“Sa bawat indak, may halong halakhak!” -from Discoskwela by Kamikazee

Hindi makakaila na ang mga Pilipino ay laging naka-ngiti. Kahit na may krisis man na hinaharap, ang mga Pilipino ay makakahanap ng pagkakataon para humalakhak. Sa totoo lang, mababaw lang ang kaligayahan ng karamihan sa ating mga kababayan. Kung inyong naaalala, nauso noon ang mga comedy films na halos pare-pareho ang plot. May sayawan pa sa gitna ng palabas.
Minsan, kahit kapos na sa salapi ay tuloy pa rin ang tawanan para sa ilang Pinoy. Hindi nila iniinda ang hirap at kumukuha na lang ng pagkakataon para makatawa man lang. Ayon sa mga dalubhasa, ang pagtawa ay nakakabawas ng stress… at sa buhay ngayon sa Pilipinas, tiyak na araw-araw ay may stress.
Kahit saang lupalop ka pa ng Pilipinas magpunta, tiyak na makakakita ka ng mga taong naka-ngiti o nakatawa. Gagawa at gagawa ng paraan ang mga Pinoy para magsaya. Sa iba, ang pagsasaya ay nagaganap kasama ang mga mabubuting kaibigan. May ilan naman na sumasaya kapag mag-isa lang. Kahit ano pa man ang paraan, ang Pinoy ay talagang masayahing bayan.
Alam nating lahat na magulo ang bansa. Maraming balitang naka-inis at nakaka-sama ng loob. Pero bakit nagagawa pa ring ngumiti at magliwaliw ng mga Pinoy? Sadya bang hindi lang nila iniinda ang kahirapan o talagang likas na sa atin ang magsaya tuwing humaharap sa mga problema?

