Team Pilipinas

Ito ang Team Pilipinas. Basahin ang aking rebyu tungkol sa kanila.

(Litrato mula sa FIBA Asia)

Alam naman nating lahat na adik ang mga Pinoy sa basketball. Kahit saang lugar ka tumingin dito sa ating bansa, may makikita kang basketball court. May mga nagtiya-tiyaga sa court na lupa lang ang sahig. Meron namang semento. At yung mga mayayaman naman ay nasa kahoy / tabla na court.

Kaya’t hindi kataka-taka na laging lumalaban ang mga Pilipino sa mga international na basketball competitions. Alam naman din kasi natin na magagaling ang ating mga manlalaro. Yun nga lang, may mga pagkukulang ang ating mga pambato na medyo mahirap masolusyunan.

Kung galing at galing din lang naman ang pag-uusapan, tiyak na nakaka-angat ang Team Pilipinas sa kahit ano mang bansa dito sa Asya. Mas mataas tayong tumalon at mas suwabe tayo sa ere na halos nakakapag-kape pa ang manlalaro. Ginagaya kasi nating mga Pinoy ang mga kilos ng mga nasa NBA -ang primyadong liga kung saan ang mga mahuhusay lamang ang nakakalahok.

Nitong mga nakaraang araw, sumali ang Team Pilipinas sa FIBA Asia Championship 2009. Bale ang tatlong koponan na may pinakamataas na standing ay makakalahok sa darating na FIBA World Championships. Masaya sanang makita ang watawat ng Pilipinas na wumawagayway kasama ang mga watawat ng mga bansang mahuhusay din sa basketball.

Sa kasamaang palad, hindi na naman tayo sinuwerte nang tayo ay matanggal sa FIBA Asia championship. Kanina kasi ay nakaharap ng Team Pilipinas ang isa sa pinakamabangis na koponan na sumali sa tournament -ang Jordan. Bukod sa mas malalaki sila sa atin, sila din ay mas matangkad. Pero hindi nagpasindak ang Team Pilipinas. Dinaan nila sa bilis at liksi. Napababa nila ang puntos ng kalaban pero hindi pa rin nila ito nagapi.

At tayo nga ay natanggal sa torneo. Sayang.

Gayunpaman, ako’y humahanga sa ipinakitang tapang ng Team Pilipinas. Taas-noo pa rin ako sa kanilang husay. Oo, medyo nayari tayo sa lakas ng puwersa ng mga taga-Jordan pero ganun talaga. Sa pangalan pa lang parang ang husay na nila sa basketball eh. Medyo pangit ang istilo ng kalaban sa paglalaro … parang walang style. Mas malaki lang talaga sila.

Balang-araw makakapasok din tayo diyan sa FIBA World Championship na yan. Makakakuha din ng gintong medalya ang Pilipinas sa Olympic basketball. At magiging MVP ng NBA ang isang Pinoy na nagmula sa Team Pilipinas.

Oo, maniwala kayo. Magagaling tayo! At magaling ang ating koponan! Mabuhay ang Team Pilipinas!

Deyey’s Approval: 83%

Category: rebyu  Tags:
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.