
(Litrato mula sa Facebook)
“All In na ‘to!”
Iyan ang mga katagang madalas mong maririnig sa akin tuwing naglalaro ako ng Texas Hold ‘Em Poker sa Facebook. Simula kasi nang sumali ako’t natuto sa social network site na ito, na-adik na ako sa paglalaro ng poker. Hindi naman totoong pera ang gamit kaya wala nang pakundangan sa pagtaya.
Hatid ng Zynga ang Texas Hold ‘Em Poker na nilalaro ko sa Facebook. Alam kong hindi lang ito ang poker game sa Facebook pero ito ata ang pinaka-sikat. Kahit nga mga bossing ko eh ito rin ang nilalaro (opo, cool ang mga boss namin dahil may sari-sarili silang Facebook account).
May mga panahon na ang ginagawa ko lang online ay maglaro ng Zynga Texas Hold ‘Em Poker. Minsan nga ay nakakalaban ko pa ang mga bossing ko dito. Kaya naman tuwing magkakaroon kami ng break time sa opisina ay napag-uusapan kung magkano ang panalo / talo mo nung nakaraang araw.
Mahahasa ka rin naman talaga sa poker kapag nilalaro mo ang Facebook application na ito. May mga kakilala pa nga ako na naghahanap ng cheats para sa Zynga Texas Hold ‘Em Poker. Sa totoo lang, hindi na kailangan ng cheats para sa larong ito. Tulad ng chess, gamitan din kasi ng isip ang poker. At kahit na online ang Zynga Texas Hold ‘Em Poker, mababatak pa rin ang kakayahan mong mag-isip lalo na kung agresibo ang mga kalaban mo.
Ang ikinaganda pa ng Zynga Texas Hold ‘Em Poker ay ang dami ng mga manlalaro. Bale international ang mga players nito. May mga nakalaban na ako mula sa mga karating bansa sa Timog-Silangang Asya. Meron na rin akong mga nakabanggaan na Puti, Itim, at kung anu-ano pang kulay. Meron ding mga malakas manindak at meron din namang magaling mang-peke.
Sana ay magkaroon ng pagkakataon na magkalaban tayo sa Zynga Texas Hold ‘Em Poker. Kung adik ka din sa larong ito, tiyak na makikita mo ako sa isang table dito. Madalas ay nasa “Shootout” ako dahil doon nahahasa ang aking galing sa pagbabasa ng baraha ng kalaban. Sa ibang tables kasi, lakasan lang ng suwerte. Gayunpaman, masaya pa rin … lalo na kung natatalo ang par-Alas mo ng Dos-Siyete dahil ang lumabas sa flop ay 2-2-7!
Deyey’s Approval: 90%
