G.I. Joe: The Rise of Cobra

Ito ang poster ng G.I. Joe: The Rise of Cobra. Basahin ang aking rebyu tungkol sa pelikulang ito.

(Litrato mula sa Wikipedia)

Usong-uso na naman po ang mga pelikulang hango sa mga laruan. Kamakailan ay nagpakitang-gilas sa takilya ang Transformers 2 at tumabo ito ng limpak-limpak na salapi. Ngayon naman, humahabol sa kanyang mga yapak itong G.I. Joe: The Rise of Cobra.

Para sa mga taong hindi nanonood ng TV at hindi na maalala ang 1980s, ang G.I. Joe ay binubuo ng mga Amerikanong sundalo na handang tumulong kanino man habang nilalabanan ang kanilang kaaway na Cobra. Para talaga itong Transformers kung saan naka-grupo talaga ang bida at kalaban. At pareho silang nagsimula bilang laruan bago ginawang cartoons.

Nakaka-aliw din panoorin itong G.I. Joe: The Rise of Cobra lalo na kung trip mo lang ng aksyon. Siyempre, alam din natin na may mga manonood diyan na sisiraan ang palabas dahil hindi daw ito sumusunod sa tamang takbo ng kuwento ng G.I. Joe. Kahit na ano pa man ang sabihin nila, ang isasagot ko lang eh “maganda naman ang palabas ah… bakit ka pa talak nang talak diyan?”

Mababaw lang ang kuwento ng palabas. Pinapakita lang nito ang madalas na “mabait laban sa masama” na tema. Bale para siyang pang-karaniwan na pelikula: maglalaban ang masama at mabubuti tapos sa bandang huli, mananalo ang bida pero patitikimin muna ang mga manonood ng eksena kung saan naisahan pala sila ng kalaban.

Hindi ko na mai-dugtong ang mga tauhan sa pelikula dun sa mga tauhan nung 1980s na serye. Hindi kasi ako magaling sa mga pag-konekta ng lumang cartoons at modern na pelikula. Gayunpaman, nakakatuwa ang pagkakaiba ng bawat tauhan. May isa nga doon na, sabi ng Honey ko, kapareho ko. Hulaan niyo na lang kung sino.

Magandang panoorin ang G.I. Joe: The Rise of Cobra. Nakakatanggal din ng pagod sa opisina / eskwela kahit na aksyon ang tema nito. Hindi sayang ang pera niyo kaya manood na kayo (hindi naman ako sponsored ng G.I. Joe pero grabe ako mag-promote… hehehe!)

Deyey’s Approval: 86%

Category: rebyu  Tags:
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.