako’y napapasama dahil ako’y isang tunay na lalaki na hindi natatakot sa mga multo, serial killers at kung anu-ano pang okasyon na nakakagulat.
Kamakailan ay nanood kami ng Orphan, isang pelikulang tungkol sa isang batang ulila (kaya nga Orphan eh). Tuwing naglilibot ako sa Internet, lagi kong napapansin ang advertisements ng palabas na ito. At nang makita ko nga na pinapalabas na ito sa Pilipinas, agad kong sinabi sa aking Honey na panoorin namin ito… kahit na alam kong matatakot talaga ako dito.
Ang una naming napansin nang magsimula ang pelikula ay ang galing ng batang gumaganap na Esther (siya yung Orphan sa pelikula). Ayon sa aking pagsasaliksik, ang batang ito ay si Isabelle Fuhrman na sa mga TV roles lang lumalabas. Kung panonoorin niyo ang pelikula, tiyak na mamamangha din kayo sa galing ng pag-arte nitong si Isabelle. Kuhang-kuha niya ang persona na kanyang ginagampanan. Lalo tuloy itong nakadagdag sa takot ko.
Maganda rin ang mind tripping na gagawin sa iyo ng palabas. Bale sa simula ay hindi mo pa talaga malalaman ang sikreto ni Esther. Pero habang bumibigat ang mga pangyayari, mas nakaka-baliw na ang mga kinikilos nitong ating bata. Talaga namang mapapa-isip ka kung bakit naging ganito itong si Esther.
Medyo masaya din ang setting nung nanood kami nitong Orphan. Karamihan ata ng mga audience doon ay lakas-trip lang din manood ng horror. Kaya naman konting panggugulat lang sa palabas eh magsisigawan na sila. Naiinis pa naman sa ganitong ugali ang Honey ko … para bang hindi raw sanay manood ng horror ang mga naroon.
Ako naman ay hindi talaga nagpakita ng takot. Walang katakot-takot. Ang tapang-tapang ko nga eh. Pero kung kaparehas mo ako na hindi sanay manood ng horror, wag na kayong manood nitong Orphan. Nakakatakot siya para sa mga normal na nilalang … di tulad ko na hindi natatakot sa kahit ano. Walang katakot-takot.
Deyey’s Approval: 80%
