Matrikula (Gloc-9 Album)

Ito ang album cover ng Matrikula. Basahin ang aking rebyu tungkol sa album na ito ni Gloc-9.

(Litrato mula sa Facebook account ni Gloc-9)

Heto na naman po si Gloc-9, nagkakalat na naman ng kanyang galing sa Pinoy rap scene. Pagkatapos ng kanyang mahusay na Diploma album, ito naman ang Matrikula na naglalaman ng mga pinakabago niyang awitin. Marahil dahil na rin sa kanyang kasikatan sa industriya kaya’t parami na nang parami ang pumapayag maki-collaborate sa kanya.

Matagal na rin akong fan ni Gloc-9. Sa katunayan nga ay meron ako ng lahat ng albums niya. At tuwing nai-stress na ako sa ano mang gawain, yung unang album ni Gloc-9 ang isa sa mga pinakikinggan ko. Ngayong meron na siya nitong Matrikula, tiyak na makaka-ilang tugtog ako nito sa aking iPod.

Kahapon kasi ay bumili ako ng album na Matrikula mula sa isang record bar sa isang sikat na mall sa may North Edsa sa tapat ng Trinoma (hindi ko sasabihin kung ano ito pero may initials ito na “S.M.”). Bale ngayong araw ko lang ito napakinggan.

Sa mga unang kanta pa lang sa album ay napahanga na naman ako dito kay Gloc-9. Tulad ng mga nakaraan niyang album, kapansin-pansin pa rin ang bilis ng kanyang bibig habang siyang umaawit / tumutula. Pero kahit mabilis siya magsalit, naiintindihan pa rin ang mga sinasabi niya di tulad ng ibang rappers na pag umawit na ay puro na lang “waazzhheeeerakawarrrppppaaafrhhhhsss” na di mo alam kung anong lingwahe.

Maririnig ngayon sa mga istasyon ng radyo ang carrier single na “Upuan” na para bang patama dun sa taong kumain ng worth P1M na tsibog sa Amerika. Kung natutuwa na kayo sa “Upuan”, mas masasayahan kayo sa mga iba pa niyang awitin tulad ng “Bayad Ko” (kasama si Noel Cabangon), “Balita” (kasama si Gabby Alipi ng Urbandub) at “Pangarap” (kasama si Raimund Marasigan).

Pero ang isa sa mga dapat niyong pakinggan sa album na ito ay yung “Kaibigan Ko” na alay niya para kay Master Rapper FrancisM. Ang awiting ito ay isinulat ni Joey De Leon pero sina Gloc-9 at mga kasamahan niya ang nagbigay-buhay dito.

Huwag na kayong mag-atubiling bumili nitong Matrikula. Hindi siya ingay at hindi siya baduy. Sakto siya para sa mga taong gustong cool and relaxed ang pakiramdam kahit na parang puro na stress ang nasa paligid. Baka nga bumilis pa ang galaw ng bibig niyo kapag nagpapaliwanag na kayo sa boss o titser niyo eh!

Deyey’s Approval: 85%

Category: rebyu  Tags:
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.