Bangus Restaurant

Ito ang Bangus Restaurant. Basahin ang aking rebyu tungkol sa kanya.

(Litrato mula sa kanilang website)

Para sa akin, ang pagkaing Pinoy ang pinakamasarap na tsibog sa buong mundo. Wala pa ring tatalo sa mga sangkap na gamit ng ating mga kusinero para pasarapin ang ano mang pagkain na ilatag sa mesa. Kahit na ano pa yan -karne, gulay, o isda-, siguradong busog ang mga kalamnan. Pero depende pa rin sa nagluluto kung gaano kahusay ang lasa ng mga putahe.

Sa Bangus Restaurant, napapalabas ng mga kusinero ang tamang lasa ng pagkain. Partida pa nga ito dahil ang pangunahing sangkap nila sa kanilang mga lutuin ay bangus. Oo, bangus po ang gamit nila tuwing nagluluto sila. Maging bistek man o lumpia o sisig, bangus ang gagamitin ng Bangus Restaurant … kaya nga tinawag na “Bangus Restaurant” eh!

Sa mga espesyal na okasyon ay kumakain kami ng Honey ko sa Bangus Restaurant. Minsan, pag marami kaming pera ay sumasaglit din kami dito. Ngayon nga lang gabing ito ay kumain na naman kami dito at, tulad ng inaasahan, masayang-masaya kaming lumabas sa restaurant.

Ang madalas naming bilhin sa Bangus Restaurant ay yung bangus belly na niluto na mala-bistek. Sinasabi ko sa inyo na kapag ito ang binili niyo, lalabas ang kaluluwa sa inyong katawan! Sobrang sarap kasi at talaga namang nanunuot ang linamnam. May mga sibuyas pa ito sa ibabaw na talaga namang nagpapasarap sa buong putahe. Yung isang buong order, sapat na sa amin ng Honey ko.

Marami pang masasarap na ulam doon sa Bangus Restaurant. Isa na nga rito yung Bangus Lumpia (Lumpiang Bangus?) na talagang kakaiba ang lasa. Para siyang normal na lumpia pero pag sinawsaw mo na sa catsup, talaga namang gaganahan kang kumain. Wala na itong lansa at para na rin siyang karne. Siyempre, wala na itong tinik.

Ang kinaganda pa sa mga luto nila ay hindi sila naghahalo ng MSG o mas kilala sa tawag na betsin. Bale yung lasang kumakapit sa dila ay dala talaga ng galing sa pagluto nung kusinero. Kung gagawing telenobela ang buhay nung kusinero, puwedeng itawag sa palabas ay “Cooking Master Boy”…

Huwag na kayong mag-atubiling dumaan sa Bangus Restaurant. Maghanda lang ng sapat na salapi para sa mga tsibog. Hindi siya mura pero hindi rin siya mahal. Tamang-tama lang sa bulsa. Kayang-kaya ng budget kahit na malayo pa ang suweldo!

Deyey’s Approval: 89%

Category: rebyu  Tags:
You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Responses are currently closed, but you can trackback from your own site.

Comments are closed.