The Hangover

Ito ang poster ng The Hangover. Basahin ang aking rebyu tungkol sa pelikulang ito.

(Litrato mula sa Wikipedia)

Matagal na akong hindi umiinom ng alkohol. Dati, nung nag-aaral pa ako, lagi akong tambay sa mga inuman doon sa paligid ng eskwelahan. Pero ngayon, nagbagong-buhay na ako. Tinigil ko na yan… nakasama sa atay. It’s liver or lover, boy!

Sa pelikulang The Hangover, alkohol ang pangunahing dahilan kung bakit napahamak ang mga bida. Ang Hangover ay isang palabas na nakakatawa na kamakailan lang dinala dito sa Pilipinas. Dapat dinala itong Hangover noon pa dahil talaga namang nakaka-aliw ito. Natanggal nga ang pagod ko sa opisina dahil sa kakatawa!

Kasama ko ang aking Honey nang manood nitong Hangover. Parehas kaming abala sa trabaho kaya naman natuwa kami nang maka-tsambang makanood ng sine. Alam namin na maganda ang rebyu ng mga international critics sa Hangover kaya’t ito ang pinanood namin (at hindi yung “And I Love You So”).

Hindi naman kami nagsisi sa pagpili. Talagang hagalpak kami sa tawa mula simula hanggang dulo ng palabas. At ang sinasabi kong dulo ay yung mismong credits na. Ganun kalupit sa comedy itong Hangover… walang patid na tawanan.

Bilang manonood, ang una mong maiisip sa unang eksena kung saan gumising silang bangenge eh “Hala, anong nangyari sa kanila?!”. Sa Ingles, mapapa-WTF ka. Habang umuusad ang kuwento, maayos na napagtatagpi nila ang buong pangyayari. At dahil nga mga lasing, kung anu-anong kalokohan talaga ang pinaggagawa nila.

Hindi gaano kilala ang mga artista pero hitik na hitik sa katatawanan ang The Hangover. Magaling ang pagkaka-deliver ng comedy at suwak sa punchline ang bawat linya. Malamang ay magsasama-sama uli ang mga ito at gagawa pa ng isang panalong pelikula.

Ang aral sa kuwento ng Hangover ay “huwag mag-adik sa alak” dahil baka kung ano ang magawa mo habang lasing. Maraming kapahamakang puwedeng mangyari habang bangenge. Kaya’t panoorin itong Hangover para makapulot ng karampatang aral lalo na kung ikaw ay umiinom mula umaga hanggang gabi.

Deyey’s Approval: 89%

Category: rebyu  Tags:
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.